HUMIGIT kumulang 500 na CCTV cameras ang nakakabit na ngayon sa loob ng ilang mga gusali at silid-aralan ng Unibersidad.

Sa kasalukuyan, apat na gusali na ang tapos nang lagyan ng mga CCTV camera upang paigtingin ang seguridad sa loob ng campus. Kabilang na rito ang Main Building, Beato Angelico Building, St. Martin de Porres Building, at St. Raymund de Peñafort Building.

Ayon kay Richie Filipiniano, foreman ng Net Pacific, Inc., ang kumpanyang nagsagawa ng pagkakabit ng mga camera, ang bawat unit ay tinatayang nagkakahalaga ng P15,000 para sa bullet type cameras na makikita sa mga pasilyo, at P20,000 naman para sa dome type cameras na ikinabit sa loob ng mga silid-aralan.

Ayon kay Filipiniano, higit 150 camera na ang nakakabit sa mga silid-aralan at pasilyo ng St. Martin de Porres Building na pinaglalagian ng Faculty of Medicine and Surgery, College of Nursing, at College of Rehabilitation Sciences.

Tinataya namang 93 CCTV cameras na ang nakakabit sa loob ng St. Raymund de Peñafort Building na naglalaman ng Faculty of Arts and Letters at College of Commerce and Business Administration, habang 95 na camera naman sa loob ng Beato Angelico Building kung saan nananatili ang College of Fine Arts and Design at College of Architecture.

Mayroon namang 151 mga cameras sa loob ng Main Building, hindi pa kabilang ang mga opisina ng mga opisyal, ani Rene Oreta, CCTV installer ng Net Pacific, Inc.

Ayon kay Joseph Badinas, Security Office chief, ang mga nakakabit na CCTV cameras ay naka-“power-up” na. Ang mga CCTV camera ay nasa direktang pamamahala ng Facilities Management Office (FMO).

READ
'Unang Dalaw': Of first love and first menstruation

“Magpapadala sila (FMO) ng tauhan dito [para sumubaybay sa mga camera],” ani Badinas.

Ayon naman kay UST Faculty Union vice president for grievances na si Reynaldo Reyes, hindi sila kinonsulta ng Unibersidad sa desisyon nitong magkabit ng mga CCTV camera.

Nangamba ‘di umano ang ilan sa mga propesor nang malaman ang desisyong ito ng Unibersidad dahil maaaring maapektuhan nito ang kanilang academic freedom.

Ngunit sinabi rin ni Reyes na “nabawasan rin kahit papano ang kanilang pangamba nang malamang ang FMO ang mamamahala sa mga camera.”

Sang-ayon siya na ang pagkakabit ng mga camera sa mga silid-aralan ay hindi makahahadlang sa academic freedom.

“Walang audio ang mga camera, kaya hindi ito matatawag na panghihimasok sa academic freedom,” ani Reyes.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.