NAKAGISNAN na sa kulturang Pilipino ang maniwala sa mga pamahiin. Hindi man ito lubos na naipaliwanag ng mga nagdaang henerasyon, ginagawa pa rin itong basehan sa pamumuhay ng marami sa atin.
Marami sa mga pamahiin o matandang paniniwala ang kapupulutan ng mabuting halimbawa, gawi at pag-iingat. Ngunit hindi pa rin lubos na maunawaan ang pinagmulan at dahilan ng mga pamahiing ito.
Sa likod ng paniniwala
Ani Dr. Florentino Hornedo, dalubhasa sa kasaysayan, literatura at pilosopiya at may akda ng mga libro ukol sa kultura gaya ng Culture and the Community in the Philippine Fiesta and other Celebrations, isa lamang ang pamahiin sa mga paraan upang maipaliwanag ng tao ang mga bagay na nakapaligid sa kanya.
“Superstitions are [the] primitive forms of science. They are generalizations on limited evidence.”
Dahil sa wala pang sapat na kaalaman ang lipunan noon, ipinagpapalagay ang mga pamahiin bilang basehan kung paano mapabubuti ang pamumuhay.
Isang halimbawa rito ang pamahiin na kapag inaantok, magigising ka kung iinom ka ng kape. Maaring isa lamang itong matandang kasabihan ngunit sa pag-usad ng panahon, nagkaroon din ng paliwanag ang pamahiing ito.
“Pinatunayan ng agham na isang stimulant o pampagising nga ang kape,” paliwanag ni Hornedo.
Bukod sa nagiging basehan ang mga pamahiin, mayroong social control belief na tinatawag sa antropolohiya, dagdag pa ni Hornedo. Gumagawa ng kuwento ang mga matatanda upang sundin sila ng kabataan. Sinasabi ng mga matatanda na may lumalabas na multo, maligno at iba pang uri ng nilalang tuwing gabi kaya mapanganib para sa mga bata.
“Wala namang multo,” ani Hornedo. “They (elders) create stories to avoid accidents. In anthropology, it (superstition) is tolerant because there are explanations.”
Dulot man ng agham o antropolohiya, hindi maikakailang malaki ang naitulong ng pamahiin upang bigyan ng direksyon at paliwanag ang karanasan ng tao.
Naging bahagi na ng kultura ng mamamayan ang pamahiin. Naging makabago man ang panahon ngayon, hindi pa rin maaalis sa ating mga Pilipino ang maapektuhan o maniwala sa mga pamahiing ito.
Wika ng pamahiin
Ayon kay Eros Atalia, propesor ng Filipino sa Faculty of Arts and Letters at junior associate ng Center for Creative Writing and Studies, wika ang isang dahilan ng pagkakabuo ng mga pamahiin.
“Isang tungkulin ng wika ang maipaliwanag ang realidad,” aniya. “Nakatali sa wika ang limitasyon ng ating realidad at ng katotohanan.”
Hinuhubog ng wika ang kamalayan at kaugnayan sa daigdig, dagdag ni Atalia. Nagkakaroon din ng kolektibong pagtawag at konsepto ang mga bagay na nakapaligid sa atin tulad na lamang ng mga pamahiin.
Isang halimbawa ang pamahiin sa pusang itim.
“May katawagan tayo sa pusa at sa kulay itim at mayroon din namang konsepto para rito,” paliwanag ni Atalia. “Ang konsepto natin sa pusa, stray o pakalat-kalat, ang itim naman, masama. Kaya kapag may nakasalamuha kang pusang itim may makakasalamuha ka na pakalat-kalat na masama.”
Itinuturo ng mga pamahiin na suriin natin ang realidad ng lipunan at mga alituntuning inatas sa atin. Ito, para sa ating mga ninuno, ang mga dapat at hindi dapat paniwalaan.
Ngunit tulad ng isang batas, pagmamalasakit sa kapwa ang isang ugat ng mga pamahiing ito. Tulad na lamang ng pamahiin sa pag-ikot sa plato. Ani Atalia, pag-aalala sa taong aalis ang maaring dahilan nito.
“Kina-kailangang tingnan ang konsepto at mensahe sa likod ng mga pagbabawal na ito,” sabi niya. “May ugnayan ang kilos, social practice at wika.”
Ayon sa librong Language and Power ng Lancaster University linguist na si Norman Fairclough, isang social practice ang wika. Kaugnay ng pagsasabuhay ng pamahiin ang pagsasabuhay din ng wika.
May nakataling konsepto sa wika tulad ng usapin sa pamahiin, gaya na lamang ng pamahiing Oro, Plata, Mata, na nangangahulugang, ginto, pilak at kamatayan.
Sinasabing kung magpapatayo ka ng isang bahay na may hagdan, kailangang banggitin ang mga salitang “Oro, Plata, Mata”. Pinaniniwalaang nababatay ang uri ng pamumuhay ng may-ari ng bahay sa pamahiing ito.
Ani Atalia maaaring nangangahulugang mahirap, payak, o marangyang pamumuhay ang konsepto ng pamahiing Oro, Plata, Mata.
“Kung paano kinokonsepto ang salita gayundin kinokonsepto ang pamahiin,” sabi ni Atalia.
Ang pilosopiya ng pamahiin
Bahagi ng pamahiin ang paniniwalang may mas higit na nilalang o diyos na maaaring makaapekto sa pamumuhay nila.
Ayon kay Fleurdeliz Altez, propesor ng pilosopiya sa Faculty of Arts and Letters, naging bahagi na ang ilang mga pamahiin ng Kristiyanong gawi.
“May mga bagay sa labas ng ating paniniwala na hindi natin matatanggal. Marahil nauna pa ito sa pagdating ng relihiyong Kritiyanismo,” paliwanag niya.
Dagdag niya, may mga sumusunod sa pamahiin dahil wala namang mawawala kung susundin ito.
“Kung ‘di nagkatotoo, mabuti. Kung sinuwerte ka, masaya,” sabi ni Altez.
Naniniwala umano ang mga Pilipino sa pamahiin ayon sa paniniwalang nakatadhana na ang buhay ng tao, at bahagi nito ang mga paniniwalang dadalhin ka sa isang tiyak na kaganapan o maaaring maging takbuhan para sa isang kasiguraduhan ng buhay.
Kultura at pagkataong Pilipino
Ang pagkakaiba-iba ng mga kultura ang isa pang pinaguugatan ng mga pamahiin.
“Every culture who is not familiar with what the other culture is doing, the former will say that it is superstitious,” sabi ni Hornedo.
Dahil dito nagiging kapalit ang pamahiin ng naglalahong kultura. Ito na lamang ang natitira sa napag-iwanang kultura, ang paniniwala ng mga nakatatanda na nagpapasalin-salin na lamang sa bibig ng mga mamamayan nito.
“Dati-rati, naniniwala ang mga Pilipino sa diwata, maligno, at mangkukulam. Nang dumating ang Kastila at ang relihiyong Krisiyanismo, unti-unti itong napalitan ng diyos, anghel, at iba pang dayuhang nilalang,” paliwanag ni Hornedo.
Naniniwala naman si Altez na hindi magtatagal ang mga pamahiin sa buhay ng tao.
“Hindi rin naman puwedeng pamahiin ang magtanggal sa ‘will’ ng tao,” sabi niya.
Bagaman malaki ang naging epekto ng dayuhang kultura sa pamumuhay at paniniwala nating mga Pilipino, may ilan pa ring mga pamahiin ang magpahanggang ngayon, sinusunod at ginagawa pa rin ng marami.
Ayon kay Atalia, hindi ito magtatagal nang ganito kung wala itong silbi.
“Nangangahulugan ng isang tungkulin ang pamahiin,” aniya. “May silbi ang antanda tuwing dumaraan sa harap ng simbahan at pag-”tabi po” sa ilang lugar.”Mary Elaine V. Gonda at E.T.A Malacapo
Sanggunian: Orakulo ng Kapalaran ni M.J. Enriquez