NOON, pabuyang salapi ang kapalit ng masigasig na pag-aaral.

Taong 2000, naglabas ang Faculty of Civil Law ng Unibersidad, ang pinakamatandang fakultad ng pag-aabugasya, sa ilalim ni Dean Amado Dimayuga, ng panukalang magpaparangal ito ng pabuyang salapi sa mga Tomasino na mangunguna sa bar exam. Halagang P250,000 ang makakamit ng nasa unang posisyon, P150,000 naman ang makukuha ng nasa ikalawang posisyon, at P100,000 naman ang mapupunta sa nasa ikatlong posisyon.

Sa parehong taon, hinikayat din ng Civil Law ang mga Tomasino na magtatapos sa kolehiyo na makatatanggap ng schoolarship ang sinumang may nais na mag-enroll sa kanila; full scholarship para sa mga nagtapos ng kolehiyo na nagkamit ng Latin honors—summa, magna, at cum laude.

Katuwang ng Civil Law ang kanilang Alumni Association sa pagtutustos ng pera para sa mga masisigasig na mag-aaral.

Ang mga panukalang inilabas ng Civil Law ay ang kanilang paraan upang paigtingin ang pagiging masigasig ng mga mag-aaral at panatilihin ang excellence—mula sa Civil Law ng Unibersidad ang apat na Pangulo ng Pilipinas, at pitong Chief Justice.

Matatandaan, taong 1999 ay walang Tomasino na pumasok sa Top 10 ng bar exam.

Sa kasalukuyan, ang Unibersidad ay muling walang nakamit na posisyon sa Top 10 ng bar exams.

Ang mga resultang ito ang dahilan kung bakit hindi kabilang sa “top three choices” ng mga nagnanais mag-aral ng abugasya ang Unibersidad.

“To an outsider’s point of view, it (bar track record) is the most attractive criterion. Pangalawa, facility. Third, siguro I might add, is tuition,” ani Enrique dela Cruz sa Varsitarian, dating full scholar ng Civil Law at kasalukuyang nagtuturo roon.

READ
Game over?

Sa kasalukuyan, wala mang pabuyang salaping alok, ang Civil Law—sa ilalim ng pamumuno ng dekanong si Nilo Divina—ay namamahagi pa rin ng scholarships—full scholarship sa mga nagtapos sa kolehiyo bilang summa cum laude, half scholarship sa mga magna at cum laude, “dean’s lister” scholarship, Law Alumni Scholarship for Freshmen, at Law Alumni Scholarship for Upperclassmen.

Tomasino siya

Alam n’yo bang isang Tomasino ang pinarangalan ng Bagong Bayani Award mula sa Philippine Overseas Employment Administration noong 1990?

Si Rhoel Raymundo Mendoza ay nagtapos ng Bachelor of Fine Arts Major in Advertising sa Unibersidad noong 1981.

Nagsimulang magtrabaho sa ibang bansa si Mendoza noong 1983 kung saan siya’y nagsilbing advertising artist at photographer sa Middle East.

Taong 1984 ay umuwi siya sa Pilipinas ngunit muling nangibang bansa bilang isang in-house graphic designer for English mula 1985 hanggang 2000 sa SABIC.

Nagsimula ang pagsusumikap ni Mendoza para sa mga kapuwa OFWs nang minsang mabasa sa isang pahayagan na “Filipinos, because they have no culture of their own, tend to be a fickle and shallow people.”

Hindi pinalagpas ni Mendoza ang pagkakataong sumulat sa punong patnugot ng pahayagan; natanggap ang kaniyang sulat at ginawaran ng “The best letter to the editor” noong 1987.

Taong 1999, inilunsad ni Mendoza ang Project 2000, kung saan isang taon siyang kakalap ng pirma mula sa mga kapwa OFWs upang ihain sa gobyerno ng Pilipinas ang kahalagahan ng mga OFWs at karapatan nila upang mabigyang pansin at parangal.

Nagbunga ang layunin ni Mendoza noong Pebrero 2000 nang pirmahan ni dating Pangulong Joseph Estrada ang Proclamation No. 243 na nagdedeklarang sa taong 2000 bilang “Year of the OFWs”.

READ
AB Translation nabinbin; sisimulan sa 2016

Gamit ang kaniyang karanasan bilang art director ng Vision, ang opisyal na pahayagan ng UST College of Architecture & Fine Arts, si Mendoza ay naglimbag ng The Filipino Overseas Magazine noong 1995 ngunit tumagal lamang ito ng tatlong isyu.

Taong 1998 nama’y pinamunuan ni Mendoza ang paglimbag ng Sentenaryo, isang pahayagang naglalaman ng iba’t ibang gawain ng The Philippines to the World Entertainment Foundation, Inc., isang samahan ng mga OFW na non-profit na itinatag ni Mendoza noong 1997.

Si Mendoza rin ang nagsumikap upang mailimbag ang Global Pinoy, newsletter na ipinamamahagi sa Ninoy Aquino International Airport sa mga Pilipinong nangingibang bansa.

Sa kasalukuyan, nakapirmi na sa bansa si Mendoza at nagtatag ng sariling kompanyang RRM Models, Events, and Publications.

Binitawan man ni Mendoza ang pagiging OFW ay hindi pa rin siya titigil na tumulong sa OFWs.

“There is a sense of fulfillment whenever I do something for the OFWs in my own little way,” ani Mendoza sa Varsitarian. Jonah Mary T. Mutuc

Tomasalitaan

Puliki (pnr)—gahol

Puliking-puliki na si Brylle sa trabaho magmula nang umalis si Julius patungong Boracay.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.