NAGKAKASALA ang mortal, kaya kailangan nitong mangumpisal.

Isiniwalat ni Chuckberry Pascual sa kaniyang bagong aklat na pinamagatang Kumpisal: Mga Kuwento, na inilathala ng UST Publishing House, ang mundong iniiralan ng mga bakla.

Sa 15 kuwento, nahihiwalay ni Pascual ang kaniyang mga mambabasa sa mundong pamilyar at nagagawa itong bago—kuwento tungkol sa mga bakla na narinig sa kanto, tsismisan, paaralan—sa pamamagitan ng mahusay na paggamit at paglalaro ng wikang Filipino.

Kapana-panabik ang mga panimula ni Pascual sa mga kuwento. Inihain niya nang madetalye ang lugar na ginagalawan ng karakter o ang dinadamdam nito. Madaling makauugnay ang mga mambabasa rito dahil karaniwan lamang ang mga situwasiyong nilikha ni Pascual: sa loob ng bahay habang nagsusuklay, sa katatapos lamang na klase sa hayskul o sa hindi masiil na hangover mula sa gabing nagdaan.

Metikuloso ang pagkakasalaysay niya ng mga naratibo. Batid ito mula sa paglalarawan ng maskuladong katawan ng isang delivery boy ng water refilling station hanggang sa pagpiprito ng bangus ng isang ninakawang matabang ale.

Madulas ang paggamit ni Pascual ng paulit-ulit na paglalarawan at ng ephitet, isang katangian na katambal na ng ngalan ng tao o bagay. Makikita ito sa pagsasalarawan niya sa Kalye Desiderata na “bahain tuwing Hulyo at saan madalas umapaw ang palaisdaan tuwing tag-ulan” at ang alaga ni Erlinda Colayco na “asong hilaw na Aleman” sa kuwentong “Berde.”

Ngunit humihigit sa estetikong antas ang pag-uulit ng mga detalye ni Pascual. Nabibigyang-diin ang mga pangyayari at lalong nagkakakulay ang mga ng bida dahil sa pag-uulit niya ng mga naratibo at pangyayari.

Sa kuwentong “Baha,” dalawang beses ginamit ang linyang, “Lahat kami rito tinubuan na ng hasang” na nagawang buuin ang pagkatao ng mga karakter. Gayundin sa kuwentong “Boylet” kung saan dalawang beses isinalaysay na “nagdilim ang paligid” ngunit nagsasaad ng magkaibang lebel na pagdidilim: literal at matalinghaga.

READ
Thieves nabbed on campus

Mahusay rin ang paggamit ni Pascual ng flashback sa iba pang mga kuwento. Nagmimistulang pangungumpisal ang estilo ng kaniyang paglalarawan. Paisa-isa ang pagsasalaysay sa mga pangyayari sa buhay ng karakter. Nagbibigay ng mas malalim na pakahulugan sa pagkatao nito ang paglalaro sa nakaraan at kasalukuyan.

Dahil sa mahusay na pagsasalaysay ni Pascual, magaan niyang naipababatid sa mambabasa ang mabibigat na isyu na kinakaharap ng mga bakla.

Alam na natin ang mga isyu ng bakla sa eskwelahan, sa parlor at sa lipunan ngunit nagagawa niyang gawing bago ang mga ito at pataksil na hinahamon ang palaisipan ng mambabasa. Matagumpay niyang nadespatsa ang mambabasa sa mundong kinabibilangan nito at suwabeng nadala sa kalawakan ng isip ng mga bakla.

Hindi madaling mahinuha kung anong samu’t-saring kasalanan ng mortal ang nais ikumpisal ni Pascual sa unang sulyap sa kaniyang aklat ngunit, tulad ng pangungumpisal, mabubuo ang isang katotohanan mula sa pinagtagpi-tagping piraso ng mga kasalanan.

Kaya sa huli, matatagpuan mo ang iyong sarili sa mga kuwento ni Pascual—bilang isang Gabriel, Alejandro o baka si Brooke Shields—dahil bilang mambabasa, isa kang mortal na nagkakasala rin at kailangang mangumpisal. Jasper Emmanuel Y. Arcalas

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.