PINATUNAYAN ng mga kabataang Pilipino ang kanilang nag-uumapaw na pananampalataya kay Hesus sa pakikilahok sa lokal na pagdiriwang ng World Youth Day.

Taglay ang temang “Go and make disciples of all nations,” nagtipun-tipon ang humigit kumulang 5,000 na Katolikong Pilipino sa “World Youth Day Rio to Cubao 2013” sa Ateneo Blue Eagle Gym noong Hulyo 27 at 28. Ito ang lokal na pagdiriwang ng ika-28 na World Youth Day (WYD) na ginanap naman sa Copacabana Beach, Rio de Janeiro, Brazil na nagsimula noong Hulyo 23.

Sa homiliya ni P. Daniel Sta.Maria, kura-paroko ng Parish of the Hearts of Jesus and Mary, nanawagan siya sa kabataan na mas pagtibayin pa ang personal na ugnayan kay Hesus.

Hinamon din ni Sta. Maria ang mga kabataan na palalimin ang relasyon kay Kristo at ipalaganap ang mga karanasan sa nasabing pagdiriwang.

“Ito ang gustong mangyari ng Simbahan sa ating buhay na mas lalo nating pag-igtingin ang pakikipagkaibigan kay Hesus,” ani Sta. Maria.

Mga ‘tagahubog ng kinabukasan’

Ayon naman kay Bishop Joel Baylon, tagapangasiwa ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Youth (CBCP-EYC), ang mga kabataan ang sandigan ng pananampalataya at hinaharap.

“Si Blessed John Paul II ang nagpasimula ng tradisyon ng pagsasama-sama ng mga kabataan sa mundo dahil nakita niya sa mga kabataan ang paghahangad sa Panginoon at kakayahang ibahin ang mundo,” ani Baylon sa isang e-mail interview sa Varsitarian.

Dagdag ni Baylon, isa sa 350 delegado ng Pilipinas sa Rio de Janeiro, tinawag ni Papa Francisco ang kabataan mula sa iba’t ibang panig ng mundo upang ipahayag ang pananampalataya sa Panginoon.

READ
Global survey: Filipinos closely adhere to Church's moral position

Pinatotohanan din ng mga nagsidalo na ang bawat isa ay instrumento sa pagpapalaganap ng pananampalataya.

Pananampalataya sa makabagong panahon

Inamin ni Baylon ang kakulangan sa kaalaman at aktibong partisipasyon ng mga kabataan sa turo ng Simbahan.

“Ayon sa dokumento sa 2nd Plenary Council of the Philippines, nasa 80 porsiyento ng mga Katolikong Pilipino ay maituturing na ‘unchurched,’” ani Baylon.

Ginawang halimbawa ni Baylon ang mga Katolikong bibihira lamang dumalo ng banal na Eukaristiya.

“Kulang ang kanilang kaalaman sa mga turo ng Simbahan,” ani Baylon.

Naaapektuhan ng negatibong mentalidad at ideya ang pananampalataya nila, aniya.

“Ayon kay Pope Emeritus Benedict XVI, ang ‘dictatorship of relativism’ ay sumisira ng mentalidad ng mga mananampalataya. Mga ‘materialistic value’ ang nag-iimpluwensya sa utak ng mga Katoliko at humuhubog sa karakter at pagtingin ng kabataan sa buhay,”

Gayunpaman, pinabulaanan ni Baylon ang pagbagsak ng pananampalataya ng kabataang Katoliko kasabay ng pag-usad ng makabagong panahon.

“Naniniwala ako [na may] pagbaba ng espiritwalidad ng Katolikong Pilipino ngunit, sa loob ng walong taon kong pangangasiwa sa CBCP-ECY, marami akong nakitang kabataang Katoliko na lumalago sa pananampalataya at nananatiling matatag sa kanilang relihiyosong paninindigan. Makikita mo ang ligaya nila sa paglilingkod sa Simbahan,” ani Baylon.

Malaki ang naitutulong ng modernong teknolohiya sa pagpapalaganap ng Katolisismo sa bansa, dagdag niya.

“Ang modernisasyon ay makatutulong sa mga kaganapan ng Simbahan upang maipalaganap ang Salita ng Diyos sa buong mundo, katulad ng paggamit ng ‘Twitter’ ng Santo Papa.”

WYD sa Rio

Sa kabilang banda, ipinagdiwang ng humigit-kumulang na 3,200,000 na mananampalataya ang World Youth Day sa Brazil.

READ
Galskap

Hinimok ng Santo Papa ang mga kabataan na ibahagi sa kanilang pag-uwi ang kanilang karanasan.

“Sharing the experience of faith, bearing witness to the faith, proclaiming the Gospel. This is a command that the Lord entrusts to the whole Church, and that includes you,” pahayag ng Santo Papa.

Naganap ang unang World Youth Day noong 1986 sa Roma. Idineklara ito kasabay ng pagtatapos ng Holy Year of Redemption noong 1984 sa panguguna ni Blessed John Paul II.

Idinaos ang pagdiriwang sa Maynila noong 1995 at nag-ipon ng limang milyong katao, ang pinakamaraming dumalo sa kasaysayan ng okasyong ginagawa isang beses sa tatlong taon.

Ayon kay Papa Francisco, sa Krakòw, Poland ang susunod na pagdarausan ng WYD sa 2016.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.