Dibuho ni R.I.M. CruzMULA aplikasyon sa UST entrance test, pagpapatala, paghahanap ng libro sa aklatan hanggang sa pagkuha ng grado, masasabing malaki na ang ipinagbago ng pamumuhay sa Unibersidad dahil sa paggamit ng Internet. Ngunit alam niyo ba kung paano ito nagsimulang gamitin sa UST?

Bago matapos ang taong 1993, ang Philippine Long Distance Telephone Co. (PLDT) ang nagsilbing sandigan ng koneksyon ng Internet sa buong bansa.

Bunga ng matagumpay na pagsusuri ng UST kasama ang Philippine Council for Advanced Science and Technology Research, University of the Philippines, Ateneo De Manila University, at De La Salle University, inilunsad ang paggamit ng Internet sa Unibersidad noong 1994 sa pangunguna ng UST Computer Center (USTCC) na kilala na bilang Santo Tomas e-Service Providers (STePS) ngayon.

Mayroon lamang 30 computer noon ang Unibersidad na direktang nakakonekta sa Internet. Tanging ang computer center, learning research unit sa gusali ng St. Martin de Porres, at Central Library ang nakagagamit ng Internet.

Sa kabila ng malaking bilang ng mga estudyante sa UST, nagtala ito ng pinakamababang porsyento sa paggamit ng Internet sa lahat ng miyembro ng PhilNet Foundation, Inc. noong 1996. Ayon sa noo’y executive director ng USTCC na si Roberto Catalan, bunga ito ng kakulangan sa kaalaman ng mga estudyante sa paggamit ng Internet.

Kaya naman dahil na rin sa paniniwalang isa itong epektibong alternatibo sa manual research, pinagtayog ng USTCC ang kampanya sa paggamit ng Internet sa Unibersidad.

Humigit-kumulang 600 ang nagparehistro sa internet campaign ng USTCC sa Hulyo noong taong iyon.Kailangang magbayad ng P50 ang mga lumahok para sa anim na oras na paggamit ng Internet, kasama na ang internet training sessions na binubuo ng 25 mag-aaral kada sesyon. Tuwing Sabado naman ginaganap ang special session ng mga guro upang hindi ito makasagabal sa kanilang pagtuturo.

READ
Higit pa sa kakaning de lata

Karamihan sa mga tumangkilik dito ay mga guro at estudyante na may kamag-anak sa ibang bansa. Gamit ang electronic mails, mas mabilis nilang naipapadala sa kanilang mga kamag-anak ang kanilang mensahe kumpara sa
tradisyunal na snail mail.

Ngunit naging pangunahing problema naman ng Unibersidad ang bilis ng Internet. Dahil dito, pinahintulutan ni dating UST Treasurer P. Roberto Pinto, O.P. ang paggamit ng fiber-optic cables na mas mabilis kumapara sa 64 kilobyte line na ikinabit nila sa Main Building noong una. Kinabitan din ang lahat ng gusali at computer laboratories sa buong Unibersidad ng fiber-optic cables upang makakonekta sa Internet.

Hindi nagtagal, inilunsad ang opisyal na website ng UST noong 1996 na dinisenyo ni Bea Laxamana, noo’y assistant director for networking, at ng ilan niyang mga estudyante.

Ginawa na ring computerized ang sistema ng paghiram ng libro sa Central Library noong Setyembre ng taong iyon sa paglulunsad ng Online Public Access Catalogs na kinalauna’y naging Library Online Reader’s Network Zone.

Taong 2000 naman, nang ilunsad ng Varsitarian ang sarili nitong website at 2002 naman nang ipakilala sa UST ang  Electronic Learning Access Program (E-Leap) kung saan ginaganap ang online classes. Sa kasalukuyan, isinasagawa ang mga leksiyon sa Literary Training Service at Civic Welfare Training gamit ang e-Leap.

Tomasalitaan: Plastado (pang-uri) – hindi makabangon mula sa pagkakahiga dahil sa matinding pagod o karamdaman

Halimbawa: Kaawa-awang pagmasdan ang plastado niyang higa matapos angmaghapong pagsasanay sa paglanggoy.

Mga Sanggunian:

The Varsitarian: Tomo LXIX Blg. 3, Agosto 30, 1996

The Varsitarian: Tomo LXXII Blg. 6, Oktubre 18, 2000

READ
WORLD YOUTH DAY

The Varsitarian: Tomo LXXVII Blg. 4, Setyembre 9, 2005

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.