BAGO pa man mapabilang ang Pambansang Wika bilang isa sa mga pangunahing midyum ng pagtuturo sa UST, mayroon nang pagkalito sa loob ng mahabang panahon kung ano nga ba ang wikang pang-edukasyon.

Ayon sa “I Walked With 12 UST Rectors” ni Norberto de Ramos, ang lumalaking bilang noon ng mga mag-aaral na mas matatas sa pagsasalita ng Ingles kaysa Kastila ang nagdulot ng bilingual situation sa Unibersidad.

Maliban sa pagkalito kung ano’ng opisyal na wikang dapat sundin at gamitin, naapektuhan din ang mga kalakaran sa loob ng mga opisina ng Unibersidad.

Ibinahagi ni De Ramos ang kaniyang karanasan na kinailangan niya pang magpaalam sa dating secretary general na si Don Ramon Ampuero na kung maaari ay tanungin siya ng kaniyang mga guro sa Kastila at sasagutin niya ito sa Ingles.

Noong 1923, nagpaikot ng circular ang dating Rektor na si P. Manuel Arellano, O.P. na sa pampaaralang taon 1924-1925 ay Ingles na ang opisyal na midyum ng pagtuturo sa Unibersidad. Ayon sa kasulatan, dapat ipagbigay-alam sa secretary general ang mga Tomasino na hindi matatas sa pagsasalita ng Ingles.

Ang propesor na si Mamerto Roxas, ang nakatatandang kapatid ng dating pangulong Manuel Roxas, ay tumangging magturo gamit ang Ingles kahit na mahusay ito sa pagsasalita sa naturang wika. Aniya, hihinto na lamang siya sa pagtuturo kung pipilitin siyang gumamit ng ibang wika.

Noong 1959, tuluyan nang ginamit ang Pambansang Wika—Pilipino bilang midyum ng pagtuturo—nang inimplementa ng dating Kalihim ng Edukasyon na si Jose Romero kung saan isinaad na dapat gamitin ang Pambansang Wika bilang midyum ng pagtuturo.

READ
Positibong pananaw

Kahit maraming Tomasino na ang umaalma sa kawalan ng saysay sa pag-aaral ng wikang Kastila, ipinatupad noong 1967 ng UST ang pagkuha ng 24 units para sa mga mag-aaral ng Liberal Arts at ng Education.

Ang dating Department of Tagalog na itinayo ni Jose Villa Panganiban, ang naging Department of Pilipino sa naturang taon, na pinangunahan ni Dr. Antonia Villanueva.

Tomasino siya

Alam n’yo ba na isang Tomasino ang kauna-unahang Filipino na nagsaliksik tungkol sa ethnic folk art?

Si Ricarte Maramba Puruganan, nagtapos ng Bachelor of Science in Architecture sa Unibersidad noong 1941, ay isang kilalang pintor na sumulat ng mga librong Non-Christian Folks Art of the Philippines at Folk Art, the Thread to National Art.

Bagaman siya ay nagtapos din noong 1936 sa University of the Philippines School of Fine Arts, kabilang siya sa limang nagtatag ng UST School of Fine Arts, kasalukuyang College of Fine Arts and Design at College of Architecture.

Ibinahagi niya ang kaniyang mga nalalaman sa mga Tomasino hanggang sa kaniyang paglisan sa Unibersidad noong 1950.

Ang husay ni Puruganan ay kinilala sa iba’t ibang patimpalak tulad ng 1st Landscaping Competition sa bansa noong 1935 at 1st National Art Contest noong 1943. Noong 1951, siya ay nahalal bilang isa sa 24 na nangungunang Pilipinong pintor.

Sa ika-421 na pagdiriwang ng pagkakatatag ng Maynila noong 1992, tinagurian siyang featured artist ng Manila Tourism and Cultural Affairs, kung saan nagkaroon siya ng one-man exhibit na pinamagatang “Parangal kay Rajah Solayman” sa Manila Museum for Arts. Elora Joselle F. Cangco

READ
Feast of contemporary art

Tomasalitaan

Liwag (PU)—mabagal; kilos na banayad

Hal.: Maliwag na nagtungo si Fay sa kanilang tagpuan sa kalaliman ng gabi.

Mga Sanggunian:

D. R., Norberto V. (2000). I Walked With 12 Rectors pp. 23-24,175-179. Quezon City: Alfredo G. Ablaza and Christina De Ramos de Ablaza

Grand Alumni Homecoming 1993 Awards Ceremony Souvenir Porgram

TOTAL Awards

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.