Malaking bahagi ang gagampanan nating mga kabataan sa pagpili ng susunod na mamumuno sa bayan.

Sa datos ng Commission on Elections, mahigit-kumulang 11 milyong kabataan edad 18 hanggang 30 ang inaasahanng boboto sa halalang darating. Bukod pa rito ang inaasahang dalawa hanggang limang milyong magpaparehistrong botante para makaboto simula noong Enero hanggang sa ika-31 ng Oktubre.

Sa taya naman ng Kabataan Party-list, binubuo ng kabataan ang 40 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga botante. Kasalungat ito sa nangyari noong 2004 kung saan 19 na porsiyento lamang ng humigit kumulang 24 milyong kabataan ang nagparehistro para bumoto.

Sinasalamin nito ang ginawang pag-aaral ng National Institute for Political Studies na nagpapakitang naging matamlay na ang pakikibahagi ng kabataan sa tuwing darating ang halalan.

Upang hindi ito maulit, hinikayat ni Kabataan Party-list representative Raymond Palatino ang Comelec na dapat pagtuunang pansin ang pagpapaigting ng kampanya sa pagpaparehistro at pagboto upang makahikayat ng mga bagong botante, lalo na ang mga kabataan.

Naging instrumento ang UST sa unang hakbang sa kampanyang makahikayat at mabigyang-kaalaman ang mga kabataan sa kanilang responsibilidad na bumoto sa halalan. Noong ika-2 ng Disyembre 2008, inilunsad sa Quadricentennial Park ang kampanyang “Bagong BIDA, Be the change, Botanteng Pilipino – Magpalista Ka!” ng Comelec, Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV), at ng National Citizens’ Movement for Free Elections (Namfrel).

Bukod sa maagang kampanya, pinasok na rin ng Comelec ang world wide web upang mapaigting ang kampanya at mapalapit sa kabataang gumagamit ng Internet.

Kung noo’y mga kandidato lamang ang nagsimulang maglunsad ng mga website at blogsite upang mangampanya, nagiging kasangkapan na rin ito ng Comelec upang maiparating sa mga nakababatang madla ang kahalagahan ng pagpaparehistro at pagboto.

READ
Thoughts on public education

Bukod sa paggawa ng accounts sa mga social networking sites tulad ng Twitter, Plurk, at Multiply, inilunsad din ng komisyon ang blogging site nito – ang bagongbotante.ph.

Isa ako sa milyun-milyong inaasahang bagong botanteng nagparehistro nitong buwan lamang. Malaking tulong ang nakuha ko mula sa website na bagongbotante.ph ukol sa sistema at mga alituntuning pagpaparehistro. Kaya naman, nang magpunta ako sa satellite registration office sa isang mall katabi ng subdivision kung saan ako nakatira, hindi ako naging mangmang sa dapat kong gawin.

Akala ko’y kakaunti lamang ang magpaparehistro noon dahil wala pa yata kaming sampu nang pumila ako bandang alas onse ng umaga. Ngunit nang matapos ako sa pagsulat ng kailangang impormasyon sa registration form, pagpapakuha ng demographic at biometric data, at panunumpa sa harap ng election officer, dumami na ang bilang ng mga tulad kong nais makilahok sa susunod na halalan.

Sa ulat ng Inquirer.net noong ika-13 ng Mayo, sinabi ng Comelec na bahagyang tumaas ang bilang ng mga nagparehistro sa National Capital Region kumpara sa mga nakaraang taon. Pinaplano na rin ang pagtatayo ng karagdagang satellite offices upang mas maraming bagong botante ang makalap.

Magandang isipin na hindi napagsasawalang-bahala ang kampanya tungo sa pagtangkilik ng responsableng pagboto.

“Number is power. You, our youth, has the numbers. Use it. Let it remind us that you are the hope of our motherland,” ani P. Rolando de la Rosa, Rektor ng Unibersidad nang magsalita siya sa kampanyang “Bagong BIDA”. Ito’y isang paghamon sa ating mga kabataan na bukod sa pagiging karapatan, isang responsibilidad ang pakikilahok sa halalan upang maging tagapagtaguyod ng pagbabago sa ating lipunan.

READ
Cinema of brilliance

Tulad nga ng sinabi ni Henrietta de Villa, pinuno ng Namfrel at PPCRV, “Let us change corruption [of the mind] to consciousness. And let your every ballot be your conscience. Vote responsibly.”

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.