ISSA, gising na! Mahuhuli na tayo sa ating pupuntahang party,” sigaw ni Daddy mula sa kabilang banda ng pinto.

Sandali akong nag-unat sa aking higaan. Bigla kong naalala na ngayon ang araw na gaganapin ang Christmas party namin sa eskuwela. Paspasan kong inayos ang aking kama bago dali-daling tumungo sa dining area kung saan naging pambungad sa aking umaga ang amoy ng sinangag at piniritong hotdog. Nakaligo at nakabihis na si Daddy nang abutan ko siya sa hapag na nagbabasa ng diyaryo.

“Ano ba’ng gagawin ng prinsesa ko mamaya? Kakanta ka ba?” usisa ni Daddy nang makaupo ako sa harap niya.

“Basta, Dad. Malalaman ninyo na lang,” sagot ko sa kaniya habang sumasandok ng sinangag. Bumalik din siya sa kaniyang pagbabasa.

Pagkatapos kong kumain ay naligo na ako. Tinulungan ako ni Tatay na mag-ayos ng aking sarili. Ganito ang araw-araw naming gawain sa nakaraang apat na taon simula nang magtrabaho sa Kuwait si Mommy.

Nagsisimula na ang munting programa ng klase ng Grade 1 Diligence pagdating namin ni Daddy. Sumasayaw ang mga kaklase kong lalaki sa saliw ng tugtuging ”Papaya.” Pinaupo ko si Daddy sa mga upuang nakalaan para sa mga magulang at saka ako sumama sa mga kaklase ko.

“Nasaan ang Mama mo, Issa?” tanong sa akin ni Gaby, ang aking matalik na kaibigan sa klase. Marahil napansin niyang si Daddy lang ang kasama ko kanina.

“Ha? Nasa ibang bansa siya, eh,” sagot ko naman.

“Ano naman ang ginagawa niya doon?” pangungulit ni Gaby.

“Sabi ni Daddy, may inaalagaan siyang ibang pamilya. Pero malapit na rin siyang bumalik.”

Sa totoo lang, hindi sinasabi sa akin si Daddy kung kailan talaga babalik uli si Mommy. Siyam na buwan na rin simula nang huli kong nakausap si Mommy bagama’t buwan-buwan pa rin siyang nagpapadala ng liham.

Pagkatapos isagawa ang mga palaro, tinawag na ng emcee ang lahat ng mga bata sa harapan upang magtanghal ng isang awiting alay sa aming mga magulang.

Isang buwan din kaming nag-ensayo para sa pagtatanghal namin ng “Pasko na, Sinta ko.” Sa kalagitnaan ng aming pag-kanta, kinuha namin mula sa isang mesa ang mga ginawa naming Christmas cards para sa aming mga magulang at saka ito inihandog sa kanila.

READ
Santissimo parish opens 'bigasan'

Tuwang-tuwa naman si Daddy sa binigay kong Christmas card sa kaniya. Nilingon ko rin ang aking mga kaklase, at nakita kong marami sa kanila ang masayang nakayakap sa kani-kanilang mga magulang.

Naisip kong gumaya sa kanila kaya’t yumakap na din ako kay Daddy. Subalit kahit na mahigpit ang yakap niya sa akin, alam kong hindi pa rin matutumbasan nito ang pagmamahal na dala ng dalawang pares na brasong nakapulupot sa mga kaibigan ko. Mas masaya kung nandito lang si Mommy, naisip ko.

Tatlong taong gulang pa lang ako nang umalis si Mommy kung kaya’t wala akong halos matandaang mga pagkakataong nakasama ko siya. Magmula noon, hindi na siya umuuwi sa Pilipinas. Nakakatampo nga ito dahil wala siya sa aking tabi para sabitan ako ng gold medal nang maging first honor ako noong preschool graduation namin noong nakaraang taon. Ang tanging imahen niya na nabubuo sa isip ko ay ang itsura niya sa mga litratong pinadala niya sa amin. Maliit ang katawan ni Mama, bukod pa sa maputi ang balat niya. Mapungay naman ang kanyang mga mata kagaya ng sa akin habang hanggang balikat naman ang haba ng maitim na buhok niya. Abot-tenga rin ang ngiti niya sa mga litrato. Ano kaya ang pakiramdam kung yakapin ako ng magandang babae na iyon?

Dalawang araw pagkalipas ng Christmas party namin, hindi na ako nakatiis na itanong kay Daddy kung kailan ba talaga babalik si Mommy.

Napabuntong-hininga muna siya bago siya nagsalita, “malapit na, anak.”

“Bakit ba hindi na siya tumatawag?” usisa ko.

“Mamaya mo na lang ako kulitin, anak, dahil marami pa akong ginagawa,” sagot ni Daddy habang nagsasampay siya ng mga nilabhan niyang damit namin sa bakuran ng bahay.

Gusto ko pa sana siyang tanungin ulit kung marami lang ba talaga siyang gawaing bahay na kailangang tapusin o hindi kaya’y iniiwasan lang niyang sagutin ang tanong ko dahil hindi niya rin alam ang sagot dito. Subalit hindi ko na rin ipinilit ang pagtatanong ko sa kanya dahil ayaw kong ginagalit si Daddy. Isa pa, baka hindi niya ibigay sa akin ang laruang hinihiling ko sa para sa darating na Pasko.

READ
Saving Philippine biodiversity

Marahil matutupad naman ang kagustuhan kong umuwi na sana si Mommy kung kay Papa Jesus at kay Santa Claus ako hihiling na umuwi na na si Mommy. Simula noon, sinasama ko lagi sa aking mga dasal ang pag-asam kong pagbabalik ni Mommy sa amin.

Ipinangako ko kay Lord na magiging good girl na ako kapag nakumpleto na ulit ang pamilya namin. Nagsabit rin ako ng medyas sa dingding namin na may sulat sa loob kay Santa na gusto ko ng kendi at natutuwa ako sa mga laruang binibigay niya taon-taon ngunit mas matutuwa ako kung ihahatid niya sa aming pintuan si Mommy bago sumapit ang Pasko.

Dumating ang Noche Buena, umaasa akong tatawag si Mommy kagaya ng mga nakaraang taon.

Nakiusap ako kay Daddy na huwag magsimba dahil baka wala kami sa bahay kapag naisipang tumawag ni Mommy. Ilang beses na may tumawag sa aming telepono ngunit wala ni isa sa mga ito ang galing sa Mommy ko.

Pumatak ang alas dose at tinawag ako ni Daddy upang kumain. Naging abala siya sa paghahanda ng aming pagsasaluhan ngayong gabi.

“O anak? Paskong-Pasko pero parang pam-Biyernes Santo ang mukha ng beybi ko?” pangiti niyang bati sa akin. Hindi ako umimik, at sa halip ay nakapangalumbaba lang akong nakatingin sa inihanda niyang ulam. Nahalata niya marahil na nabubugnot ako dahil hindi pa rin tumatawag si Mommy.

“Anak, huwag ka nang malungkot. Baka marami lang ginagawa si Mommy,” pagtitiyak niyang may bahid din ng kalungkutan. Kahit na sabihin niyang hindi niya rin hinihintay ang tawag ni Mommy, alam kong umaasa rin si Daddy na makakausap din niya ito. Pilitin man niyang ngumiti at pasiyahin ako, alam kong pareho lang kami ng lungkot na nadarama.

“Sayang naman! Pinagluto pa naman kita ng paborito mong shepherd’s pie. Ayaw mo yata nito, eh,” biro ni Daddy. Kinuha niya ang tray ng paborito kong lutuin at nagkunwaring ibabalik ito sa oven.

READ
Pinoy fantasia and fabula

“Daddy!” sambit ko sa kaniya. Binalik niya ang tray ng shepherd’s pie na masaya naming pinagsaluhan. Naisip ko na maaaring tama si Daddy, na marahil marami lang ginagawa si Mommy ngayon.

Nananabik akong binuksan ang mga regalo. Galak na galak naman ako sa mga binigay sa akin ng mga kaibigan ko at ni Santa Claus na alam ko naman ay si Daddy rin. Pinuno niya rin ng mga kendi ang sinabit kong medyas.

Kinabukasan, ginising ako ng mga kalaro kong kapitbahay. Mamamasko raw kami sa aming subdivision. Pinagmamalaki ko ang bago kong sapatos at damit habang naglalakad kaming magkakaibigan sa kalsada.

Pag-uwi sa bahay, pinagbuksan ako ng pinto ng isang babaeng hindi ko nakilala kaagad ang mukha. Lumuhod siya sa harap ko at bumalik sa aking alaala ang larawan ng isang babaeng singkit ang mga mata na tulad sa akin. Niyakap niya ako nang mahigpit at mula sa haplos niya, tila may napunang bahagi sa akin na dati’y nawawala.

Hindi ko na kinakailangang tanungin kung sino siya. Sabi niya sa akin, hindi niya raw ako iiwan ulit. Lumingon ako kay Daddy, namumula rin ang mga mata niya. Napansin kong may buhat siyang isang sanggol. Subalit malamlam ang ngiti ni Daddy.

Bumitaw ako sa pagkakayakap kay Mommy at lumapit sa sanggol. Pareho ng mata niya ang mata namin ni Mommy. Naguguluhan ako sa ibig ipaunawa ng lahat ng ito sa akin.

“Issa, siya si Seth, ang kapatid mo,” bulong ni Mommy sa akin na may kasamang pisil sa aking balikat. Kinamayan ko si Seth. Siya pala ang regalo ni Mommy sa aming dalawa ni Daddy sa Pasko.

Matagal siyang naghanda para ipakilala niya kami kay Seth. Marahil nag-aalinlangan siyang baka magalit kami sa sorpresa niya. Masaya na ako na kumpleto ang pamilya namin ngayong Pasko at dagdag pa rito ang isang bagong miyembro ng aming pamilya.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.