BINATIKOS man noon sa kaniyang Facebook campaign laban sa Reproductive Health (RH) bill ay hindi pa rin nagpapatinag ang propesor sa teolohiya na si Aguedo Florence Jalin, na ngayon ay naglunsad ng isang signature campaign upang ideklara ang UST na “sacred grounds for life.”
Sa tulong ng kaniyang siyam na klase, si Jalin ay naglalayong makalikom ng 40,000 na pirma mula sa mga Tomasino.
Ngunit hindi niya ito nilimitahan sa mga guro at estudyante dahil maaari ding pumirma ang mga non-academic employee, tindero, utility personnel, at iba pang manggagawa sa Unibersidad.
Ang mga nalikom na pirma ay ibibigay kay P. Rolando de la Rosa, O.P., Rektor ng UST, upang hikayatin siyang ideklara ang Unibersidad bilang “sacred grounds for life.”
Padadalhan ng kopya sina Albay Rep. Edcel Lagman, may-akda ng RH bill, at dating Akbayan Rep. Risa Hontiveros-Baraquel, na masugid na tagasuporta ng RH bill.
Layon ng RH bill ang maglaan ng pondo ng bayan para bumili ng mga artificial contraceptives gaya ng pills at condom, para diumano’y maibsan ang kahirapan. Mariin itong tinututulan ng mga grupong Kristiyano, na nais gamitin ang kaban ng bayan para sa mga tunay na solusyon sa kahirapan gaya ng edukasyon at trabaho.
“Definitely, iki-criticize ito (kampanya),” ani Jalin.
Matatandaang binatikos ng Akbayan Youth Group si Jalin matapos niyang hikayatin ang kaniyang mga estudyante na mag-post ng kanilang opinyon sa RH bill sa Facebook page ng naturang grupo.
‘Di naman itinanggi ni Jalin na gaya ng dati, magbibigay siya ng incentive sa mga estudyanteng tumutulong sa kaniyang kampanya.
“Every generosity that is extended must be rewarded,” ani Jalin, ngunit sinabi naman niyang hindi sapilitan ang pagtulong sa kaniya.
Inihambing ni Jalin ang kaniyang pinagdadaanan sa nangyari kay Moises sa bibliya, kung saan kinailangan niya ng “primary movers” upang malagpasan ang pinagdadaanan.
Dagdag pa niya, naipaalam na niya kay Msgr. Juanito Figura, secretary general ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), ang kaniyang kampanya na sinimulan matapos ang isang pro-life campaign noong Hulyo 25.
“I give him my full support,” ani Figura sa panayam ng Varsitarian. “The initiative of Professor Jalin is very commendable because in his own little way, he is able to promote the sanctity of life [and the teachings of the Church].”
Nilinaw ni Figura na ang pagiging “sacred grounds” ng UST ay hindi nangangahulugang bawal na ang mga “makasalanan” sa lugar.
‘D.E.A.T.H.S.’
Ayon kay Robert Balboa, estudyante ni Jalin, mayroong mga prepared statements na sasabihin bago papirmahin ang isang tao. Kung pro-RH bill ang tao ay hindi nila ito pipiliting pumirma.
Bawat estudyante daw ay mayroong anim na papel, katumbas ng 120 na pirma.
Sa susunod na linggo ang palugit na ibinigay ni Jalin para sa mga pirmang malilikom.
Ani Jalin, bukod sa RH bill ay mariin din niyang tinututulan ang mga panukala sa ilalim ng “D.E.A.T.H.S.”: divorce, euthanasia, abortion, total depopulation, homosexual marriages, at sex education.
Tutol ang mga Kristiyano sa RH bill dahil magagastos ang kanilang buwis sa mga bagay na labag sa kanilang paniniwala. Kuwestiyonable din diumano ang panukalang pagtuturo ng sex education simula grade 5, lalo na’t ang mga contraceptives na ipamamahagi sa RH bill ay ‘di limitado sa mga may-asawa.
Ayon sa bill, parurusahan ang mga doktor na aayaw magbigay ng mga serbisyong RH kung may diumano’y emergency.
Ang pills ay itinuturing ng ilang mga doktor at pro-life groups na abortifacient. Lingid sa kaalaman ng nakararami, ‘di lamang nito pinipigilan ang ovulation o ang paglabas ng egg cell sa isang babae. Maaaring pumalpak ito at magkaroon pa rin ng ovulation. Kung mabuntis ang isang babae, maaring ‘di kumapit ang pre-embryo o fertilized ovum at ito’y malaglag.
Sa mga pag-aaral, napatunayan ding tumaas ang risk ng mga babaeng magkaroon ng breast cancer dahil sa paggamit ng pill.