MASYADO na nga bang maraming magkakaparehong student organizations sa Unibersidad?
Ayon kay Antonio Chua, direktor ng Student Welfare and Development Board, mahigit kumulang 30 ang mga organisasyon ng mga mag-aaral sa Unibersidad.
Dagdag pa ni Chua, sinisigurado naman ng Office for Student Affairs (OSA) na hindi magkakapareho ang mga layunin ng mga organisasyong nais magpa-recognize. “Otherwise, we will just recommend that they merge or we will not recognize them and tell them to join this organization because they have the same purpose,” aniya.
Sa kasalukuyan, mayroon pang mga organisasyong nais magpa-recognize para sa taong ito at kabilang dito ang International Students Association (ISA). Paliwanag ni Chua, hindi nagawang makapagpadala ng kinatawan ng ISA sa ginanap na Student Leaders Summit noong Mayo. Isa iyon sa mga kinakailangang gampanan ng isang organisasyong gustong magpa-recognize.
Ang ISA ay itinatag noong 2005 upang pagbuklurin ang mga dayuhang mag-aaral at magkaroon sila ng pagtutulungan sa loob ng Unibersidad.
Ayon kay Ariza Yamashita, assistant secretary ng ISA, sila ay hindi lamang nakatuon sa iisang kultura ng bansa hindi tulad ng mga ibang international organizations sa UST.
“In ISA, we cover every culture there is, including Filipino culture as well,” ani Yamashita.
Bukas ang ISA sa ideya na pakikipag-isa nila sa ibang mga pang-dayuhang organisasyon, ngunit papahalagahan pa rin nila ang kanilang mga prayoridad.
“ISA welcomes its doors to those organizations but we also have our own priority. But if they want to merge with us, it’s not really a bad idea,” ani Yamashita.
Sa katunayan, nakikipagtulungan ang ISA sa mga organisasyong katulad ng Scarlet sa pagdaos ng mga event tungkol sa kultura ng ibang bansa.
Ang Scarlet ay binubuo ng mga Chinese-Filipino na mag-aaral sa Unibersidad. Ito rin ay may adhikang pagkaisahin ang mga Tomasinong may ibang lahi, pagsamahin ang kulturang “Tsinoy” at Filipino at patatagin ang komunidad ng mga estudyanteng
Para kay Valeri Mae Tio, sekretarya ng Scarlet, sang-ayon siya sa pagkakaroon ng magkakaibang organisasyon kahit pa may magkakatulad itong ng layunin.
“Maganda nga ‘yung ganun kasi bawat organization, they have their own uniqueness and distinction,” ani Tio.
Ngunit igniit niya na hindi siya sang-ayong pagsamahin ang ISA at Scarlet kahit magkatulad ang layunin ng mga ito.
Bukod sa ISA at Scarlet, pareho ring hangad ng Red Cross Youth Council at Lingkod E.R. ang pagbibigay-lingkod tuwing may sakuna.
Ang Red Cross ay sinimulan noong 1937 upang magkaroon ng response team na mamumuno sa mga hindi inaasahang sakuna at disgrasya sa Unibersidad. Maliban pa sa paglikom at pagbibigay ng dugo sa mga nangangailangan, mayroon din silang mga community projects, crisis management, nursing, at mga adhikain para sa mga partner communities.
Para kay Peter Yuosef Rubio, Red Cross auditor, walang pinapanigan ang Red Cross pagdating sa mga usapin tungkol sa pag-o-overlap ng mga organisasyon.
Samantala, ang Lingkod E.R. naman ay isang independent na organisasyong naglalayong paigtingin ang kaalaman ng mga estudyante ukol sa kahandaan sa mga sakuna at mga health awareness program.
Ayon kay Rocette Francisco, isa sa bumubuo ng Lingkod E.R., kakaiba ang grupo nila kumpara sa mga iba pang organisasyon.
“Nagdu-duty kami sa mga clinical room, nagle-lend ng services, at tumutulong sa mga nars, tinuturuan ang mga ibang college, at mas nagfo-focus kami sa prevention,” ani Francisco.
Iginiit naman ni Chua na kaya pa namang pamahalaan ang mga organisasyong ito.
“The thing is people can always organize, but the question is that whether we are going to recognize them or not. That is the issue. As long as it is manageable, we would recognize the organization,” aniya.
Ayon naman kay Jan Michael Borja, pangulo ng Student Organizations Coordinating Council, hindi matatawag na overlapping ang pagkakaroon ng mga magkakatulad na organisasyon. Bawat ito ay dumadaan sa napakahalagang proseso bago aprubahan ng OSA.
“Mayroon silang kani-kaniyang mission at vision noong nagpa-recognize sila. They wanted to be a recognized organization independent of another,” ani Borja.
Dagdag pa niya, hindi na dapat pagsamahin pa ang mga organisasyong gaya ng ISA at Scarlet. “Mayroon silang kani-kaniyang ipinaglalaban. Kaya sila nandiyan kasi iba sila sa isa’t isa.” John Joseph C. Basijan and J. C. R. Obice