BAGO pa man naging tanyag ang paligsahang pampalakasan na UAAP, naririyan ang Liga Catolica na itinatag ng Unibersidad kasama ang apat pang mga paaralan.

Noong Oktubre 1920, nagtipon ang UST, Ateneo de Manila University, Colegio de San Juan de Letran, at San Vicente de Paul (Adamson University ngayon) upang bumuo ng isang kapisanang pampalakasan na tinawag na “Liga Catolica.” Ito ang kinilalang kauna-unahang samahang pampalakasan sa buong bansa. Football ang pangunahing laro ng paligsahan, katuwang ang bastketball.

Makalipas ang apat na taon, nabuwag ang Liga Catolica dahil hindi ito gaanong naging bantog at dahil na rin sa kakulangan ng pondo kung kaya’t napagpasyahan ng mga kasapi nito na bumuo ng panibagong kapisanan noong 1924ang National Collegiate Athletic Association (NCAA). Kaagad itong sumikat sa mga estudyante’t iba pang mamamayan at itinuring na pinakamaimpluwensiyang liga sa bansa. Kasama ang UST, ang University of the Philippines (UP), University of Manila (UM), National University (NU), De la Salle University, Ateneo, San Beda College, at Institute of Accounts sa mga pangunahing tagapagtaguyod nito. Malaki ang naiambag ng liga sa pag-unlad ng palakasan sa bansa dahil ito ay nagsilbing pagsasanay para sa mga bagong lokal na atleta.

Subalit noong 1930, ang maayos na samahan ng mga kasapi ng NCAA ay nabuwag nang ang kalipunan ng mga direktor nito ay humiling ng pagkilala mula sa Bureau of Commerce. Dahil dito, napagpasyahan ng mga direktor na sina Dionisio Calvo ng UST, Leong Tirol ng NU, at Candido Bartolome ng UP na umalis sa NCAA at bumuo ng sarili nilang liga.

Tinawag na “Big Three League,” tuluyan nang humiwalay ang tatlong unibersidad na ito mula sa NCAA noong Abril 6, 1932. Sa kabila nito, nanatili pa ring matatag ang NCAA. Tumanggap ito ng mga panibagong kasapi tulad ng Mapua Institute of Technology, Jose Rizal College (ngayon ay Jose Rizal University), San Sebastian College, at Trinity College.

Taong 1938 nang nabuo naman ang UAAP, at sumali rito ang Far Eastern University (FEU), University of the East (UE), Adamson University, University of Manila (UM), at Manila Central University (MCU) noong 1952.

Nang napuno ng kontrobersya ang NCAA sa mga nagdaang taon dahil sa matinding kumpitensiya, napilitang tumiwalag ang Ateneo at La Salle sa grupo at sumapi sa UAAP noong 1978 at 1986.

Naglunsad ang UAAP ng mga national tournaments noong 1980’s, ngunit sa kalauna’y itinigil din dahil sa kakulangan ng pondo.

Sa kasalukuyan, nananatiling walo ang permanenteng unibersidad na kasapi sa UAAP: Ang Adamson, Ateneo, La Salle, FEU, NU, UE, UP, at UST, samantalang may pitong permanenteng miyembro ang NCAA: Letran, College of St. Benilde, Jose Rizal Univeristy, Mapua, San Sebastian, University of Perpetual Help System Dalta. Dalawang kasaping nasa probation ang Arellano University at Emilio Aguinaldo College at isang panauhing miyembro, ang Lyceum of the Philippines University.

Tomasino siya

READ
Tomcat wins in int'l tilt

Alam n’yo ba na ang Tomasinong si Cenon Rivera ay hindi lamang bantog sa larangan ng sining kundi maging sa panitikan?

Ipinanganak noong 1922 sa Hagonoy, Bulacan, si Rivera ay nagtapos ng Liberal Arts at Fine Arts sa UP noong 1941 at saka kumuha ng kursong Art Education sa UST at nagtapos noong 1948. Muli siyang nag-aral noong taong 1962 sa Academia di Belle Arti sa Roma, Italya.

Si Rivera ay kilala sa sining ng stained glass ngunit siya rin ay kinilala sa larangan ng panitikan. Nagsulat siya ng mga aklat at literatura gaya ng Bangus noong 1950’s, Pintig ng Buhay at iba pang katha noong 1956, at Art in Philippine Perspective Past and Present noong 1980’s.

Siya ay tumanggap ng iba’t ibang pagkilala sa larangan ng sining gaya ng First Special Prize sa Ifugao Painting Contest (1954), Honorable Mention sa 7th US Foundation Anniversary Art Exhibition at 8th AAP Annual Art Exhibition, (1955), Award of Distinctive Merit First Prize sa Mostra di Pittura Lazio, Rome (1963), First Prize sa Prima Mostra Internazionale D’Arte estemporanea, Sabaudia (1964), at siyam pang ibang parangal sa mga paligsahang pansining sa Italya sa mga taong 1963 hanggang 1964.

Nakapagtanghal din siya’t naglunsad ng mga exhibit sa One-man Art Show sa Philippine Art Gallery (1956, 1958, at 1962), MV Victoria, Lloyd Triestino Steamship Lines (1962), Galleria D’ Arte Trinita del Monti, Rome (1963), MV Asia Lloyd Triestino Steamship Lines (1965), Galleria D’Arte del Palazzon delle Esposizioni, Rome (1965). Siya rin ang nagdisenyo ng iba’t ibang logo at coat of arms ng mga pakultad at kolehiyo sa Unibersidad.

Pumanaw si Rivera noong 1998 sa edad na 76.

Tomasalitaan:

READ
What Shamcey knows

Nemnem (pnd) magtanim ng galit

Halimbawa: Ang pagnenemnem sa iyong kaibigan ay maaaring makasira sa inyong matibay na pagsasamahan.

Mga Sanggunian:

Almo, A. (2002). From Fraternity to Glamour League. Retrieved November 18, 2011 from http://www.varsitarian.net/sports/from_fraternity_to_glamour_league.

(n.d.). Cenon Rivera. Retrieved November 18, 2011 from http://www.heritageartcenter.com/2011/01/cenon-rivera.html.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.