TINAGURIANG pinakamahalaga sa mga naitulong ni dating Sen. Arturo Modesto Tolentino, o kilala sa tawag na “Ka Turing,” sa bansa ang Archipelagic Doctrine o Law of the Seas sa higit 2,000 bill na kanyang naipanukala o nasuportahan. Ito ang batas na kinikilala pati ng United Nations na naglatag ng malinaw na demarcation line sa pambansang teritoryo at nagdagdag ng 200 kilometro mula sa dalampasigan ng dating three-mile limit ng territorial maritime area ng bansa.

Mahigit 47 taong namalagi si Tolentino sa serbisyo-publiko. Pormal na natapos ang kanyang huling termino bilang senador noong 1995, ngunit madalas pa rin siyang maimbitahan sa telebisyon o radyo upang magbigay-opinyon sa mga legal na usapin, hanggang mamatay siya noong Agosto 3, dahilan sa atake sa puso sa gulang na 94.

Pinanganak sa Maynila noong Setyembre 10, 1910, nagtapos si Tolentino ng kanyang postgraduate studies sa UST.

Ayon sa Registrar ng Unibersidad, nagtapos si Tolentino ng Doctor of Laws noong Marso 24, 1938, kasabay ng kanyang bachelor’s degree sa Pilosopiya sa University of the Philippines bilang cum laude.

Nakamit naman niya sa kanyang Master of Laws bilang meritissimus noong Marso 20, 1937.

Naging propesor din si Tolentino ng Civil Law Review sa UST Faculty of Civil Law noong 1950-1951 at nakapagturo rin sa iba pang pamantasan tulad ng UP, University of the East, at San Beda College.

Sa kanyang pamamalagi sa UST, nakasabay niya ang iba pang mga sumikat na Tomasino na yumao na ngayon tulad nina Jose Guevarra, ang dating punong patnugot ng Varsitarian at kolumnista ng Manila Bulletin, Claro M. Recto, at ang mga dating pangulong Jose Laurel na naging guro pa niya sa Law Reform, at Diosdado Macapagal na nakasama pa niya sa pagtuturo.

READ
Burlington turns to UST for help

Sa kasamaang palad, wala na sa nakapanayam ng Varsitarian ang nakakaalala sa mga naging karanasan nila kasama si Tolentino, kahit ang dating Supreme Court Associate Justice Jose Feria, na nakasabay rin ni Tolentino bilang guro sa UST.

“It was a long time ago,” sabi ni Feria. “But he was a good man, no question about that.”

Pumangalawa si Tolentino sa bar exams noong 1934 nang magtapos siya sa UP bilang cum laude rin.

Sinimulan niyang pagsilbihan ang publiko bilang kinatawan ng Sampaloc sa Kongreso noong 1947-1957 at naging senador mula 1957-1972 kung saan naging pangulo siya ng Senado noong 1966-1969.

Naging kalihim din siya ng Department of Foreign Affairs sa panahon ng martial law ni dating pangulong Ferdinand Marcos.

Noong July 8, 1986, matapos makatakas sila Marcos patungong Hawaii, nagkaroon din si Tolentino ng panandaliang karanasan bilang pangulo nang ihayag niya ang kanyang sarili bilang “acting president,” kasama ng daan-daang loyalista at mga sundalo sa Manila Hotel. Ngunit sumuko rin ang kanyang grupo sa huli at binawi ang pagtatalaga sa sarili.

Muli siyang naihalal sa Senado mula 1992-1995.

Noong 1991, nailimbag naman ang kaniyang kontrobersiyal na autobiography, ang “Voice of Dissent,” kung saan inilahad niya ang kanyang naging karanasan sa pulitika.

Bilang pag-alala ng lung sod ng Maynila sa mga tagumpay at serbisyong iginawad ng dating senador, kasalukuyang nilalakad ni Konsehal Amalia Tolentino ng ikaapat na distrito ng Maynila ang pagpapalit ng pangalan ng España Boulevard sa Sen. A.M. Tolentino Boulevard, ayon sa iminumungkahing ordinansa noong Agosto 17 na nakalap ng Varsitarian.

READ
'Unang Dalaw': Of first love and first menstruation

Sa ngayon, hinihintay na lamang ang pagsang-ayon ng Sangguniang Panlunsod. Elka Krystle R. Requinta na may mga ulat galing BusinessWorld at Manila Bulletin

1 COMMENT

  1. maraming salamat sa pag-alala, ang kanyang kontribusyon sa bansa and dedication para mapaunlad ang pilipino ang ating maalala hanggang sa mga susunod na henerasyon

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.