MARAMING pangyayari sa ating buhay ang nagbibigay-aral at inspirasyon sa atin. May mga magagandang karanasan na nagdudulot sa atin ng ligaya, ngunit kadalasa’y mula sa mga mapapait na pangyayari nagmumula ang mga aral na habambuhay na tatatak sa ating sarili.

Ito ang mapagtatanto ng sino mang bubuklat ng mga pahina ng Sagad sa Buto (UST Publishing House, 2010) ni Romulo Baquiran Jr., isang propesor sa Unibersidad ng Pilipinas sa kauna-unahan niyang akda na nasusulat sa paraang impormal o “creative verities”.

Nagsimula ang lahat nang aksidenteng dumupilas sa dyip si Baquiran noong Agosto 2008, matapos malasing sa isang kasiyahan sa bahay ng isang kaibigan. Nabiyak ang sakong, nahiwa ang pagitan ng kaliwang hintuturo at palasingsingan; at napilay ang kaliwang paa ng may-akda na nagdulot sa kaniya ng pagkaospital nang ilang linggo. Karamihan sa mga sanaysay na nasa akda ay tungkol sa mga naging karanasan ni Baquiran sa pamamalagi sa ospital, at sa pagpapagaling niya mula sa mga natamong pinsala. Halimbawa nito ay ang pagsusungit ng mga doktor at attendant sa ospital sa Quezon City, kung saan siya unang dinala ng lalaking tumulong sa kaniya.

Sinasalamin ng Sagad sa Buto ang masakit na katotohanan sa mga pampublikong ospital, kung saan kapag wala kang pera ay hindi ka agad bibigyan ng atensiyon. Mahihinuha rin ng mambabasa mula sa akda ang palasak na diskriminasyon na nararanasan ng mga mahihirap mula sa mapang-usig na mata ng lipunan, tulad ng hindi agad pagbibibigay ng sapat na atensiyong medikal hangga’t hindi pa nakapagbabayad.

Gumamit si Baquiran ng mga metapora upang ihambing ang kalagayan ng mga pasyente sa ward sa mga pampublikong ospital, na nakatulong upang mas maunawaan ng mambabasa ang kalagayan ng mga ito. Nariyang ihambing niya ang silid sa isang basement kung saan halu-halo ang mga pasyente at may dalawa o tatlong natutulog sa isang kama.

READ
'Legal abortion will do more harm than good'

Dahil isang guro, may bahagi ng mga sanaysay kung saan makikita ang likas na kaalaman ni Baquiran sa mga bagay. Bagaman maaaring mabagot ang mambabasa sa dahil tila mga bahagi ito ng isang aklat na pang-akademya, tiyak na kapupulutan naman ito ng mga kaalaman, tulad ng pagbibigay-halimbawa ng may-akda sa mga hayop na ayon sa kaniya ay “nagtagumpay na samantalahin ang sakong para sa bipedalismo,” na tumutukoy sa mga hayop na nakalalakad.

Naging daan ang aksidenteng tinamo ni Baquiran upang magkaroon siya ng bagong pagtingin sa iba’t ibang mukha ng mundo. Ang mga bagay na dati’y kaniyang pinagwawalang-bahala ay napagtuunan niya ng pansin, tulad na lamang ng kagandahan ng kapaligiran.

Mabisa ang paglalarawan ni Baquiran sa kaniyang mga sanaysay kaya hindi magiging mahirap para sa mga mambabasa ang maisalarawan sa isip ang mga pangyayaring kaniyang tinutukoy. Bagaman may mga sanaysay na may mahahabang talata, hindi ito magiging dahilan upang tamarin ang mambabasa dahil mga payak na salita lamang ang gamit ng may-akda.

Naipakita ng may-akda sa pamamagitan ng pagkukuwento ng kaniyang pamumuhay kasama ang kaniyang mga kapatid, pamangkin, at mga apo ang isa sa mahahalagang kaugaliang Pilipino—ang matibay na samahan ng pamilya. Samantala, may mga bahagi na posibleng magdulot ng kalituhan sa mambabasa dahil may ilang tauhan na hindi naman ipinakikilala ng may-akda ngunit mababanggit sa ilang bahagi ng sanaysay, tulad na lamang ng mga taong kasama niya sa bahay na kalauna’y malalaman na lamang ng mambabasa na ito pala ay kaniyang kamag-anak.

Gayon pa man, nagtagumpay si Baquiran sa pagsasalaysay ng mga pangyayari sa kaniyang buhay na kapupulutan ng aral ng mga mambabasa at mga realisasyon at puna tungkol sa ating lipunan.

READ
No need to intensify Ustet, admission officials say

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.