Hinimok ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang mga pamahalaang lokal at institusiyon na gamitin ang wikang Filipino sa serbisyo publiko lalo na sa mga opisiyal na transaksiyon, kalatas at liham.
“Ang paggamit ng wikang Filipino ay katapat ng mahusay na paglilingkod sa bayan at pagkilala sa mga mamamayan na nasa loob ng isang barangay, munisipalidad, lungsod, lalawigan, rehiyon at pambansang antas,” wika ni Roberto Añonuevo, direktor-heneral ng KWF sa idinaos na paggawad ng Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko sa Pambansang Museo noong ika-25 ng Agosto.
Ayon sa kaniya, ang paggamit ng wikang Filipino ay nag-uudyok sa kapuwa Filipino na lumahok sa gawaing pampamahalaan.
Hindi aniya magtatagumpay ang alinmang administrasiyon kung walang pakikilahok na makabuluhan ang mga karaniwang mamamayan.
Isinantabi naman ng KWF ang paniniwala na para sa maralita lamang ang paggamit ng wikang Filipino.
“Ang wikang Filipino na mismo ang pinaghuhugutan ng karunungan at lakas ng bawat bayan at sa malikhaing paggamit nito ay matutuklasan natin kung gaano kabilis at kahusay ang lawak ng serbisyo publiko na tinatanggap at maipagmamalaki ng sinumang mamamayan,” wika ni Añonuevo.
Pinarangalan naman ang mga lungsod ng Mandaluyong at Taguig at ang Korporasyong Pangkoreo ng Filipinas sa serbisyo publiko.
Tumalima ang mga nabanggit na institusiyon sa itinakda ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 335 sa pamamagitan ng paglalagay ng mga paskil, anunsiyo, babala, resolusyon, transaksiyon at pabatid sa wikang Filipino, na hindi lamang makikita sa loob ng mga tanggapan, kundi maging sa mga lansangan at iba pang lugar.
Kinilala rin ang Lungsod ng Maynila, Hukuman ng Apelasyon, Kagawaran ng Badyet at Pamamahala, at ang Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining dahil sa patuloy nilang pagtaguyod sa paggamit ng wikang pambansa sa pagbibigay ng serbisyo publiko.
Iminungkahi ni Lourdes Hinampas, pinuno ng Sangay ng Literatura at Araling Kultural ng KWF, na isulat sa wikang Filipino ang mga ulong sulat o letterhead at ang pagsasalin sa Filipino ng misyon at bisyon ng mga institusiyon maging ang mga gabay sa mamamayan, o ang tinatawag na citizen’s charter, upang mas maging epektibo ang serbisyo publiko.