BABAWASAN ng halos siyam na units ang kasalukuyang kurikulum ng College of Architecture simula sa susunod na taon.

Ayon kay John Joseph Fernandez, dekano ng College of Architecture, tatanggalin ang mga asignaturang Statistics at Professional Practice 4 dahil “hindi na ito kailangan.”

“Pagkatapos isagawa ang survey sa mga estudyante, guro, at alumni, natuklasan naming mukhang hindi na kailangan ang mga [naturang asignatura]. Kaya tatanggalin na lang namin [ang mga] ‘yun,” ani Fernandez.

Sa sandaling maipatupad ang panukala, mas marami na ring silid-aralan ang maaari nilang gamitin kung kaya’t maaari na silang magkaroon ng dagdag na programs tulad ng Landscape Architecture, Environmental Management Planning, at isa pang vocational course na nakatuon sa architectural presentation.

Para kay Sylvia Clemente, Architecture Planning Cluster head coordinator, hindi niya masasabi kung ang nasabing pagbabawas ng units ay makatutulong o hindi dahil nakadepende pa rin ito sa kung ano ang nilalaman ng syllabus.

Sinabi rin niya na hindi nakasalalay sa bilang ng units ang kalidad ng edukasyon na maibibigay sa mga estudyante.

“In principle, it sounds correct. In some schools, mas kaunti ang units pero it does not reduce the quality [of education being offered],” ani Clemente.

Samantala, posible ring maaprubahan ang mandatory summer classes sa Architecture para sa susunod na taon upang mabawasan ang load sa mga semestreng may maraming load.

Para kay Weejee Decena, pangulo ng Architecture Student Council, magandang magkaroon ng summer classes upang higit na matutukan ang major subjects, ngunit hindi makatutulong ang pagkakaroon nito sa pagbawas ng taon na kailangan sa Architecture.

Kasalukuyan pang nagbibigay ang kolehiyo ng survey sa mga mag-aaral, lalo na sa mga nasa ikaapat at ikalimang antas ng Architecture, na pagbabatayan sa pagpapatupad ng summer classes.

READ
Balik-tanaw

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.