SA PANAHON kung kailan ginagapi ng kasamaan ang kabutihan, kailangan ng mundo ng isang bayaning magliligtas sa sangkatauhan na walang hinihinging kapalit o pagkilala.
Pinatunayan ito ni Bob Ong sa kanyang ika-pitong libro, ang Kapitan Sino (Visprint Inc., 2009), kung saan sinasabi niya na ang bawat isa ay may likas na kakayahang tumulong at maglingkod sa kapwa gamit ang sariling abilidad.
Si Ong ang nasa likod ng mga akdang ABNKKBSNPLAko?! at Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino na kinagiliwan ng mga mambabasa dahil sa magaan nitong tono at nakaka-aliw na pagsasalarawan ng mga pang-araw-araw na gawain ng mga Pilipino. Ang mga akda ni Ong ay nagsimulang sumikat sa Internet kung saan una niyang nilathala ang kanyang mga sulatin sa website na Bobong Pinoy. Isinara ang naturang website noong 2001.
Sa kanyang pinakabagong libro, pinakilala ni Ong ang mekanikong si Rogelio Manglicmot bilang si Kapitan Sino, ang superhero na “mas matibay pa sa orig”.
Hindi nakatapos ng pag-aaral si Rogelio dahil sa hirap ng buhay kaya para makatulong sa kanyang mga magulang na sina Mang Ernesto at Aling Hasmin, nagkukumpuni siya ng mga sirang kagamitan sa kanilang naluging tindahan sa bayan ng Pelaez.
Namana ni Rogelio ang isang kakaibang kapangyarihan mula sa ama at sa pamamagitan nito ay nakakatulong siya sa pagtugis ng mga masasamang-loob at sumagip sa mga taong nangangailangan.
Tulad ng mga sikat na superhero, mayroon ding sidekick ang bidang si Kapitan Sino sa katauhan ni Bok-bok na siyang nag-engganyo kay Rogelio na gamitin ang kanyang kapangyarihan upang makatulong sa kapwa.
Isa sa mga binigyang-diin ni Ong sa Kapitan Sino na hindi nabigyan ng diin sa mga nauna niyang libro ay ang kuwento ng pag-iibigan. Sa pagmamahalan nina Rogelio at ng mananahing si Tessa, ipinakita niya ang tamis ng pag-iibigan na tagos sa panlabas na anyo ng tao ang dahilan.
Tulad ng mga nauna niyang akda, magaan ang wikang ginamit ni Ong sa Kapitan Sino na hinaluan ng mga “banat” na tiyak na magbibigay-ngiti sa mukha ng mga mambabasa sa kabila ng pagtatalakay ng ilang paksang pulitikal at moral.
Bukod sa katatawanan at pagmamahalan, itinampok rin ng Kapitan Sino ang mga “trapo” o tradisyunal na pulitiko na may mga pansariling hangarin sa likod ng magandang pakikitungo ng mga ito sa mga mamamayan. Bukod dito, ipinakita rin ang kasakiman ng tao sa materyal na bagay kung saan handang gumawa ng masama makamit lamang ang inaasam.
Sa unang tingin, aakalain ng mambabasa na mababaw lamang ang istorya ng Kapitan Sino dahil tila pambata ang konseptong superhero nito. Ngunit kung susuriing mabuti, hindi lamang puro super power at bakbakan ang nilalaman nito dahil bagaman tila pambata ang mga aral na matututunan dito – gaya ng pagiging mapagkumbaba at malinis na pagtanaw ng utang na loob – naging mahusay rin naman ang pagkonekta ng mga aral na ito sa seryosong pulitikal na sitwasyon ng bansa.
Marami man ang mensaheng nais iparating ng may-akda, ang pagtitiwala sa sariling kakayanan at paggamit nito sa wastong paraan upang makatulong sa kapwa ang pinaka-umangat sa lahat.
Sa kabuuan, ipinakita ng Kapitan Sino na sa lumalalang sitwasyon ng bayan, ang tanging lunas ay ang makabagong superhero na matatagpuan sa ating mga sarili. Tulad nga ng sabi ni Rogelio, “Hindi hawak ng tao ang buhay, pero hawak ng tao ang kapangyarihan para hindi pahirapan ang ibang tao.”