PALAISIPIAN ngayong Buwan ng Wika angpagpapatigil ng distribusyon ng mga di umano’y “subersibong” libro sa midya, silid-aklatan, at mga paaralan.

Sa limang aklat na pinabawi ng dalawang komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino, nabanggit ang likha ni Dexter Cayanes, propesor sa UST Departamento ng Filipino, na pinamagatang “Tawid-diwa sa Pananagisag ni Bienvenido Lumbera: Ang Bayan, ang Manunulat, at ang mga Magasing Sagisag sa Imahinatibong Yugto ng Batas Militar 1975-1979.”

Kasama din sa listahan ang mga aklat na “Teatro Politikal Dos” ni Malou Jacob, “Kalatas: Mga Kuwentong Bayan at Kuwentong Buhay” ni Rommel Rodriguez, “May Hadlang ang Umaga” ni Don Pagusara, at “Labas: Mga Palabas sa Labas ng Sentro” ni Reuel Aguila.

Sina Carmelita Abdurahman, komisyoner sa programa at proyekto, at Benjamin Mendillo, komisyoner sa pangasiwaan at pananalapi, ang lumagda sa Memorandum Blg. 2022-0663 na nagpabawi sa mga aklat.

Inilunsad ng KWF ang aklat ni Cayanes noong ika-18 ng Agosto ng nakaraang taon bilang paggunita sa Buwan ng Wikang Pambansa, na may temang “Filipino at mga Wikang Katutubo sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino.”

Ayon kay dating undersecretary Lorraine Badoy, sa programang “Laban Kasama Ang Bayan”  ng SMNI News Channel noong ika-9 ng Agosto, itinutulak ni Arturo Casanova, dating propesor at tagapangulo ng KWF, ang mga lathalain ng CPP-NPA-NDF o ng mga rebeldeng komunista.

Inakusahan ni Badoy ang yumaong Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan na si Bienvenido Lumbera ng pagiging pinuno ng Communist Party of the Philippines. Ginamit niya diumano ang mga guro upang magturo ng komunismo. 

Naging assistant literary editor ng Varsitarian si Lumbera noong 1953.

Mariing namang tinututulan ni Casanova ang mga akusasyon at sinabing walang basehan at malisiyoso ang mga ito.

“These books which are alleged to be subversive passed through the review process of the KWF. All the books underwent the usual scrutiny that all publications of the KWF must pass, including receiving the imprimatur of the other two full-time commissioners,” aniya.

Furthermore, the allegations that these books are subversive is a dangerous accusation which may already be stepping on the boundaries of freedom of expression and academic freedom,” pagpapatuloy niya.

Ayon kay Casanova, nakakadismaya ang paninira sa KWF. 

“Nakalulungkot na ang mga alegasyong ito na walang katotohanan at walang basehan, ay ginagamit ng ilang tao na nagtutulak ng kanilang personal na mga adyenda. Ito ang pinakabagong serye ng mga aksiyon na nakatuon laban sa akin para sirain ang aking pagkatao at harangin ang mga gawain para patatagin/palakasin at linisin ang KWF,” ani Casanova.

Dagdag ni Casanova, handa siyang humarap sa kahit anong imbestigasyon upang mapatunayan na walang katotohanan ang mga paratang sa kanya. S. N. G. Magbuhat

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.