ISA PANG Tomasino ang naidagdag sa hanay ng mga pinakamatataas na mahistrado sa bansa.
Hinirang ni Pangulong Benigno Aquino III si Court of Appeals (CA) Justice Bienvenido Reyes bilang bagong associate justice ng Korte Suprema noong Agosto 16, kahalili ni Justice Antonio Eduardo Nachura na nagretiro noong June 13.
Nagtapos ng Bachelor of Arts si Reyes sa Faculty of Arts and Letters noong 1967 at nagtapos ng abogasya sa San Beda College noong 1971.
Si Reyes, chair ng ikatlong dibisyon ng CA, ay naging presiding judge ng Malabon City Regional Trial Court noong 1990 at nailuklok sa CA noong 2000.
Isa si Reyes sa limang CA justices na nominado sa dalawang bakanteng posisyon sa Korte Suprema. Isinumite ng Judicial and Bar Council ang listahan kay Aquino matapos ang mandatory retirement nina Nachura at Conchita Carpio-Morales, na siya namang iniluklok bilang Ombudsman noong Hulyo.
Sina Associate Justice Diosdado Peralta at Chief Justice Renato Corona ang mga Tomasinong hukom na kasalukuyang nakaupo sa Korte Suprema.