Ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ay nagtakda ng Proklamasyon Blg. 1041 para sa taunang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa tuwing Agosto. Ang tema sa taong ito ay “Sa Pangangalaga ng Wika at Kalikasan, Wagas na Pagmamahal Talagang Kailangan,” na iniendorso naman ng Commission on Higher Education (CHED) at ng Departamento ng Edukasyon bilang pakikiisa sa pagdiriwang. Nakapagtataka lamang na kailangan pa ng ganitong hakbang gayong sariling wika, na marapat lamang nating gamitin sa pang-araw-araw na pamumuhay, ang pinag-uusapan.

‘Di tulad ng mga mauunlad na bansa sa Asya gaya ng Japan at China, ang ating bansa ay patuloy pa rin sa paggamit ng wikang Ingles, na sa aking pananaw ay hindi lubusang pagpapahalaga sa sariling wika at sa sarili nating kultura.

Halimbawa, sa pang-akademikong gawain, hindi matutunan nang maayos ng mga mag-aaral ang mga konseptong itinuturo sa kanila sa wikang Ingles dahil kadalasa’y napupunta na lamang sila sa pagsasaulo at hindi pag-intindi. Maging sa mga asignatura sa wikang Filipino ay nakikita ang kahinaan ng mga mag-aaral sa paggamit ng wikang inaasahan nating nakasanayan na nila.

Ayon kay Bro. Andrew Gonzales, dating kalihim ng Edukasyon at pangulo ng De La Salle University (DLSU), ang wikang Filipino ay ganap nang intelektuwalisado sapagkat ginagamit na ito sa mataas na antas ng disiplina at pananaliksik. Naganap na ito sa pamamagitan ng kauna-unahang Gawad Jose Villa Panganiban (Gawad JVP), na ipinagkaloob noong ika-18 ng Agosto kay Prop. Fortunato Sevilla III, dating dekano ng College of Science na gumamit ng sariling wika sa pagtuturo ng mga komplikadong paksa sa agham.

READ
Red Cross-Science Unit conducts earthquake drill

Ang wikang Filipino ay ganap nang intelektuwalisado sapagkat ginagamit na ito sa mataas na antas ng disiplina at pananaliksik.

Bukod pa rito, nakikiisa rin ang Unibersidad sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa, na may temang “Sanib–isip: Pag-angkin sa Wika at Kalikasan Tungo sa Paglikha ng Wika ng Kalikasan”. Ang lahat ng kolehiyo ay kaniya-kaniyang gawain na nakapaloob sa pangkalahatang gawain ng Departamento ng Filipino, samantalang ang pinakatampok sa pagdiriwang ay ang Gawad JVP, at sa buong taong panuruan 2010-2011 ay may Seryeng Panayam JVP.

Hindi lamang ang DLSU, University of the Philippines, at Ateneo de Manila University ang makapag-aangkin na intelektuwalisado ang kani-kanilang pamantasan sa paggamit ng wikang Filipino dahil nasimulan na sa unang aklat na nagawa ng inyong lingkod na pinamagatang Filipino sa Araling Kompyuter at The Philippine Style Chat: an Instant Messenger Translation System, papel na binasa ko sa International Conference sa University of London, at Panimulang Bilinggwal na Diksiyonaryo na may kritikal na pagsusuri at pagsasaliksik. Kung may Dr. Tereso Tullao ang DLSU, na sumusulat ng mga aklat at ng talasalitaan sa economics sa wikang Filipino, mayroon naman tayong JVP, na nanguna upang makagawa ng diksiyonaryo ng Wikang Pambansa. Matatawaran pa ba ang naging kontribusyon ng iba pang Tomasino gaya nina Dr. Emerita Quito at Dr. Florentino Timbreza, na gumamit ng sariling wika sa diskurso ng Pilosopiya? Sa pagdiriwang ng ating Quadricentennial ay itatampok si Dr. Genoveva Edroza-Matute, isang Tomasinong kuwentista, na naging propesor ko sa Philippine Normal University.

Masasabi na sinasaliksik natin ang karapat-dapat lamang. Ang UST ang magpaparangal sa lahat ng nabanggit sapagkat lahat sila ay Tomasino. Kaya maraming-maraming salamat sa inyong pakikiisa sa amin. Mabuhay tayong lahat. Mabuhay ang wikang Filipino, at lalong mabuhay ang Departamento ng Filipino ng UST.

READ
Med Freshmen critique new learning method

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.