MGA LARAWANG sumasalamin sa paghihirap at pag-asa—ito ang kumakatawan sa natatanging sining ng Tomasinong potograpo na si Geloy Concepcion.

Si Concepcion ang pinakabatang nakasali sa ikapitong “Angkor Photo Workshop” sa Siem Reap, Cambodia para sa grupong mayroong gulang na 30 pababa noong Nobyembre 2011. Ang nasabing workshop ay pinangungunahan ng mga tanyag at batikang potograpo sa iba't ibang panig ng mundo tulad nina Patrick de Noirmont, Olivier Nilsson, Antoine d’Agata, at Paula Bronstein.

Itong nakaraang Mayo lamang ay nakapagtanghal si Concepcion ng kaniyang obra na “Salamat 2011” sa Month of Photography Ring na ginanap sa Cube Ricoh Gallery sa Tokyo, Japan. Katatapos lamang niya ng kursong Advertising sa Unibersidad noong nakaraang Marso.

Sa pamamagitan ng retrato

Hindi potograpiya ang unang kinahiligan ni Concepcion noong bata pa lamang siya. Sa katunayan, ginusto niyang maging cartoonist at sa kalaunan, maging tattoo artist.

“Mahilig na talaga akong mag-drawing mula pa noong bata pa ako,” ani Concepcion. “Nakita ko ang sarili ko na kahit ano na lang, punks kumbaga.”

Mula sa munting pangarap na ito, pinili ni Concepcion na mag-aral ng kolehiyo sa College of Fine Arts and Design sa kursong Advertising Arts kung saan nahubog siya ng potograpiya.

Hindi tulad ng mga kasabayan niya sa Unibersidad, nakahiligan ni Concepcion ang documentary photography.

“Nagdesisyon ako na maging documentary photographer nang maramdaman ko ang saya kasama ng pagod at panganib ng mga pinupuntahan kong lugar,” ani Concepcion. “Gusto kong magkuwento ng mga istorya na hindi kadalasang napapansin ng mga tao.”

“Gusto ko magkuwento pero hindi ako magaling magsalita at magsulat, kaya pinili ko magkuwento sa pamamagitan ng litrato,” dagdag pa niya.

READ
THE RARE PASSAGE

Masasalamin ang mga hangarin ni Concepcion sa kaniyang mga kinukuhanang tauhan kagaya ng mga senior citizens sa Golden Acres, mga matatandang boksingero na lugmok sa kahirapan at ang papasikat pa lang na Philippine Dragon Boat Team.

Dahil sa mga paksang kaniyang kinukuhanan, napag-isipan ni Concepcion na kailangang mas maraming tao ang makakita ng kaniyang mga larawan.

Kitang-kita sa mga black-and-white na retratong kuha ni Concepcion ang imahe ng paghihirap at pagsusumikap.

“Gusto kong maikuwento ang mga istorya ng paghihirap at pag-asa para maipakita ang katapangan para masabing maganda ang buhay,” aniya.

Sa ngayon, isang resident artist si Concepcion sa Casa San Miguel sa Zambales kung saan nagtuturo siya ng sining sa mga batang anak ng mga magsasaka at mangingisda para maibahagi ang kaniyang mga natutunan.

Libreng art

Maliban sa pagkuha ng retrato, isa ring graffiti artist si Concepcion. Siya ang naging kinatawan ng bansa noong 2011 sa Wall Lords International Graffiti Competition na ginanap sa Taiwan.

“Ginagawa ko ang graffiti para sa mga tao at gusto ko ‘yung konsepto na libre lang itong makita ng lahat na hindi na kailangang magbayad sa mga gallery at museum. Ganiyan naman talaga ang art—libre,” ani Concepcion.

“Ang pinakamagandang magagawa sa mga natutunan at matututunan pa ay ang gawin ang mga ito, kaya gusto kong magturo lalo na sa mga taong hindi kayang pumasok sa art school.”

Ayon sa kaniya, kung hindi dahil sa walang sawa niyang pagsusumikap at pagtitiwala sa Maykapal, hindi niya makakamtan ang husay na mayroon siya ngayon sa larangan ng potograpiya.

READ
Cancer institute established

“Sa buhay kasi, gawin mo lang ang makapagpapasaya sa iyo, huwag kang gagawa ng bagay na ikatutuwa lang ng iba,” ani Concepcion. “Isa sa mga inspirasyon ko ay si Hesus at palagi akong nagdarasal. Laging magdasal para laging masaya.”

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.