DINIG sa buong paligid ang paghampas ng mga sanga ng mga nagsisilakihang puno na nakapalibot sa parke na wari’y ipinagtatanggol ang mga bagong gawang upuan. Sa paligid, iba’t ibang klase ng halaman at bulaklak ang namumukadkad. Marahil, ang patay-sinding bombilya ng poste na lamang ang luma sa parke, naisip ni Angelo habang pinagmamasdan niya ito.

“Kailangan na sigurong palitan ‘yan,” sambit ng isang boses mula sa likuran.

Kinilala ni Angelo ang tinig ¯malalim at medyo paos. Hindi na niya sana ito papansinin; baka isa lamang sa mga pulubing nagpapalipas ng gabi sa naturang parke.

“Matagal ka na ring hindi napapadalaw dito, kumusta na?”

Nilingon ni Angelo ang tinig. Akmang pababa sa lumang bisikleta ang isang matandang lalaki na tila malayo pa ang pinanggalingan sa bilis ng paghinga nito. Masusing pinagmasdan ni Angelo ang matanda habang iniisip niya kung sino at saan niya ito nakilala. Bahagyang nakatago sa dilim ang mukha nito subalit nang lapitan niya si Angelo, unti-unting nakilala niya ito sa tulong ng kaunting kislap na galing sa ilaw.

“Mang Nilo?”

Bahagyang ngumiti ang matanda habang papalapit ito sa kanya. Biglang nagliwanag ang alaala ni Angelo. Siya nga ang matanda na matagal nang hindi niya nakikita mula nang umalis siya. Nakita ni Angelo na may dala itong bombilya.

“Simula nang umalis ka, marami nang nagbago,” kuwento ni Mang Nilo.

Habang nagkukuwento ang matanda, hindi napigilan ni Angelo maalaala ang nakalipas. Ayaw na sana niya itong balikan ngunit nakabaon na ang nakalipas sa kanyang pagkatao. Alam niyang mananatili ito habambuhay.

“Angelo,” narinig niya ang kanyang pangalan habang unti-unting bumulusok sa kanyang alaala ang tagpo ng nakaraan.

Pinagmasdan niya ang babaeng pinanggalingan ng sigaw: ang mahabang buhok nito’y tinatangay ng hangin, ang mahinhin niyang pagtakbo at ang kagandahang bumabalot sa kanyang buong pagkatao. Unti-unting bumilis ang tibok ng kanyang puso habang papalapit ito.

“Kanina ka pa ba?” tanong ng humingal na Jasmin. “Hindi nila ako pinayagang makipagkita sa iyo kaya…” naputol ang pagpapaliwanag niya ng makitang iniabot ni Angelo ang isang liham. Biglang napaluha si Jasmin at hindi na nagawang basahin pa ang sulat.

“Tuloy na ba ang pag-alis mo?” pahikbing tanong nito. Tahimik na tumango si Angelo at tumingin kay Jasmin. Kagat-kagat nito ang labi na tila may gustong sabihin habang tulalang nakatingin sa malayo at niyayakap ang sarili.

Biglang kumidlat at kumulog, na sinundan ng pagbuhos ng ulan. Pati ang langit ay nakidalamhati sa kalungkutang nadama ng dalawa. Nanatili silang nakatayo sa kinalalagyan samantalang ang lahat ng mga tao sa parke ay nagsisitakbo sa pinakamalapit na silungan. Naramdaman na lamang ni Angelo na niyayakap niya ang tanging babaeng nagpatibok sa kanyang puso.

READ
Instruction on Prayers for Healing

Nais niya sanang lunurin na lamang ng ulan ang mga luhang pumapatak sa mata niya upang maitago kay Jasmin. Pupunasan na sana niya ang mga patak ng luha nang biglang hinugot ni Jasmin ang dala-dalang panyo upang punasan ang mga ito.

“Iho umaambon na, baka magkasakit ka sa ginagawa mo,” sambit ni Mang Nilo. Bumalik si Angelo sa kasalukuyan. Nagmamadali itong lumapit sa kinalalagyan ng kanyang bisikleta upang kunin ang kapoteng nakasingit sa upuan nito.

“Hindi ka pa ba sasabay?” pahabol na tanong ng matanda.

Dali-daling tumayo sa kinauupuan si Angelo at ipinatong ang dala nitong panyo sa ulo. Umangkas siya sa likurang bahagi ng bisikleta ni Mang Nilo.

“Hindi pa rin po kayo nagbabago,” sambit ni Angelo. ” Malakas pa rin kayo gaya ng dati.”

Natawa si Mang Nilo habang tinatahak nila ang daan pauwi sa bahay ng binata. Unti-unting lumalakas ang pag-ambon kaya binilisan ng matanda ang pagpadyak. Hindi mapigilan ni Angelo na suwayin ang matanda dahil sa bilis ng takbo nito.

“Huwag n’yo hong masyadong bilisan, baka mahulog tayo sa kanal,” pabirong sambit niya.

Natawa ang matanda sa sinabi ni Angelo. Masayang nagku-kuwentuhan ang dalawa nang biglang tangayin ng hangin ang panyong nakapatong sa ulo ni Angelo. Tumigil ang bisikleta; dali-daling bumaba si Angelo upang kunin ang nahulog na panyo.

Akmang kukunin niya ang puting panyo nang makita niyang nasa harapan pala siya ng bahay nina Jasmin. Madilim, tahimik, at walang kabuhay-buhay. Matagal na raw itong nilisan ng pamilya ni Jasmin ayon sa mga nakakuwentuhan niya. Napag-alaman niyang usap-usapan sa buong bayan ang biglaang pag-alis ng kanilang pamilya.

Mula noong bata pa siya, laging napapadaan si Angelo sa bahay na iyon. Halos nakakalaro niya ang lahat ng mga bata sa kanila, maliban sa batang babae na nakatira sa bahay na iyon na marahil siyang dahilan kung bakit gusto niya itong makilala.

Matagal na panahon bago niya tuluyang makilala ang babae. Mailap sa mga tao kaya nahirapan si Angelo na gumawa ng paraan upang makipagkaibigan sa kanya. Ngunit naging mabait ang tadhana.

Naging kaklase niya si Jasmin. Sa murang edad, nakadama ng kakaibang pagtingin si Angelo sa bagong kaibigan. Mula noon, bago pumasok sa paaralan, inabangan muna nito ang paglabas ni Jasmin sa bakuran at kunwari’y mapapadaan ito upang masabayan lang sa pagpasok. Nais sanang ihatid ni Angelo si Jasmin pagkatapos ng klase subalit sinusundo ito ng kanyang nanay kaya walang siyang magawa kundi ang umuwing mag-isa o di kaya’y makisabay kay Mang Nilo na palagi namang dumadaan sa bahay nila.

READ
UST sites declared 'National Treasures'

Sumagi sa isipan nito ang isang tagpong hinding-hindi niya makakalimutan. Iniangat ni Angelo ang ulo matapos siyang ipagtulakan palabas sa bahay na iyon at nakita niya si Jasmin na akmang sasampalin ng kanyang ama. Pinilit tumayo ng binata upang mapigilan ang gagawin ng ama ni Jasmin ngunit huli na. Bakas ang kamay ng ama ni Jasmin sa mukha nito, magpapatunay kung gaano kabigat ang tinitiis ng kanyang minamahal, maipaglaban lamang ang pagmamahalan nila.

Kung hindi lang sana siya nagpalipas ng gabi sa bahay nila, malamang hindi mangyayari iyon. Matapos ang masayang gabi na kanilang pinagsaluhan, umaalingawngaw sa kanyang tainga ang sigaw at iyak ni Jasmin habang kinaladkad siya papasok sa bahay. Ang pagbagsak ng pinto ang huling nasaksihan ni Angelo. Napaluhod siya habang isinisigaw ang pangalan ng mahal.

“Bubuhos na ang ulan, maghihintay ka na lang ba diyan?” tanong ni Mang Nilo habang nakatingin sa madilim na langit.

Dali-daling tumayo si Angelo at ibinulsa ang basang panyo. Sumakay siyang muli sa likuran ng matanda habang tinatanaw nito ang bakanteng bahay. Dinig na dinig sa buong paligid ang paghawi ng mga sanga ng mga puno sa daan. Ang ilaw sa mga kabahayan ay unti-unti nang pinapatay, hudyat na lumalalim na ang gabi.

“Hindi mo pa rin siya nakakalimutan,” biglang sambit ni Mang Nilo. “Matagal ka niyang hinintay sa parke,” dagdag niya.

Nagulat si Angelo sa narinig. Halos walang hanging lumabas sa kanyang paghinga. Kagat-kagat nito ang labi. Batid ng matanda na kung maibabalik lang sana ni Angelo ang nakaraan ay hindi niya iiwan ang katipan. Saksi sa pagmamahalan ng dalawa ang matanda sapagkat siya ang tagahatid ng mga sulat ng dalawa at kung minsan naman ay tagasundo sa babae kung sila’y magkikita.

“Hindi na lang sana ako umalis,” bulong niya sa sarili. Gusto niya itong sabihin kay Jasmin subalit hindi na maaari, wala na ang kanyang mahal. Bigla niya itong naramdaman na tila siya ang dahilan ng lahat.

“Huwag mong sisihin ang sarili mo,” sagot ng matanda na tila narinig ang sinabi ni Angelo at ang iniisip nito.

“Maraming puwedeng mangyari sa loob ng mahabang taon. Bata ka pa, marami pang pagkakataon,” payo ng matanda.

Nakaramdam ng galit si Angelo sa sinabi ng matanda. Hindi nito napigilan ang sarili at bumaba siya sa bisikleta. Nagkataon na sa harap ang isang malaking puno ng mangga siya nahinto. Hindi niya napigilan ang sarili at pinagsusuntok ng buong lakas ang puno habang galit na galit na isinisigaw ang sakit ng damdamin.

READ
'V' alumni hold key gov't positions

“Kung alam ko lang sana, hindi na ako umalis!” himutok ni Angelo.

Natigilan si Mang Nilo. Nais sana niyang pigilan sa pagwawala si Angelo subalit alam niya ang sakit na nadarama ng binata. Nagdurugo na ang mga kamao ni Angelo sa pagsuntok sa katawan ng puno, ngunit patuloy pa rin ito. Hanggang sa napaluhod ito sa harap ng puno. Umiiyak at humihikbing tila isang bata.

Ngumiti si Mang Nilo.

“Bata ka pa nga,” pabirong sabi nito habang tinulungan siyang tumayo. Hindi niya namalayang napa-upo pala siya sa basang lupa.

“Kailangang maka-uwi ka na, baka umiiyak na ang anak ninyo,” dagdag ng matanda.

Napatingin si Angelo sa mata ni Mang Nilo. Nakita niya ang kakaibang katatagan sa mata ng matanda. Ipinagpalit ng asawa, iniwan ng mga anak, walang katuwang sa buhay maliban na lang sa mga kaibigan at kapitbahay nito. At ni minsan, hindi sinisi ng matanda ang sarili. Nagpatuloy pa rin ito sa kanyang gawain at nanatiling matatag.

Gumaan ang pakiramdam ni Angelo. Naisip niyang walang mangyayari kung sisisihin lamang nito ang sarili. Maglilimang taon na ang nakakaraan mula nang pumanaw si Jasmin sa panganganak. Magpapakasal na sana sila subalit may ibang balak ang tadhana.

Plano sana niyang tapusin muna ang pag-aaral sa Maynila at magtrabaho ng panandalian upang mabigyan ng magandang buhay ang pamilyang bubuuin. Buong akala niya na hindi ito nakabuti sa kanya, subalit sa pag-angkas niya sa lumang bisikleta ni Mang Nilo, naisip niyang ang desisyong iyon ang tutulong sa kanya upang mapabuti ang buhay ng nag-iisang alaalang iniwan ng kanyang mahal.

Pagdating nila sa tapat ng kanilang bakuran, nagpaalam si Angelo sa matanda at nagpasalamat. Sinalubong si Angelo ng kanyang nanay na siyang nag-alaga kay Jasmin nang pinaalis at tuluyang iniwan siya ng magulang nang nalamang buntis at nawawala ang ama ng batang dinadala niya sa kanyang sinapupunan. Siya rin ang tumayong pangalawang ina ng kanilang anak.

“Kanina ka pa niya hinahanap,” salubong ng kanyang nanay sabay abot sa kanya ng bote ng gatas.

Hinagkan ni Angelo ang kanilang anak na ikinatigil sa pag-iyak nito. Mula sa repleksiyon sa mga mata ng bata, kitang-kita ni Angelo ang walang hanggang pag-ibig na nadama nito sa piling ni Jasmin. Dahan-dahang hinugot ni Angelo ang panyong nakasilid sa bulsa nito at pinunasan ang mga luha sa pisngi ng bata.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.