ISANG uri ng palay na may kakayahang mabuhay sa ilalim ng tubig-baha na dulot ng bagyo ang pinag-aaralan ngayon ng mga mananaliksik ng International Rice Research Institute (IRRI) sa Los Baños, Laguna at ng University of California.

Matapos madiskubre ang gene na tinaguriang Sub1A na kumokontrol sa mga katangian ng halaman at pumoprotekta dito laban sa pagkabulok na dulot ng baha, ang activation naman nito sa iba’t ibang uri ng palay ang susunod na hakbang ng pangkat ni David Mackill, pinuno ng Division of Plant Breeding, Genetics and Biotechnology ng IRRI.

Ang Sub1A ang kumokontrol sa pagkuha ng palay ng sustansiya mula sa lupa. Ito rin ang namamahala sa dami ng plant hormone na ilalabas na siyang tumutulong sa paglaki ng halaman.

Upang makita ang Sub1A, ginamit nina Mackill ang genetic mapping sa isang klase ng palay na tinatawag na Indica upang malaman ang kayariang kemikal ng palay. Sa pamamagitan ng prosesong ito, nalalaman ang iba’t ibang gene na responsable sa mga proseso tulad ng paglaki, paglago, at maging ang pagkakasakit ng mga palay.

Nadiskubre rin ng grupo ni Mackill na nagbibgay ng dagdag na resistensya sa halaman ang Sub1A upang mabuhay at tumanggap ito ng sustansiya kahit na nakalubog pa sa tubig.

Sinubukan ng grupo ni Mackill na ilagay ang gene sa Swarna, isang uri ng palay sa India, na nagresulta sa mas maraming ani ng palay kahit may baha.

Samantala, natuklasan din ng grupo ni Mackill na maaaring mabawasan ang pagtubo ng mga ligaw na damo sa palayan kung magtatanim ng isang uri ng palay na hindi madaling masira sa sobrang tubig. Problema sa Amerika ang pagkakaroon ng maraming ligaw na damo sa palayan, na umaagaw sa mga sustansiya sa lupang tinataniman din ng palay. Dahil mas matagal mabubuhay sa sobrang tubig ang mga tanim, mas mababawasan ang mga ligaw na damo sa mga palayan.

READ
Mark Salvatus' art of the eye-opener

Ayon kay John Donnie Ramos ng Department of Biology sa College of Science, maaring gawin ang prosesong ginawa nina Mackill sa ibang halaman upang gawin din itong matatag laban sa baha.

“May mga pare-parehong genes sa ibang mga species,” ani Ramos. “Kaya kung natuklasan iyan sa isang species ng palay, may mga kaparehas iyon sa ibang species ng halaman.”

Kung magtatagumpay, magiging malaking tulong ang bagong variety ng palay sa mga magsasaka ng Gitnang Luzon, na madalas binabagyo at inuulan. N. R. Melican

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.