SAANMANG bahagi ng mundo, nananatili pa rin ang panitikang Pilipino bilang kasangkapan sa pagbalikwas mula sa nakasanayang sistema ng lipunan.
Ito ang ipinarating ni Epifanio San Juan, Jr., sa kaniyang ikalimang aklat sa panitikan na pinamagatang Ulikba at iba pang bagong tula (UST Publishing House, 2013).
Si San Juan ay dating propesor ng Literature sa University of the Philippines at ngayo’y Emeritus Professor ng English at Comparative Literature and Ethnic Studies sa Washington State University at University of Connecticut.
Kilalang kritiko, mapapansin sa 40 na kalipunan ng mga tula ang kaniyang pagsalungat sa “’di makatarungang” pagtrato sa mga mahihirap at ang kaniyang suporta sa mga kaliwang grupo o leftists sa bansa.
Ang mga tula ay nasa malayang taludturan at ang mga salitang ginamit ay ‘di ganoon kalalim, ngunit nasa pormal na anyo ng wika. Makikita rin ang paglalagay ng malaking espasyo upang ibukod ang ilang mga salita sa tula imbes na gumamit ng kuwit, na nagpakita ng masidhing damdamin at kahalagahan ng mga salitang ito sa tula.
Maliban sa aktibismo, tinalakay ni San Juan ang iba’t ibang naging isyu sa bansa tulad na ng “deseparasidos” na sina Jonas Burgos, Karen Empeño, at Sherlyn Cadapan at ang brutal na pagpaslang sa 57 katao sa Maguindanao noong 2009.
“Sa Buhay sa Bundok,” ipinakita ang mga sakripisyong ibinigay ng mga militanteng namumundok. Isinalarawan sila bilang mga ibong lumilipad-lipad sa kagubatan na handang ipagtanggol ang kanilang teritoryo laban sa mga manunupil. Sinabing handa nilang isuko ang komportableng buhay sa kapatagan at makipaglaban upang makamit ang nais na lupa para sa mga mahihirap, pati na rin sa kabuktutan ng mga ganid sa lipunan.
Samantala, ang “Pagbabago ng Baguio” ay pumapaikot sa paghahanap sa nawawalang ganda ng Baguio simula nang ito’y maging siyudad at maging parte na sa komersalisasyon ng bansa. Mapapansin na mistulang kasama ang persona sa paglalakbay na nagbigay daan upang mas mailapit sa mga mambabasa ang isinalarawang itsura at kondisyon ng Baguio.
Ang tula ay nahati sa tatlong bahagi: ang ‘di na makilalang Baguio, ang paglalakbay patungo sa nawawalang tahanan ng mga anito, at sa huli, binanggit ng tagapagsalita na hinayaan ng diktaturyang Marcos na sakupin ng mga Amerikano upang baguhin ang makasaysayang lugar. Umaasa siyang muling mamasdan ang tahanan ng mga anito papuntang terasa.
Sa tulang “Balikbayang Sinta,” binanggit ang mga lugar sa iba’t ibang bahagi ng mundo kung saan maraming Overseas Filipino Workers tulad ng London, Riyadh, at Hong Kong. Ipinamalas ang paghihirap at mga suliraning nag-aabang sa mga Pilipinong balak maghanapbuhay sa ibang bansa.
Mapaghimagsik man ang tinig, ang mga tula ni San Juan ay nagpakita ng pagnanais muling ibangon ang kamalayan ng mga Pilipino sa lipunan kung saan sila’y nananahan.