ILANG linggo na ang nakararaan nang atasan kaming gumawa ng critique ng aming guro sa literary criticism. Maaari kaming mamili ng papaksain, kung ang Noli Me Tangere o El Filibusterismo ni Jose Rizal ba o ang Spoliarium ni Juan Luna. Pinili ko ang Noli Me Tangere, habang ang karamihan naman ay ang Spolarium. Isang kamag-aral ang nagsabi sa akin na kaya niya pinili ang huli ay dahil hindi niya naintindihan ang alin man sa dalawang nobela ni Rizal, bagay na nakabibigla gayong mandatory ang pagtuturo nito sa mataas na paaralan alinsunod sa kautusan ng Kagawaran ng Edukasyon.

Marahil ay isa lamang ang kamag-aral kong ito sa maraming mag-aaral na hindi sineryoso ang dalawang mahahalagang nobelang ito na pinaglaanan ng dalawang taon sa mataas na paaralan. Bagama’t nang isulat ni Rizal ang mga ito ay hindi niya layunin na magpasimula ng rebolusyon, malaki pa rin ang ginampanan ng mga akdang ito sa pagkakamit natin ng kalayaang ating tinatamasa hanggang sa mga sandaling ito. Nakalulungkot at nakahihiyang isipin na marami sa atin ang tumatangkilik sa mga nobelang banyaga tulad ng Twilight, Harry Potter, Lord of the Rings, at iba pa habang ang sariling atin ay kinatatamarang basahin. Hindi naman masamang magbasa ng mga akdang dayuhan ngunit higit na mainam na unahin ang mga tekstong nagsilbing mahalaga sa bayan at sa kasaysayan nito.

Ngunit sadya yatang unti-unti nang napaparam ang nasyonalismo ng mga Filipino sa panahong ito. Hindi lamang minsan ako nakakita ng mga taong hindi nagbibigay-pugay sa ating watawat, at pagsasawalang-kibo sa tuwing inaawit ang “Lupang Hinirang.” Sa mga sinehan kapag last full show ay bibihira na rin lamang ang mga taong tumatayo sa tuwing aawitin ang ating Pambansang Awit.

READ
The 'quixotic' in all of us

Nang nagdaang taon ay may kumalat na larawan sa social networking site na Facebook na nagpapakita ng hindi kanais-nais na wall post ng isang Filipinang naninirahan sa Dubai sa kasagsagan ng bagyong “Ondoy.” Nilalaman ng wall post ang tinuran ng babae sa wikang Ingles na mali-mali ang grammar na mabuti na lamang at wala siya sa Pilipinas dahil marami ang makasalanan dito, at dapat lamang ang sinapit na kasawiang-palad ng mga Filipino.

Marami ang nagalit, habang ang iba naman ay pinagtawanan ang maling pag-i-Ingles ng babae. Nang makita ko ito, hindi ko alam kung dapat ba akong magalit, matuwa, o malungkot. Magalit dahil sa tinuran ng babae, o matuwa sapagkat dahil sa kaniyang sinabi ay lumabas ang pagmamahal ng ating mga kababayan hindi lamang sa ating bansa kundi pati na rin sa mga kapuwa natin Filipino. At tulad ng mga nobela ni Rizal ay tila ginising nito ang natutulog na kamalayan ng mga Filipino. Ngunit nakalulungkot din nang maisip kong, kailangan pa bang may mang-api sa ating lahi bago natin ipakita ang pagmamahal natin sa ating bayan? Ayon sa manunulat at propesor na si Ruth Elynia Mabanglo ng University of Hawaii, “hindi ang mga Kastila at Amerikano ang tunay na mananakop ng bayan, kundi tayo mismong mga Filipino.”

Dahil sa sinabi niyang ito ay naisip kong higit na mahirap kalabanin ang ating sarili kaysa sa mga dayuhang ito na sumakop sa atin. Kung noon ay buong tapang nating ipinaglaban ang ating bayan gamit ang gulok laban sa mga baril, ngayon din sana ay buong pagmamahal nating talunin ang ating mga sariling paniniwala na tayo ay isang third world country lamang.

READ
Quiapo

Hindi ako nawawalan ng pag-asang sa lalong madaling panahon ay muling mamamayani sa puso ng bawat Filipino ang pagmamahal sa ating sariling bayan. Ang iba ay ipinakikita ito sa pamamagitan ng pagsusuot ng mga T-shirt at iba pang mga gamit na may mga disenyong ipinagmamalaki ang pagiging Filipino. Ngunit sa aking palagay ay napapanahon na upang ipakita natin sa ating mga kilos ang pagmamahal sa ating bayan at hindi lamang sa mga bagay na ating ginagamit o isinusuot. Tama na ang pagpapakitang-tao. Dahil mas makabuluhan at makahulugan ang paggawa ng mga simpleng bagay na nagpapakita ng ating nasyonalismo. Tangkilikin natin ang sariling atin. Magbigay-pugay tayo sa ating watawat at pambansang awit. Huwag na nating hintayin na may tumapak pa sa ating dangal bago tayo kumilos.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.