Dumalo si dating dekano Alfredo Benipayo (kaliwa) ng Civil Law sa testimonial dinner  para kay Roberto Abad (kanan) sa Main Building. Sinabi noon ni Abad sa Varsitarian na hiling niyang makabalik ito sa pagtuturo sa pakultad matapos ma-stroke noong 2007. Photo by Jossa Camille A. BassigSI ROBERTO Abad, dekano ng Faculty of Civil Law, ang kumumpleto sa 15 mahistrado ng Korte Suprema, matapos siyang italaga ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong Agosto 7.

Siya ang pumalit kay Associate Justice Dante Tinga na nagretiro noong Mayo 11.

Si Abad ang ika-apat na Tomasinong naka-upo ngayon sa kataas-taasang hukuman matapos maitalaga doon sina Diosdado Peralta, isang propesor sa Civil Law, at Luis Bersamin noong Pebrero at Abril.

Si Bersamin ay nagturo sa Civil Law habang si Associate Justice Renato Corona naman ay kumuha ng kaniyang Doctor of Laws sa UST.

Ayon kay Abad, dati na siyang nasabihan ni Chief Justice Reynato Puno na sapat na ang  kaniyang katungkulan bilang acting dean para magsilbi sa Korte Suprema.

“My appointment to the Supreme Court is all the ‘fault’ of Father Rector Rolando dela Rosa for naming me acting dean,” ani Abad sa kaniyang talumpati sa testimonial dinner na inialay sa kanya sa Main Building matapos ang kaniyang pagkakatalaga bilang mahistrado.  “I hope I can give honor to serve the Supreme Court with the Thomasian values you have [instilled] in me.”

Upang makapaglaan ng sapat na oras sa kaniyang bagong tungkulin, lilisanin ni Abad ang Pamantasan pagkatapos ng unang semestre.  Ngunit ngayon pa lamang ay pinalitan na siya ni Augusto Aligada, Jr., dekano ng Civil Law noong 2003, bilang officer-in-charge (OIC) ng pakultad. 

Sa kaniyang maikling termino na dalawang taon, nasimulan ni Abad ang programang naglalayong palitan ng Juris Doctor ang titulong Bachelor of Laws na iginagawad sa mga nagsisipagtapos sa UST, upang maiangat ang kalidad ng kanilang edukasyon at makipagsabayan sa mga law schools sa ibang bansa. 

READ
Apostle for all seasons

Ang Juris Doctor ay katumbas ng doctorate degree sa abugasya, kaiba sa Bachelor of Laws na itinuturing na “undergraduate” degree lamang. 

“Hindi ko man natapos, itutuloy ng susunod na dekano ang plano na magtayo ng Center for Commercial Law [sa Unibersidad],” ani Abad.

Ayon kay Rektor P. Rolando de la Rosa, O.P., ang pagkakatalaga ni Abad sa bagong puwesto ay pagpapatibay lamang ng kaniyang desisyong gawin itong OIC noong 2007 nang ma-stroke ang dating dekano ng Civil Law na si Alfredo Benipayo.

“When I appointed Dean Roberto Abad as OIC of the Faculty of Civil Law, my decision was met with raised eyebrows,” ani Dela Rosa.  “I think today, no Thomasian will dare raise that question again.”

Nahigitan ni Abad ang mga mahistrado ng Court of Appeals na sina sina Martin Villarama at Hakim Abdulwahid, Sandiganbayan Associate Justice Francisco Villaruz, at ang abogadong si Rodolfo Robles para sa bagong posisyon sa Korte Suprema.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.