ISANG taon na naman ang nadagdag sa edad ko.

At sa bawat araw na dumating, tila natatakot akong idilat ang mga mata. Marahil mahirap ngang bitiwan ang nagpupumiglas na kabataan lalo nat maraming masasayang bagay ang naranasan sa mga nakaraang taon.

Ayon sa lola ko, kaantabay ng pagtanda ang karagdagang responsibilidad sa buhay. Pilit ko mang ipikit ang mga mata, nararamdaman ko pa rin ang mga salitang iyon na nagsusumiksik sa isipan.

Sa pamilya, bata pa lang kami, gawaing pangmatanda na ang nakagisnan. Bilang panganay, ipinamulat sa akin ang katandaan sa murang edad. Sa edad na walong taon, may alam na ako sa pagpapatakbo ng ilan sa mga negosyo ng lola ko. Dumating din sa puntong ipina-ubaya sa akin ang transaksyon sa mga ahente at suki, magdeposito ng ilang daang libo sa bangko, at umupo sa managers desk tuwing walang mas nakatatandang maiiwan.

Nang sumapit ang ika-12 taon ko, doon ko namalayang bata pa pala ako. Sinamantala ko ang bawat pagkakataong ibinigay ng tadhana, hanggang sa umabot ako sa kinalalagyan ngayon. “Kung maibabalik ko lang,” ani nga ni Regine.

Bagaman nahirapan, hindi ako nanghihinayang. Marami akong natutunan sa nakalipas na 20 taon. Utang ko sa mga karanasan ang mga bagay na nalaman at nagagamit ko ngayon.

***

Ito na ang pangalawa sa huling kolum ko ngayon taon. Isang isyu na lang, matatapos na ang termino ko sa pahayagang ito. At bago pa sumapit ang panahong iyon, nais kong pasalamatan ang mga taong nagturo sa akin kung paano gumamit ng imahinasyon, damdamin, papel, at panulat.

READ
First female ROTC 'commander' installed

Kina Maam Emy Baculi at Leonora Pineda, na mga dati kong guro, salamat sa inspirasyon. Hindi man natin nakamit ang inaasam na pagbabago noon, sana nawa dumating na ito habnag hindi pa nahuhuli ang lahat.

Kina Gng. Herminia Narciso at Imelda Musngi, salamat sa tiwala at patuloy na suporta sa akin.

Kina Sheila, Arjey, at Jhervy, salamat sa mga gabing lasingan at walang tulugan. Kahit barado man ang lababo sa bahay, buong-galak ko pa rin kayong tatanggapin.

Kina Christian Yekyek Bautista, Brix, at Dex, salamat sa mga walang kuwentang pag-uusap. Marami akong natutunan sa mga kurutan at kilitian natin.

Kina Kuya Ian, Ate Leah, at Kuya Louie, na mga dating patnugot ko, salamat sa mga paunang babala. Hindi ko sana kayo binigo nang mapunta sa akin ang Filipino.

At sa lahat ng amihan, salamat po sa mga kuwento, biruan, at tawanang pinasaluhan natin sa Room 112.

***

Si Manny, 28, nakapagtapos lamang hanggang hayskul. Nagta-trabaho siya ngayon bilang senior hairstylist sa isang kilalang beauty salon chain. Samantalang si Edward, 30, nagtapos ng cum laude sa isang prestihiyosong pamantasan. Nagta-trabaho siya ngayon sa Makati bilang junior consultant sa isang kilalang auditing firm. Pareho silang bakla.

Sa Pilipinas, hindi pa rin ganap na tanggap ang mga homosekswal. Patuloy pa rin ang pagmamaltrato, pangungutya, at pang-aalipusta sa kanila. Tinatayang sampung porsiyento ng kabuuang populasyon sa bansa ang homosekswal.

At iilan lamang ang mga Manny at Edward na handang isakripisyo ang sarili para magampanan ang responsibilidad sa pamilya at lipunan. Kamakailan, nagtapos sa kolehiyo ang dalawa sa limang pinapa-aral na kapatid ni Manny. Samantalang napatapos na rin ni Edward ang tatlo niyang kapatid sa isang exclusive school.

READ
College organs find the going either easy or tough, too tough

Ngayon, sino na ang ituturing na walang kuwenta sa lipunan?

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.