PAANO masusukat ang pagmamahal ng isang ina?

Para kay Gianna Molla, walang hihigit pa sa wagas na pagmamahal ng isang ina na handang i-alay ang kanyang buhay para sa kanyang anak. Naipamalas ni Gianna ang pagmamamahal na ito nang isakripisyo ang kanyang buhay upang maisilang ang sanggol sa kanyang sinapupunan.

Dahil sa kanyang taos-pusong pagpapahalaga sa buhay, hinirang siyang santa noong Mayo 16, 2004 ng yumaong si Pope John Paul II sa St. Peter’s Basilica.

Ang batang Gianna

Isinilang noong Oktubre 4, 1922 sa Magenta, Italya si Franchesca Giovanna Beretta na pangsampu sa labing tatlong anak nina Maria at Albert Beretta.

Dahil lumaki siya sa isang Kristyanong pamilya, maagang nagkaroon ng matatag na pananalig sa Diyos ang batang Gianna hanggang sa kanyang pagtanda.

Bilang teenager, nahilig siya sa teatro, opera, pagpinta, pagtugtog ng piano, pag-akyat sa bundok, at pagskii. Ngunit naging malinaw na kay Gianna mula pagkabata na pagduduktor ang pangarap niyang propesyon.

Naisakatuparang ang pangarap na ito ng nang makapagtapos siya ng kurso sa medisina sa Unibersidad ng Pavia at nagpatayo ng klinika sa Mesero, Italya. Noong 1952, nagspecialized si Molla sa pediatrics na naging simula upang pagtuunan niya ng pansin ang mga nanay at sanggol.

Ulirang Ina

Bagaman maligaya si Gianna sa napiling propesyon, nanatili pa rin ang pagnanais niyang magkaroon ng asawa at mga anak. Natupad ang pangarap ni Gianna na bumuo ng isang pamilya nang ikinasal siya sa inhinyerong si Pietro Molla.

Ikinasaya niya ang buhay may asawa sa piling ng asawa at taos-puso niya itong ipinasalamat sa Panginoon. Mas lalo pang nadagdagdagan ang kasiyahang ito nang naging ina siya kay Pierluigi noong 1956; Mariolina noong 1957; at kay Laura noong 1959.

READ
Gen San campus construction delayed anew

Sa ikaapat na pagkakataon, sinubukan uli ng mag-asawa na magkaroon ng anak ngunit nabigo sila nang nalaglag sa sinapupunan ang sanggol. Subalit, nanalig pa rin ang mag-asawa hanggang sa biniyayaan muli sila ng pagkakataong magkaanak ng magdalang tao si Gianna noong Setyembre 1961.

Ngunit, hindi pa rin naging madali ang lahat para kay Gianna. noong ikadalawang buwan ng kanyang pagbubuntis nakaramdam siya ng matindi at kakaibang pananakit na dulot ng isang fibrous tumor na natagpuan sa kanyang obaryo na maaring ikamatay niya.

Iminungkahi ng kanyang surgeon na ipalaglag ang bata sa kanyang sinapupunan upang maisalba ang kanyang buhay. Subalit, sa kagustuhang iligtas ang buhay ng anak, iginiit niya na hindi pagpapalaglag ang sagot.

“Kung kailangan kayong mamili sa buhay ng anak ko at ako, huwag kayong mag-atubili, piliin ninyo ang aking anak,” sinabi ni Gianna sa duktor.

Taimtim ang pagdarasal ni Gianna na tanggapin ng buong puso ang plano sa kanilang mag-ina ng Diyos.

Sa bisa ng kanyang marubdob na pagdarasal, ipinanganak nang malusog at masigla si Gianna Emmanuela noong April 21, 1962. Ngunit dahil sa komplikasyon dulot ng cancer, namatay si Molla isang lingo matapos maisilang ang sanggol. Namatay siya sa edad na 39.

Sa pamamagitan ng anak na si Emmanuela, na naging duktor rin na tulad niya, naisakatuparan ang pagkanonisa kay Molla. Tinaguriang kontemporaryong santa si Gianna bilang kaunaunahang Roman Catholic na may asawa na nabasbasan ng ganoong titulo.

Noong araw na idineklara ang pagiging santa ni Molla, puno ng ligayang isinambit ni Emmanuela ang lubos niyang pagpapasalamat sa kanyang ina na nagligtas sa kanyang buhay.

READ
Students have the right to their hairstyle

“Dear Momma, thank you for having given me life two times, when you conceived me and when you allowed me to be born…My life seems to be the natural continuation of your life, of your joy of living, of your enthusiasm. I discovered my life’s full meaning in dedicating myself to whoever lives in suffering.”

Simbolo ng buhay

Nagsisilbing inspirasyon si Gianna sa ating lipunan upang ating masilayan ang kahalagahan ng buhay ng tao. Napatunayan niya na maipapakita ang pagiging totoong Katoliko, na may pagmamahal sa Diyos, sa pamamagitan ng pagrerespeto sa buhay ng bawat isa.

Sa kabila ng mga artipisyal na pamamaraan upang pigilan ang pagdadalang tao, naniniwala siya na may halaga ang bawat nilalang sa sandaling nabuo tayo sa sinapupunan ng ating mga ina.

Sa huli, paano nga ba natin masusukat ang tunay na pagmamahal ng isang ina?

Marahil sa pamamagitan ng pagsuri sa mga naiwang alaala nito sa kanyang mga minamahal—kabutihan at wagas na pagmamahal maging sa huling sandali ng kanyang buhay. Mary Rose M. Pabelonia

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.