KATATAPOS pa lamang ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig nang ibinaling na ng mga iskolar na Ruso ang kanilang interes sa pag-aaral ng wikang Filipino.
Sa naging talakayang pinamagatang “Ang Pagtuturo ng Pilolohiyang Filipino sa Rusya” noong ika-28 ng Pebrero sa Ateneo de Manila University, sinabi ni Ekaterina Baklanova, senior researcher para sa Philippine Studies sa Department of Southeast Asian Countries Philology ng Institute of Asian and African Studies sa Moscow University, maraming Pilipino ang hindi nakaaalam na mayroong programang Philippine Studies sa Rusya.
“Noong una akong pumunta dito sa Pilipinas noong 2002, maraming Pilipino ang nagtanong sa akin kung bakit napili kong pag-aralan ang wikang Filipino, kung gaano ako katagal nag-aral at kung bakit kailangan itong pag-aralan din sa Rusya,” ani Baklanova.
Sinabi niya na bukod sa napukaw ng lokal na wika ang kaniyang atensiyon, partikular na ang Tagalog, may pagkakahawig ito sa Tamil, isang uri ng wikang Dravidian na ginagamit ng ilang bansa sa Southeast Asia.
Ayon naman kay Alvin Yapan, tagapangulo ng Kagawaran ng Wikang Filipino sa Ateneo, mahalaga ang pag-aaral ng ibang bansa sa Filipino dahil nakatutulong itong mas mapayabong pa ang wika sa global na pamamaraan.
“Malaki ang posibilidad na maipapakila ang ating kultura sa ibang bansa sa pamamagitan ng wikang Filipino,” aniya.
Ani Yapan, makabubuo sila ng mas malawak na pananaw hindi lamang sa mismong wika kung hindi pati na rin sa mga Pilipino sa pamamagitan ng pag-aaral ng iba’t ibang lahi sa bansa.
Tagalog, Kapampangan Ipinaliwanag ni Baklanova na nagsimula ang pag-aaral ng Philippine Linguistics sa Rusya noong ika-18 siglo nang mailimbag ang libro ni Peter Pallas, miyembro ng Saint Petersburg Academy of Sciences, na “Comparative Dictionaries of All Languages and Dialects Gathered by the Right Hand of Her Majesty, Part I (Including European and Asian Languages),” kung saan kasama ang ilang diyalekto sa bansa tulad ng Tagalog at Kapampangan.
Ngunit noong ika-20 na siglo, higit na mas naging kilala sa mga Ruso ang wika dahil sa dalawang akdang isinulat ni Sergey Bulich, isang tanyag na Rusong lingguwistiko, na pinamagatang “The Tagalog Language” at “The Filipino or Tagalog Group of the Malay Languages.”
Bagaman nagkaroon ng maagang pagsisimula ang pag-aaral ng Filipino sa Rusya, dumaan ito sa maraming suliranin lalo na noong panahon ng “Iron Curtain” at kakulangan ng materyales sap ag-aaral ng wika.
“Noong 1950s, itinuturing na subersibo ang kahit na anong pagsusumikap ng mga Ruso na pumasok sa ibang bansa kaya walang naging pagkakataon upang makakuha ng karagdagang karunungan galing sa ibang bansa, kung saan kabilang na ang pagpapayabong sa pag-aaral ng Tagalog,” ani Baklanova.
Gayunpaman, muling nagkaroon ng pag-usad sa pag-aaral ng Filipino nang dumating sa Rusya si Teodosio Lansang, isang emigranteng Pilipino na kinilala sa Rusya bilang Manuel Cruz. Siya ang itinuturing na naging instrumento upang mailimbag ang unang monograph ukol sa Filipino sa Rusya.
Bagaman marami nang nauna sa pagsusulong ng Filipino Language Studies sa Rusya, si Vladimir Makarenko ang kinilala bilang tagapagtaguyod ng naturang programa sa kanilang bansa.
“Nagkaroon siya ng interes sa pag-aaral ng Tamil at doon nakita niya ang pagkakahawig ng old Tagalog script at old Malay Script sa Tamil script,” aniya Baklanova. “Dahil dito kaya siya nagsimulang mag-aral ng Tagalog at hindi kalaunan ito rin ang naging simula ng pormal na pag-aaral ng Filipino sa Rusya.”
Nagturo si Makarenko ng Tagalog sa Oriental Language for the Students of Indonesia and Malay Department, Oriental Language at Historical and Philological Faculty sa Institute of Asian and African Studies sa Moscow. Nakapaglathala rin siya ng 40 na libro, mahigit na 100 artikulo ukol sa wika at panitikang Filipino at nagsalin ng pitong koleksiyon ng mga tula at maiikling kuwento.
Noong 1970s naman, sumunod na nakilala si Igor Podberezsky sa larangan ng Filipino studies dahil sa kaniyang naisulat na librong Tagalog para sa mga Ruso na nais matuto ng naturang wika.
Bukod pa rito, hinahangaan din ng mga Ruso si Podberezsky sa kaniyang sigasig sa pagsasaliksik sa Filipino dahil pinagtiyagaan niyang mangalap ng mga Tagalog audio mula sa mga Filipino native speakers nang pumunta siya sa Pilipinas.
Tulad ni Makarenko, nagsalin din si Podberezsky ng ilang kilalang akda sa panitikang Pilipino tulad ng mga nobelang napapaloob sa Rosales Saga ng Pambansang Alagad ng Sining na si F. Sionil Jose.
Ayon kay Baklanova, kilala ang mga pangalang F. Sionil Jose at Nick Joaquin sa Rusya dahil sa kanya.
“Sa tingin [ni Podberezsky], si Joaquin ay isang de kalibreng writer sa Pilipinas na talagang dapat bigyan ng Nobel Prize sa Literatura,” ani Baklanova.
Dahil sa pagpapalawak ng kaalaman sa wikang Filipino nina Makarenko at Podberezsky, itinuturing bilang Golden Age of Philippine Philological Studies ang 1970s hanggang 1980s sa Rusya.
Kabilang rin sa mga iginagalang na iskolar sa wikang Filipino si Gennady Rachkov na siya namang nagpasimula ng Philippines Studies sa Saint Petersbug kung saan siya ay naging tagapangulo ng Tagalog Department of Oriental Studies.
Siya ang may akda ng “Introduction into the Morphology of Modern Tagalog” na nagsilbing pundasyon ng pag-aaral ng ating wika sa Rusya.
Muling humarap sa malaking suliranin ang Philippine Studies sa kanilang bansa noong 1990s sa pagkakaroon ng pagtigil ng pagpasok ng makabagong kaalaman dahil sa kakulangan ng mga nagtuturo nito.
Kasalukuyang kalagayan
Sa kasalukuyan, hindi lamang ang mismong wika ang pinag-aaralan sa Rusya kung hindi pati ang kasaysayan, kultura, heograpiya, etnograpiya, at panitikan ng bansa.
Bagaman patuloy na yumayabong ang pag-aaral ng wikang Filipino sa kanilang bansa, patuloy rin ang mga problemang kinakaharap nila sa pagpapatuloy nito, partikular Qna ang kawalan ng pondo upang matusttusan ang pagpapatuloy ng programa, ani Baklanova.
May mga librong nalilimbag na maaaring gamitin sa pagtuturo ng wika, ngunity pulos luma na ang mga ito, ang tanging pinagtitiisan na gusting matuto ng wikang Filipino.