MATAGAL nang inaakalang tanging sa wikang Ingles lamang may mga salitang pangkompiyuter. Hindi na ngayon.
Maaari nang gamitin ang Filipino bilang wikang pangteknolohiya dahil sa pagtatangka ng ating pamahalaan at ng mga pribadong grupo na maiakma ang wikang Filipino sa mundo ng Internet.
Noong Pebrero ng nakaraang taon, naibalita sa Philippine Daily Inquirer (PDI) ang inilunsad na “community glossary” ng Microsoft at ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) na naglalaman ng mga salitang ginagamit sa kompiyuter na isinalin sa Filipino. Halimbawa, “Kompiyuter ko” ang makikita sa desktop sa halip na My Computer, “kumpigurasyon ng sistema” para sa system configuration at “lahat malaki titik” para sa all caps. Nabuo ang glosaryo matapos ang tatlong buwang pagsasalin ng isang grupo ng mga lingguwista mula sa UP sa pamumuno ni Virgilio Almario, ang patnugot ng UP Diksiyonaryong Filipino.
Sa isang panayam sa PDI, nilinaw ni Joey Gurango, tagapangasiwa ng Microsoft sa proyekto, na alternatibong gabay lamang ang glosaryo sa paggamit ng kompiyuter at hindi nangangahulugang papalitan nito ang nakasanayang paggamit ng Ingles.
Naibalita naman sa Inq7.net noong Agosto ng nakaraang taon ang pagkakaroon din ng proyekto ng Philippine Council for Advanced Science and Technology Research and Development-Department of Science and Technology (PCASTRD-DOST) at ang De La Salle University-College of Computer Science (DLSU-CCS) na gumawa ng isang software na magsasalin ng mga salitang Ingles sa Filipino.
Sa nasabing artikulo, ipinaliwanag ni Ethel Ong, tagapangulo ng DLSU-CCS Software Technology Department, na magiging batayan ng software ang mga nakasaad nang alintuntunin sa pagsasalin ng Ingles sa Filipino at ang pagbibigay ng mga halimbawang salita.
Isinagawa ang proyektong machine translator upang isalin sa wikang Filipino ang mga research paper na nakaimbak sa archive ng DOST. Balak ding ipagamit ito sa iba pang sangay ng pamahalaan at maging sa mga pribadong grupong nais itong subukan. Kasunod nito ang paggawa ng isang module na magsasalin ng mga salita sa Ingles mula sa Filipino sa susunod na taon. Sa 2008, pagsasamahin ang dalawang module upang malaman ang bisa nito sa pagsasalin.
Sa UST, may thesis ukol sa pagsasalin ng mga salitang teknikal na isinasagawa ng mga estudyante mula sa Faculty of Engineering. Ayon kay Prop. Charmaine Salvador, nasa panimulang bahagi pa ito dahil sa kasalukuyang inaayos ang pagsulat ng mga code na magpapatakbo sa programa. Inaasahang matatapos ito sa loob ng walong buwan.
Bahagi ng paglilinang sa wikang Filipino ang pagkakaroon ng mga programang nagsasalin ng mga terminolohiyang teknikal. Bagaman mabagal, magdudulot ito ng kaunlaran sa paglawak ng bokabularyo ng ating wika.