BINATIKOS ang ehekutibong sangay ng pamahalaan ng ilang kritiko matapos itong magpatupad ng patakarang kapareho sa nakasaad sa Reproductive Health (RH) bill, na kasalukuyang pinagtatalunan sa Kongreso.

Si Pangulong Aquino III na mismo, sa tulong ng Department of Health (DOH), ang gumawa ng hakbang upang maipatupad ang ilang mga probisyong nakapaloob sa RH bill sa pamamagitan ng DOH Administrative Order (AO) 2012-0009 o “National Strategy Toward Reducing Unmet Need for Modern Family Planning as a Means to Achieving Millennium Development Goals (MDG) on Maternal Health,” na pinagtibay noong Hunyo 27.

Agad naman naging kontrobersyal ang nasabing mandato dahil sa pagkakapareho nito sa RH bill. Magkasamang ipalalaganap ang mga natural at artipisyal na kontraseptibo. Tutol ang Simbahan sa mga artipisyal na pamamaraan ng kontrasepsyon gaya ng pills, intrauterine devices, at injectibles.

“Modern family planning (FP) shall include among its methods the following: pills; injectables/DMPA (Depo-Provera or Depot medroxyprogesterone acetate); condoms; intrauterine devices (IUDs); natural family panning (AO No. 132 s. 2004) including lactational amenorrhea method (LAM); bilateral tubal litigation (BTL); vasectomy (AO No. 50-A s. 2011); and any other method deemed to be safe and effective by the DOH,” ayon sa nakasaad sa administrative order.

Naniniwala si Nilo Divina, dekano ng Faculty of Civil Law, na isa itong mapanlinlang na pamamaraan upang maipatupad ang mga alituntuning hindi maaaring maisagawa nang buo gamit ang RH bill.

“Nahihirapan kasi sila na maipasa ang RH bill dahil hindi sila makakuha ng sapat na bilang ng mga tagasuporta,” ani Divina sa Varsitarian.

Aniya, kahit makalusot pa sa mababang kapulungan ang RH bill, mas mahihirapan ang mga tagasuporta nito sa Senado.

READ
Upgrading the soul

“Hindi sila tiyak kung maipapasa pa ang RH bill, kaya gumawa sila ng administrative order,” ani Divina.

Para naman kay Jo Imbong ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) Legal Office, ang pagpapatupad ng naturang alituntunin ay insulto sa Kongreso na hindi pa natatapos talakayin ang RH bill.

“Naiinip na ang mga ilan, dahil ito na ang panlimang Kongresong tumatalakay sa RH bill,” aniya sa Varsitarian.

Naniniwala naman si Rene Bullecer, tagapangasiwa ng Human Life International-Filipinas, na gumagawa na ng ganitong estratehiya ang Malacañang at ang mga tagasugid ng RH bill mula nang maluklok sa pagkapangulo si Aquino.

“Mayroon na lamang pitong buwan bago matapos ang ika-15 na Kongreso sa Pebrero at nagiging desperado na silang maipasa ang RH bill, kaya gumagawa sila ng mga alternatibong paraan,” ani Bullecer.

Subalit hindi na bago ang ganitong kaparaanan ng mga tagasugid ng RH bill, dagdag niya.

Nagawang maipasa ang mga ordinansa ng reproductive health sa humigit-kumulang 20 lungsod at kabayanan sa buong bansa noong ika-14 na Kongreso, ayon kay Bullecer.

Sa isang critique paper ng CBCP Legal Office ukol sa DOH AO 2012-0009, sinipi ni Imbong ang isang saliksik noong 1996 ni Propesor Lant Pritchett ng Johns Hopkins School of Hygiene and Public Health na pinamagatang “No Need for Unmet Need.”

Ayon kay Pritchett: “Although there may be 215 million women who want to delay or avoid pregnancy and are not using contraception, that does not mean that all of these women want to use contraception.”

“In these cases, there is refusal, hence, there is no ‘need’ to speak of,” ani Imbong. “And yet, all cases of non-use are routinely interpreted as a gaping ‘need’ to justify a massive family planning program such as this.”

READ
Civil Law eyes Commercial Law center

Dinagdag pa niya na sumasalungat ang DOH sa mandato nitong pangkalahatang pangkalusugan sa pagsusulong ng nasabing administrative order dahil ang ibang mga gamot at aparato ay napatunayan nang nakasasama sa kalusugan ng mga tao, lalo na sa mga kababaihan.

Sa isang pag-aaral ng World Health Organization (WHO) noong nakaraang taon, natuklasang ilan sa mga kilalang birth control pills ay carcinogenic o nakapagdudulot ng kanser.

“DOH mocks its public trust of protecting consumers against hazardous substances,” ani Imbong.

Samantala, ang datos na kadalasang ginagamit ng mga nagsusulong ng RH bill kung saan tinatayang 11 na mga ina ang namamatay bawat araw dulot ng komplikasyon sa panganganak ay napatunayang hindi totoo ng WHO, ayon sa saliksik nito na pinamagatang “Trends in Maternal Mortality: 1990 to 2008.”

“Tumaas na ang kalidad ng kalusugang maternal,” ani Eric Manalang, pangulo ng Pro-Life Filipinas. “Masyadong pinagtutuunan ng pansin ng DOH ang isa sa mga pinaka hindi importanteng problema ng mga babae.”

Ang DOH na mismo ang nagsabi na sakit sa puso ang nangungunang sanhi ng pagkamatay ng mga kababaihan, batay sa datos noong 2005.

Ayon kay Imbong, kailangang pagtuunan ang tunay na pangangailangan ng mga kababihan sa kanilang pagbubuntis at kaligtasan sa panganganak.

MDG goals nga ba?

Iginiit naman ni Bullecer na ginagamit lamang palusot ng mga tagasuporta ng RH bill ang mga layunin ng Millennium Development Goals ng United Nations upang ipatupad ang administrative order.

Isa sa mga layunin ng MDG na paunlarin ang kalidad ng maternal na pangkalusugan. Nakasaad sa MDG Goal 5 na dapat mabawasan ng tatlong-kapat ang maternal mortality ratio, at magkaroon ng universal access sa reproductive health sa pagsapit ng taong 2015.

READ
Vote counting machines in May elections 100 percent accurate, says Comelec

Ngunit para kay Imbong, ang MDG goals ay mananatili lamang na isang suhestiyon.

“Is the Philippines, a sovereign state,  obliged to work out its mechanisms if in doing so,  national interest—women’s health,  family strength, integrity of the marital bond, personal privacy, human capital, right to life, religious liberty, common good will be compromised and trampled upon?” aniya. “Clearly not.”

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.