UMAPELA ang Coordinating Council of Private Educational Associations (Cocopea) sa gobyerno na hayaan ang mga pribadong paaralan na ituloy ang pagbubukas ng klase sa itinakdang petsa at nanindigang handa sila sa “remote learning.”
“We appeal to the President to allow the private schools to continue with school opening as scheduled, as we have been tirelessly preparing at the onset of this pandemic and massive efforts and solutions were made to address the learning crisis,” saad sa opisyal na pahayag ng grupo nitong ika-14 ng Agosto.
Ito ay matapos ang anunsiyo ng Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) na inilipat ang pagbubukas ng klase sa ika-5 ng Oktubre mula sa itinakdang petsa na ika-24 ng Agosto.
Humingi ng paglilinaw ang Cocopea kung sakop sa pagpapaliban ng klase sa Oktubre ang mga pribadong paaralan.
Iginiit ng Cocopea na sinimulan na ng ibang pribadong paaralan noong Hulyo ang mga klase. Hinimok nito ang pamahalaan na hayaan ang mga paaralan na ipagpatuloy ito.
Nangangamba ang grupo sa posibleng pagkawala ng trabaho ng 300,000 guro at mga kawani ng paaralan kung ipagpapaliban hanggang Oktubre ang pagbubukas ng klase.
“Our preparations for remote learning have been motivated by our desire to resume school operations urgently for the benefit of our learners and also the welfare of around 300,000 teachers and other school personnel who are at the risk of being laid off from work or go on work without pay should the delay in the school opening be pushed anew to October 5,” ayon sa pahayag.
Nilinaw ng kalihim ng DepEd na si Leonor Briones, na sakop ng anunsiyo ang lahat ng pampubliko at pribadong paaralan ngunit hindi pipigilan ng kagawaran ang mga pribadong paaralang nakapag-bukas na ng klase.
“Kung pipigilan namin sila e nagumpisa na, kung todo involvement na ng mga parents tapos titigilan natin, that would not be useful at all,” wika ni Briones.