PUMANAW na ang propesor at tagapangasiwa ng Office for Admissions (OFAD) na si Mecheline Zonia Intia-Manalastas noong Agosto 12. Siya ay 56 taong gulang.

Hiniling ni Manalastas na manatiling lingid sa kaalaman ng publiko ang tunay na sanhi ng kaniyang karamdaman, sinabi ng kaniyang pamilya sa Varsitarian.

Bilang isang beteranong opisyal ng UST, si Manalastas ay nagsilbing executive assistant ng Office of the Secretary General mula 2006 hanggang 2007, direktor ng UST Publishing House mula 1999 hanggang 2006, direktor ng Purchasing Office mula 1996 hanggang 1999, at coordinator ng Office for Student Affairs mula 1990 hanggang 1996.

Sa loob ng 24 na taon, nagturo siya sa UST Graduate School, College of Science, at Institute of Religion. Si Manalastas ay naging kasapi rin ng scholarship committee, permanent committee on enrollment, at Simbahayan 400 committee ng Unibersidad.

Siya ay nagtapos sa UST ng Doctor of Philosophy major in Psychology, summa cum laude; Master of Arts in Psychology, meritissimus; at Masters in Business Administration, cum laude. Malapit na rin sana niyang matapos ang kaniyang Master of Arts in Theology sa Unibersidad bago siya pumanaw.

Sa kabila ng pagiging istrikto sa trabaho, si Manalastas—kilala sa tawag na “Ma’am Mitch”—ay inilarawan ng kaniyang mga kawani bilang isang malambing na tagapangasiwa. Itinuring na rin siyang “guardian.”

“She’s a very strong person pero sa likod noon ay isang sweet, caring, at very supportive na boss. She’s also very fair and just—she expects a lot from your work pero ‘pag na-delay ‘yung benefits mo, ipaglalaban niya talaga ‘yun,” ani Steve Moore, marketing assistant ng OFAD. “She’s more than a boss to us, she’s also a very loving mother.”

READ
'Affected' ka ba?

Isang taon siyang nakipaglaban sa kaniyang karamdaman ngunit sa kabila nito ay hindi pa rin siya tumigil sa paglilingkod sa Unibersidad, dagdag ni Moore.

Ang mga labi ni Ma’am Mitch ay ibinurol sa Arlington Memorial Chapels sa Sta. Mesa, Manila at inihimlay sa Manila North Cemetery noong Agosto 17. Isang Banal na Misa rin ang idinaos para sa kaniya, na pinagunahan ni P. Herminio Dagohoy, O.P., Rektor ng Unibersidad.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.