SA IYONG kaarawan, isang pagbati ang iyong matatanggap matapos i-swipe and identification card o ID sa pasukan ng anumang gusali sa Unibersidad.

Ngunit hindi sa security guard o kung kanino pa man magmumula ang pagbati dahil mismong sa locator maririnig ang boses-lalaking pagbati mula sa isang computer-generated program. Ito ay handog ng Santo Tomas e-Service Providers (STePs).

“Dapat nga pag-tap mo ng [ID], kakanta pa ng ‘Happy Birthday [song],’ dapat ‘yung magugulo pa ‘yung buong mundo,” pabirong sinabi ni Polly Blanco, assistant director para sa software development and applications ng STePs.

Ngunit aniya, hindi maaaring maglagay ng mahabang mensahe o kanta ang STePs dahil matatagalan ang pagpasok ng mga mag-aaral lalo na at mahaba ang pila sa locator.

Dagdag pa niya, ibinatay ang greeting sa petsa ng kaarawang inilagay ng may-ari ng ID sa kaniyang personal data sheet noong reservation ng mga freshmen. Kung walang kaarawang nakatala, walang pagbati.

Damay din sa makatatanggap ng pagbati ang mga ID ng mga naunang batch, staff, at propesor.

Samantala, nagkaroon ng bagong disenyo ang mga ID ng mga freshman sa taong ito. Mula sa mala-gintong kulay, pinalitan ito ng dilaw, at ang Quadricentennial logo hologram ay pinalitan ng bersyong hindi hologram.

Ngayon ay nakalagay na rin ang kurso ng bawat mag-aaral at inilipat na sa ibaba ang mga semestral stickers, na napagigitnaan ng logo ng kolehiyo, pakultad, o institusyon.

Nagsilbi ring background ng bagong ID ang mga landmarks ng UST tulad ng Main Building at ang estatwa ni Miguel de Benavides na nasa harapan ng ID, at Quattromondial at Arch of the Centuries sa likuran.

READ
Fingerprints as aids to crime probes

Ayon kay Sebastian Raymond Mendoza, assistant director para sa hardware and network operations ng STePs, wala pang isang buwan matapos lumabas ang bagong disenyo ay 1,000 hanggang 1,500 Tomasino na ang nagpapalit ng ID. Ito umano ang naging sanhi ng mahabang pila sa labas ng ID room sa Tan Yan Kee Student Center.

“Kahit ‘di nawawala, dine-declare nilang ‘lost,’ kaya sumasabay sa pag-aayos ng mga ID ng mga first year,” ani Mendoza. “’Pag bago, mabilis eh. ‘Yung iba nga gusto lang makuha yung bagong lanyard.”

Dagdag pa ni Mendoza, ang bawat ID ay mayroong electronic chip at tanging ID ng mga currently enrolled students ang babasahin ng mga locators, bilang “security measure.”

Sakali man na lumala ang pamemeke ng ID, posibleng lagyan ng STePs ang mga ito ng watermark na gagana lamang sa pamamagitan ng ultraviolet light upang mapatunayan kung orihinal ba ang ID o pineke lamang.

1 COMMENT

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.