“Mayroon pa bang tumutula?”

Ito ang pambungad na tanong ni Virgilio S. Almario, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, sa paglulunsad ng kaniyang bagong aklat, “Mga Poon, Mga Piyon, Mga Pusong, Isang Pusong!” na koleksyon ng kaniyang mga tula na hinubog ng pakikisangkot niya sa nakaraang eleksyon.

Tila kasi naglaho na sa makabagong henerasyon ng mga Filipino ang pagmamahal at pagpapahalaga sa pagtutula, ayon sa batikang manunulat.

Hindi raw katulad ng dati na itinuturing na superstar ang mga makata tulad ni Jose Corazon de Jesus, o Huseng Sisiw, na umukit ng pangalan sa mundo ng panitikan sa pagsulat ng mga Korido tulad ng “Historia Famoso de Bernardo Carpio” at “Adela at Florante.”

“Sinusundan ng mga tagahanga ang kaniyang mga kolum sa tula, sa dyaryo, araw-araw […] Dinadagsa ng taumbayan ang kaniyang personal appearance. Pag nabalitaan sa isang pista [na] darating si Jose Corazon de Jesus, ang mga tao nagpupunta dun,” saad ni Almario.

Tula ang naging daan ng ilang mga bayani tulad ni Dr. José Rizal at Gat Andres Bonifacio upang ilantad ang baluktot na sistema ng mga Espanyol at pakilusin ang sambayanang Filipino tungo sa kalayaan.

Sa “Mi último adiós (Pahimakas ni Dr. José Rizal),” ang huling tulang isinulat ni Rizal – orihinal na walang pamagat – bago barilin sa Bagumbayan noong 1896, iginiit niyang isang regalo ang kaniyang kamatayan para sa bayang ipinaglaban niya mula sa opresiyon ng mga Kastila.

Ang akda naman ni Bonifacio na “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa” ay isang panawagan sa mga Filipino na ipakita ang pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng pagtatanggol nito laban sa mga kolonista.

Ngunit, para kay Almario, malaki ang naging epekto nang naging Americanized ang mga Filipino dahil nawala ang kanilang atensiyon sa panulaan.

“[B]andang 1940s […] pati ang pagtula natin, naging Americanized […] ang ating panitikan ay naging panitikan ng mga edukado para sa mga edukado. Nawala ang panitikan ng taumbayan,” wika niya.

Giit ni Almario, nagbagong-bihis ang panitikan at edukasyon kaya naglaho ang aliw at pagkiling ng mga Filipino sa panulaan na hindi na maunawaan ang mga itinutula dahil sa kawalan ng malalim na pang-unawa sa sariling kultura’t pinagmulan.

Kaya para sa akin, isang mahalagang kilusan at kampanya ay ibalik ang pagtula sa puso ng madla,” paghihimok ni Almario.

“Ang pagtula ay sagisag lamang ng isang kilusang pambansa na dapat nating gawin para ibalik natin ang sarili nating dangal. At kailangan nating palayain ang ating sarili at ang ating mga kababayan sa oryentasyon at kahalagahang kolonial, dagdag niya.

Mahirap man pasiglahin muli ang panulaang Filipino, diin ni Almario, hindi ito imposible.

“Ang pagdalumat at pagsipat sa sariling kultura’t pinagmulan ang mainam na paraan upang ang mga Filipino sa kasalukuyan ay maunawaan at muling isapuso ang panulaang Filipino,” giit niya.

Naganap ang paglunsad ng aklat nitong ika-12 ng Marso sa Valenzuela City Library na dinaluhan ng mga makata na binasa ang ilan sa mga tula ni Almario, kabilang sina dating Varsitarian punong patnugot Vim Nadera at awtor Michael Coroza, mga nagwagi sa Don Carlos Palanca Memorial Awards. Julius I. Pontillas at Matthew G. Gabriel

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.