IBAHIN mo sila sa ibang mga guro.

Hindi lamang nila kailangan ng matinding pasensiya, responsibilidad at dedikasyon para mabigyan ng layunin at direksyon ang mga tinuturuang kabataan, natatangi sina Marielyn Quintana, Marina Gamo, at Antonino Tobias sa kanilang paghahanap ng oras para bumiyahe papunta sa mga liblib na lugar na higit na nangangailangan ng edukasyon.

Pasasalamat ng mga Ita

Marahil kung hindi raw siya napadpad sa opisina ng Office of Community Development (OCD), hindi mararanasan ni Assistant Financial Director Marielyn Quintana ang magandang ugali ng mga Ita sa Tarlac. Kahit na nakakapagod ang biyahe linggu-linggo papunta roon, gumagaan ang pakiramdam ni Quintana kapag nakikita niya ang tuwa at ngiti sa mukha ng mga tao.

“Nang una ko silang makilala, nakita ko ang kanilang pagiging simple at mapagkumbaba,” aniya. “Para sa kanila, tama na ang matutong magsulat at magbasa ng Filipino at Ingles. Hindi importante ang makakuha ng diploma o yumaman, basta hindi sila maapi at abusuhin ng mga tao.”

Nagtapos ng History sa kursong Education ng UST, hindi ipinagkakait ni Quintana ang kanyang pagiging guro. Personal niyang tinuturuang sumulat at magbasa ang mga Ita para maiwasan na maloko sila pagdating sa mga legal na dokumento o nakasulat na instruksyon.

Kaya kahit naabala ang oras niya para sa kanyang asawa at dalawang anak, naiintindihan naman daw siya ng kanyang pamilya.

“Minsan, kapag nasa immersion kami ng aking mga estudyante, sumasama at tumutulong pa nga ‘yung asawa at mga anak ko,” ani Quintana.

At kapag may oras, ginagamit din niya ang radyo sa OCD para makipag-usap sa mga kaibigan niyang Ita sa Tarlac.

READ
WHO: Pills are carcinogenic

Sa loob ng rehas

Samantala, labas-pasok naman si Marina Gamo sa mga rehas ng Camp Sampaguita sa Muntinlupa at Camp Aplayang sa Cavite. Hindi dahil mahilig siyang lumabag sa batas, kundi para magturo sa mga batang bilanggo.

Tuwing linggo, nagbibigay sila ng mga seminar, workshop at payo sa mga bilanggo. Binibigyan din nila ng pagkakataong makatapos ng pag-aaral ang mga batang bilanggo sa pamamagitan ng Modular Educational Program for Inmates, isang apat na taong kurso. Ang mga nagtatapos dito ay bibigyan ng diplomang Bachelor of Arts para sa Sosyolihiya.

Dinadala rin ni Gamo ang kanyang mga estudyante sa mga bilangguan para makisalimuha at matanggal nila ang masamang batik nila sa mga bilanggo.

“Para na rin iyon masanay ang mga estyudante sa social interaction at makatulong sa lipunan sa pamamagitan ng mga immersion at community development,” ani Gamo.

Kasalukuyang coordinator ng Community Development ng Faculty of Arts and Letters (AB) at propesor ng sosyolohiya, sinisikap ni Gamo na panatilihin ang prinsipyo ni Sto. Tomas de Aquino na nakatuon sa kapakanan ng mga mahihirap.

“Hindi ko makakalimutan ang lantad na kahirapan at pang-aapi na nakita ko. Ito ang nagpupursigi sa aking ituloy ang aking trabaho bilang isang volunteer ng ating lipunan,” aniya.

Tunay na pagsisilbi

Ayon naman kay Antonino Tobias IV, isa ring propesor ng sosyolohiya sa AB, nasa lahi na nila ang pagsilbi at pagtulong sa kapwa ng walang kapalit. Aktibo ang kanyang pamilya sa mga community work sa kanilang probinsya ng Nagcarlan, Laguna, kaya naman pinili niya ang magturo sa Unibersidad at sumama sa mga community work nito.

READ
Istilo ng sining Belgium, tinalakay sa exhibit

“Nakita ko sa aming pamilya ang gawaing pagtulong sa mga maliliit at maralita at naengganyo ako ng aking ama na tumulong sa kapwa nang bukal sa loob kaya kumuha ako ng kursong sosyolohiya,” ani Tobias.

Bilang miyembro ng AB Community Development Team, at tagapayo ng AB Volunteers in Action (AVA), sinisikap ni Tobias na makisalamuha ang kanyang mga estudyante sa mga bilanggo ng Muntinlupa at iba’t ibang tribo sa malalapit na probinsya.

“Nakakatuwa na epektibo ang paraan (na ito) ng paglantad sa komunidad. Mas lalong lumalalim ang pananaw ng mga estudyante sa mga isyu at problema ng lipunan at nahahasa ang kanilang research at community organizing skills.”

Sa immersion sa komunidad ng mga Mangyan lamang natanto ni Tobias ang unti-unti nang pagkalimot ng mga tao sa ating mga ninuno at kasaysayan. Dito niya rin nakita ang diskriminasyon sa mga Mangyan at kung papaano naiiba ang pagpapasweldo sa isang Mangyan kumpara sa iba.

“Sana nga magkaroon ng exposure ang mga ibang politico sa mga ganitong komunidad para malaman nila ang pagiging tapat.”

Nakita rin ni Tobias ang ugaling matapat ng mga Mangyan nang minsang nawalan ng kwintas na ginto ang isa niyang estudante. Nang napulot ito ng isang katutubo, agad niyang ibinalik sa kanila.

Naiiba man ang kanilang paraan ng pagturo, ang importante ay maipakita nila ang kahalagahan ng buhay at iba’t ibang kultura. Hindi lamang nakakulong sa loob ng silid-aralan ang kanilang pananaw, bagkus, napapatotohanan ito sa kanilang mga gawa. Sa tulong ng mga immersion, binibigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na matuto, makisalimuha, at madiskubre ang kakayahan at maari nilang magawa para gumanda ang komunidad.

READ
Mensahe ng pamahiin

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.