BUMANDERA muli ang Unibersidad sa Physical Therapy (PT) at Occupational Therapy (OT) licensure exams na ginanap nitong buwan. Nanguna ang UST sa dalawang pagsusulit matapos makatamo ng 95 porsiyento at 100 porsiyento, sa mga naturang eksaminasyon.
Siyam na Tomasino ang nakapasok sa top 20 sa PT na pinangunahan ni Alreen Day Alfonso (84.10 porsiyento). Nasa pangalawang puwesto naman si Evelyn Ang (83.20 porsiyento), na nagtapos ng cum laude habang nasa ikalimang puwesto si Joen Sila Cardenas (82.05 porsiyento). Sila Jaenoini Castillo (81.85 porsiyento), Czarmi-Ann Tolentino (81.55 porsiyento), Annah Theresa Alaba (80.95 porsiyento), Jenifer Espiritu (80.75 porsiyento), Ivy Catherine Pimentel (80.65 porsiyento), at Anna Maria Solema Bayle (80.55 porsiyento) naman ang nasa ikaanim, ikapito, ika-15, -17, -19, at ika-20 na puwesto.
Subalit, bumaba naman ang passing rate ng Unibersidad kumpara sa 100 porsiyento ng nakaraang taon nang 35 lamang sa 38 na Tomasinong kumuha ng pagsusulit ngayon ang nakapasa.
Nilagpasan naman ng UST ang Unibersidad ng Pilipinas-Manila (82 porsiyentong antas ng pagpasa) at Cebu Doctors College (64 porsiyento ng antas ng pagpasa) sa OT exams nang pumasa lahat ng 13 Tomasinong kumuha ng eksamen. Isang malaking pag-angat ito mula sa 88 porsiyento ng nakaraang taon.
Nasa ikatlong puwesto si Michelle Marie Mangio na may markang 81 porsiyento. Siya ang nag-iisang Tomasinong nakapasok sa top 20 sa naturang pagsusulit.
Mula sa 2,121 na kumuha ng pagsusulit sa buong bansa, 629 ang pumasa sa naturang mga eksamen para sa 29.66 porsiyento na passing rate.
Samantala, pumangalawa ang UST sa Unibersidad ng Pilipinas-Manila sa pangkalahatang antas ng pagpasa sa Physician licensure exams nitong buwan. Nagtala ang Unibersidad ng 86 porsiyento ng antas ng pagpasa (276 sa 322 na kumuha ng eksamen ang pumasa), kumpara sa 94 porsiyentong antas ng pagpasa na nairehistro ng UP mula sa 142 examinees nito.
Bukod pa dito, labing-dalawang Tomasino ang nakapasok sa top 20 ng pagsusulit.
Nasa ika-apat na puwesto si Maria Luisa Rivera (83.42 porsiyento). Sina Cristina Jaring at Irene Villanueva, dating manunulat sa seksyong Panitikan ng Varsitarian, ay nasa ika-limang puwesto (83.33 porsiyento). Sumunod naman sina Sherry May Imperio (83.25 porsiyento), Frederick Allen Fuentes (83.17 porsiyento), at Antonette Climaco (83 porsiyento) sa ikaanim, ikapito, at ikasiyam na puwesto.
Nasa ika-13, 15, at 17 na puwesto naman sina John Paul Pua (82.67 porsiyento), Joyce Christina Ibe (82.42 porsiyento), at Ria Arlina Calata (82.17 porsiyento), habang parehong nasa ika-18 na puwesto sina Gerby Coronel at Anthony Felipe (82.08 porsiyento). Nakahabol naman sa ika-20 na puwesto si Andre Angelo Tanque (81.83 porsiyento).
Nagtapos na magna cum laude sina Rivera, Jaring, Villanueva, Imperio, Climaco, Pua, Ibe, at Felipe, habang nagtapos na cum laude sina Calata, Coronel, at Tanque.
Bagaman malaki pa rin ang ibinaba ng passing rate ng Unibersidad kumpara noong 2001 (94 porsiyento) at 2002 (92 porsiyento), mahusay pa rin umano ang pinamalas ng mga Tomasino ngayong taon, ayon kay Dr. Rolando Lopez, dekano ng Medicine.
“The exams appear to be getting more difficult,” ani Lopez. “Only UST and UP had a passing rate above 75 per cent while the other schools have a passing rate below 57 per cent.”
Nasa 51.41 porsiyento naman ang national passing rate (1,183 ng 2,301 na kumuha ng pagsusulit ang pumasa).