TAONG 1948 nang unang ipatupad ang pagsusuot ng mga bagong disenyong uniporme ng mga mag-aaral sa Faculty of Medicine and Surgery at Conservatory of Music.

Kasunod ng ihinaing panuntunan ng Unibersidad ukol sa pagsusuot ng mga uniporme upang magsilbing pagkakakilanlan ng bawat fakultad at kolehiyo, pinasinayaan ng konserbatoryo, sa pangunguna ng Conservatory of Music Student Council ang unang pagsusuot ng mga uniporme at pin noong ika-siyam ng Agosto ng nasabing taon.

Inumpisahan ng mga kababaihan sa konserbatoryo ang pagsusuot ng dalawang kulay ng pin bilang pagsimbolo sa kanilang kolehiyo.

Samantala, noong ika-15 ng kaparehong buwan, opisyal namang sinimulan ng mga kalalakihan sa Medisina ang pagsusuot ng simpleng puting polo na mayroong tatlong bulsa sa harapan at malapad na paha sa may baywang.

Pinagsuot naman ang mga intern ng mga unipormeng may mga burda at tahing kaiba sa naunang pangkat ng mga mag-aaral sa Medisina.

Sinasabing sinasalamin ng uniporme ng isang institusiyon ang natatanging kasaysayan at kultura nito. Sa ganitong kaisipan din itinindig ng bawat fakultad at kolehiyo ng Unibersidad ang disenyo ng kani-kanilang kasuotan hanggang sa kasalukuyan.

Para sa Music, tanda ng pagkahalina ng mga manonood ang kulay rosas na kanila ring piniling kulay ng uniporme.

Sa isang panayam ng Varsitarian noong 2006 sa dating dekano ng Music si Erlinda Fule ukol sa pagpapanatili ng orihinal na kulay ng kanilang uniporme hanggang sa kasalukuyan, sinabi niyang maganda sa paningin ng manonood ang kulay rosas.

“We chose this color to create a pleasant mood for the audience when students play their instruments,” aniya.

READ
Hotshot lensman named 'Geloy'

Inihahanda naman ang mga mag-aaral ng Medicine sa kanilang mga trabaho sa hinaharap sa pamamagitan ng mga puting unipormeng repleksiyon ng kanilang serbisyo. Ilang dekada na rin ang lumipas nang nabago ang disenyo ng blusa at polo ng mga mag-aaral subalit nananatili itong puti na kalaunang dinagdagan ng dilaw at luntiang nameplate alinsunod sa kulay at pamantayan ng Unibersidad at ng kanilang fakultad.

Tomasino Siya

Alam ba ninyo na isang Tomasino ang classical pianist na nagkamit ng pagkilala at reputasiyon sa buong, at siya ring tinaguriang gifted piano teacher?

Nagtapos si Emilio del Rosario ng Bachelor of Music bilang magna cum laude noong 1953 sa Unibersidad. Bukod dito, Master of Music at Artist’s diploma holder rin si del Rosario.

Taong 1965 nang nagsimulang magturo si del Rosario sa Music Institute of Chicago (MIC) sa Winnetka matapos anyayahan ng mismong presidente ng nasabing paaralan.

Sa humigit 40 taon sa serbisyo, ibinahagi ni del Rosario, o mas kilala sa tawag na “Mr. D,” ang kaniyang passion para sa piano at malasakit na hubugin ang daan-daang kabataan na maging matagumpay na concert pinanists.

Ilan sa mga highlight ng kaniyang karera ang mga solo recitals sa Carnegie Recital Hall, Steinway Hall at United Nations sa New York City, at National Gallery sa Washington, D.C. Naging soloist rin si Del Rosario sa Manila Symphony Ochestra, Cultural Center Symphony, at Peabody Conservatory Orchestra.

Bukod sa pagtugtog sa mga recitals, tumanggap rin ng maraming gantimpala at mga scholarship si Del Rosario. Kabilang dito ang Steinway Prize, Concert Artists’ Guild Recital Award sa New York City, Paul Thomas Prize sa Peabody Conservatory of Music at Outstanding Artist Award sa Filipinas.

READ
Asian congress for life and truth

Noong 1986 at 1992, tinaggap niya ang Distinguished Teacher Award mula sa National Foundation of the Arts.

Taong 2007 nang naghayag ang MIC ng pagtatatag ng isang Piano Chair sa kaniyang karangalan. Pagkaraan ng dalawang taon, itinatag ang Emilio del Rosario Library kasunod ng kaniyang naging donasiyon na isang malawak na koleksiyon ng mga piano sa MIC.

Sa isang librong inilunsad kamakailan patungkol sa pinakamagagaling na piano pedagogues sa USA, muling napili si del Rosario bilang isa sa top 15. Tatlong pangulo na ng Estados Unidos ang nagbigay sa kaniya ng karangalang Outstanding Pedagogue Award—sina Jimmy Carter, Ronald Reagan at Bill Clinton.

Yumao si del Rosario noong ika-3 ng Oktubre 2010 sa edad na 76 dahil sa kanser. John Gabriel M. Agcaoili at Bernadette A. Pamintuan

Tomasalitaan:

Paragila (png)—pagmamabuti

Hal. Unahin mo ang paragila sa sarili bago mo pagsabihan ang iyong kapwa.

Mga Sanggunian:

TOTAL Awards 2002 Souvenir Program

The Varsitarian: Tomo XX Blg. 7, Agosto 1948

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.