KARANGALANG maituturing ang makadaupang-palad ng ilang mahahalagang personalidad na ni sa panaginip ay hindi mo aakalaing makita.

Mapalad ang Unibersidad dahil ilang beses na itong nabigyan ng pagkakataong maipagmalaki ang kagandahan at kagalingan ng bansa, maging ng buong mundo.

Noong 1962, mga dugong bughaw ang nakasalamuha ng mga Tomasino. Si Prinsipe Juan Carlos Borbon ng Espanya at ang kabiyak niyang si Prinsesa Sophie ng Gresya, maging si Prinsesa Beatrize ng Holland, ay mga lumibot sa Unibersidad. Nagkaroon din ng pagkakataong bumisita si Haring Simeon II ng Bulgaria. Hindi rin naman nagpahuli ang mga Prinsipeng Alfonso de Borbon at Gonzalo de Borbon sa pagdalaw dito.

Bilang Pontifical University, ilang beses ding binisita ang UST ng pinakamatataas na lider ng Simbahang Katoliko. Dumalaw sa Unibersidad si Santo Papa Pablo VI noong Nobyembre 28, 1970. Isang peace rally ang ginanap sa parade grounds ng UST kung saan mainit na pagtanggap ang ipinadama sa Santo Papa. Upang ipakita ang pagkakaisa ng Simbahan at mga kabataan, binigyan ni Pablo VI ang Unibersidad ng kalis at ciborium na parehong gawa sa ginto.

Hindi rin malilimutan ang dalawang beses na pagpunta ni Santo Papa Juan Pablo II sa Unibersidad.

Noong 1981, sinabi niya sa madla ang kahalagahan ng kabataan sa pagpapalaganap ng Salita ng Diyos. Taong 1995 naman nang bumalik si Juan Pablo II upang pamunuan ang International Youth Forum na bahagi ng ika-10 World Youth Day sa bansa.

Hindi rin naman nagpahuli ang mga pinuno ng ating bansa sa pagbisita sa Unibersidad. Naging panauhing pandangal ang mag-asawang Ferdinand at Imelda Marcos sa ika-356 Foundation Day ng UST noong 1967.

READ
'Dignity, non-negotiable' - theologian

Dumalaw rin ang dating Pangalawang Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong Agosto 26, 1998 sa Father’s Residence sa Central Seminary. Sa kanyang panayam kasama ang mga paring Dominikano, sinabi niyang tiwala siyang makakabangon ang Pilipinas sa krisis pang-ekonomiya sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Joseph Estrada.

Bumisita muli si Arroyo, ngayon bilang Pangulo noong Nobyembre 10, 2001 upang dumalo sa palabas sa Medicine Auditorium na “May Gloria ang Bukas Mo.”

Muling dumalaw si Arroyo noong Disyembre 12, 2002 upang pangunahan ang Prayer Power Campaign 2002. Kasama ang dating Pangulong Corazon Aquino, sinabi ni Arroyo na dapat lamang sa Unibersidad matapos ang nasabing pagdarasal dahil mapalad ang mga Tomasino na mag-aral sa isang unibersidad na kung saan itinuturo ang moral at ispirituwal na pag-uugaling Kristiyano sa kabila ng magulong mundo. E.T.A. Malacapo

Tomasalitaan: Isi (Pandiwa) – hanapin

Halimbawa: Mahirap isihin ang taong ayaw magpakita.

Sanggunian: “The University of Santo Tomas in the Twentieth Century” ni Josefina Lim-Pe, The Varsitarian Pope Supplement 2005, The Varsitarian September 1998 at January 2003

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.