HABANG nakabinbin pa sa Kongreso ang ilang panukalang batas na may kinalaman sa artipisyal na kontrasepsiyon, isusulong ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) ang natural family planning (NFP) bilang pagdiriwang sa Family Planning Month ngayong Agosto.
Ayon kay Emma Ferrer, health education promotion officer ng DOH, pasisimulan nila ang isang malawakang promosyon ng tatlong-taong pagitan sa panganganak ng mga ina gamit ang NFP.
Sa kasalukuyan, limang klase ng NFP ang isinusulong ng gobyerno: ang Billings ovulation o cervical mucus method kung saan pinapayuhan ang mga babae na umiwas makipagtalik sa mga araw na may wet vulval sensations o mucus discharge pa ang katawan; ang lactation amenorrhea method kung saan ginagamit ang breastfeeding mula una hanggang anim na buwan matapos manganak para mapigilan ang pagbubuntis; ang basal body temperature method na kinakalkula ang temperatura ng katawan ng babae kung kailan tapos na ang fertile phase niya; ang standard days method para sa may mga regular na regla kung saan ipinapalagay na fertile ang babae mula 8 hanggaang 19 na araw matapos ang regla; at ang symto-thermal method na kombinasyon ng temperature at cervical mucus method.
“Sa ganitong paraan, mabibigyan ng pagkakataong maibalik muli ng mga kababaihan ang kanilang kalusugan na magdudulot sa isang produktibo at de-kalidad na pamilya,” ani Ferrer sa Varsitarian.
Inaasahan ng DOH na mabubura ng mga seminar sa NFP ang negatibong impresyon ng mga tao na nakikilalam ang gobyerno sa pagdedesisyon nila sa kani-kanilang pamilya.
“Hindi tulad ng ibang programang nagpapalaganap ng artipisyal na paraan ng pagpapamilya, tuturuan ang mga mamamayan sa ibang natural na paraan ng pag-aagwat ng panganganak. Sa pamamagitan nito, maaari silang makapagdesisyon ng wasto dahil ipinapaalam sa kanila ang mga opsiyon na mayroon sila,” aniya.
Representasyon sa pagdinig
Samantala, wala pang takdang petsa ang susunod na pagdinig ng mga pro-life at pro-choice bills sa Komite sa Kalusugan at Demograpiya sa Senado sa pamumuno ni Sen. Pia Cayetano. Naudlot ang pagdinig sa 21 panukalang batas na may kinalaman sa pagpapamilya, kabilang ang paglilimita sa dalawang anak kada pamilya, ang pagpapalaganap ng artipisyal na kontrasepsyon sa mga pribado at pampublikong paaralan, at ang pagsasabatas ng diborsyo at kasal sa pagitan ng dalawang magkatulad na kasarian.
Matatandaang noong Hunyo 29, sinimulang dinggin ng komite ang mga panukalang batas na nagsusulong sa promosyon ng “reproductive health” at population control. Naalarma ang ilang pro-life groups dahil tanging Catholic Bishop Conference of the Philippines at Pro-life Philippines lamang ang pormal na inimbitahan ng komite sa nasabing pagdinig, laban sa mas maraming pro-choice spiker na pabor sa pagsasabatas ng mga naturang panukala.
Ayon naman kay Dr. Angelita Aguirre, propesor ng UST Faculty of Medicine and Surgery at pinuno ng Committee on Bioethics ng St. Luke’s Hospital, madalas na nalalamangan ng mga pro-choice groups ang mga pro-life advocates sa pagdinig dahil walang ipinaabot na pormal na imbitasyon ang komite.
“Noong huling pagtitipon, nasabihan ang Alliance for the Family Foundation, Inc. (ALFI) isang araw lamang bago ang pormal na pagdinig. Bagaman naroroon sila, hindi sila binigyan ng pagkakataong makapagsalita sa harap ng komite dahil hindi naman sila pormal na inimbitahan,” aniya sa Varsitarian.
Ngunit ayon kay Rosie Luistro, presidente ng ALFI, nangako na si Cayetano na hindi na muling mauulit ang nasabing insidente. Idinahilan ng komite ang kakapusan ng oras sa preparasyon kung kaya maraming pro-life groups ang hindi naabisuhan.
Ani Cayetano, pipilitin ng komite na bigyan na ng pagkakataong magsalita ang lahat ng pro-life groups sa mga susunod pang pagdinig.
Ayon naman kay Diana Uichangco, patnugot ng Love Life, ang opisyal na pahayagan ng Pro-life Philippines, umaasa ang lahat ng pro-life advocates na mabibigyan sila ng kaukulang konsiderasyon sa pagsasabatas ng anumang panukalang may kinalaman sa kanilang adbokasyon.
“Umaasa kaming mapag-iisipan nang mabuti ng mga mambabatas na tanging maka-pamilya at pabor sa buhay ang mga batas na maipapasa sa lehislatura. Kung tutuusin, ang buhay ng mga mamamayan at ang integridad ng pamilya ang dapat nilang unahin bago ang iba,” ani Uichangco. K. J. R. Liu