BUMABA sa ikalawang puwesto ang Unibersidad sa listahan ng top-performing schools sa katatapos na physician at physical therapy licensure examinations, habang tumaas sa ikalawang puwesto ang UST sa nursing licensure examinations.
Nagtala ng 99.73 passing rate ang Unibersidad matapos pumasa ang 371 sa 372 na Tomasino na kumuha ng exam sa medisina. Samantala, tatlong Tomasino ang nakapasok sa top 10—mas kaunti kumpara sa bilang noong nakaraang taon.
Pumangatlo sa pagsusulit si Sharlene Marie Lao (87.92 porsiyento), kapantay ang isang estudyante mula sa University of the Philippines (UP)-Manila, habang nakamit nina Caroline Bernadette King Kay (87.58), at Mark Lester Sy (87.50) ang ikaanim at ikapitong puwesto.
Noong nakaraang taon, hinirang na top-performing school sa medisina ang UST matapos makakuha ng passing rate na 99 porsiyento, kung saan 361 mula sa 365 ang mga Tomasinong pumasa.
Nagtala ng 100 porsiyento ang mga nangunang top-performing schools ngayong taon, ngunit ‘di hamak na mas kaunti ang bilang ng mga kumuha ng pagsusulit mula sa mga paaralang ito. Ang Cebu Institute of Medicine ay mayroon lamang 50 examinees, habang ang UP-Manila ay mayroon lamang 144.
Mas mataas ang national passing rate ngayong taon sa 75.32 porsiyento, kumpara sa 69.43 porsiyento noong nakaraang taon. Sa 2,131 na kumuha ng pagsusulit sa buong bansa, 1,605 lamang ang pumasa.
Para kay Ma. Graciela Gonzaga, dekana ng Faculty of Medicine and Surgery, masaya siya sa naging resulta ng physician licensure examinations.
“I’m happy because we have maintained the 99.7 percent. You know, when you are an administrator, you’re more after the passing rate of the students in general because that’s a reflection of the system of education that our students get from the Faculty of Medicine and Surgery,” ani Gonzaga. “They only got 99.73 percent [because] there were two repeaters and unfortunately, one of them didn’t make it.”
Pumangalawa naman ang UST sa mga top-performing schools sa nursing licensure examination noong Hulyo, kung saan nakakuha ito ng mas mataas na marka kumpara noong nakaraang taon.
Nagtala ang Unibersidad ng 99.79 porsiyentong passing rate. Isa lang sa 469 na kumuha ng pagsusulit sa nursing ang ‘di pumasa.
Mas mataas ang porsiyentong nakuha ng UST ngayong taon kumpara sa 99.34 porsiyentong passing rate noong nakaraang taon, kung saan pumangatlo lamang ang UST sa listahan ng mga top-performing schools sa bansa. Tatlo sa 454 na kumuha ng pagsusulit noong nakaraang taon ang ‘di nakapasa.
Kahit pumangalawa lang sa ranking, mas mataas pa rin ang bilang ng mga bagong nars mula sa UST kumpara sa mga paaralang nakakuha ng 100 porsiyentong passing rate.
Ang mga nanguna sa ranking ay ang Cebu Normal University na mayroon lamang 181 examinees, West Visayas State University-La Paz na mayroong 161 examinees, at UP-Manila na mayroong 57 examinees.
Samantala, 18 Tomasino ang nakapasok sa Top 10 ng pagsusulit sa nursing.
Nakuha ni Hazel Crisosotomo at Beverly Lynne Ong ang ikalawang puwesto matapos magtala ng 87.40 porsiyentong marka, habang ikalimang puwesto naman ang nakuha nina Mary Bianca Dorren Ditching at Channel Pauline Luciano na kapwa nakakuha ng 86.80. Ikaanim sa listahan si Princess Samantha Buban (86.60 porsyento), ikapito si Amparo Marie Bayongan (86.40), at ikawalo sina Lora Jarabelo at Jan Joel Simpauco (86.20).
Tabla naman sa ikasiyam na puwesto sina Paolo Andrade, Maria Katrina Capellan, Emmanuel Debuque, Katherine Flores, at Royce Jasper Ong (86.00 porsiyento), habang nasa ika-sampung puwesto naman sina Christine Corintha Almora, Glorai Isabel Baltazar, Ma. Ronaillane Bello, Kelci Mae Francia, at Sarah Agnes Mary Lim (85.80 porsiyento).
Bahagya namang tumaas sa 48.01 porsiyento ang national passing rate matapos makapasa ang 37,513 sa 78,135 na kumuha ng board exams. Noong nakaraang taon, 41.40 porsiyento ang national passing rate kung saan 37,679 lang ang pinalad na makapasa sa 91,008 na kumuha ng pagsusulit.
Samantala, nakakuha ng 93.24 passing rate ang Unibersidad, o 69 na pasado mula sa 74 na kumuha ng pagsusulit, sa nutritionist-dietitian board exams—mas mataas kumpara sa 93 porsiyento noong nakaraang taon.
Sa naturang pagsusulit, bumaba ang kabuuang passing rate ng bansa sa 66.97 porsiyento mula sa 70.4.
Pasok sa top 10 ang mga Tomasinong sina Riz Ivana Teng (ikaanim na puwesto) na nakakuha ng 84.95 porsiyento, kapantay ang isang mag-aaral ng UP-Diliman at si Johanna Lois Pinca (ika-siyam na puwesto) na nagtala ng 84.70 porsiyento.
“Ang gusto nga sana namin ay 100 percent, pero masayang-masaya na rin kami. At least, dalawa lang [mula sa UST] ang hindi pinalad na makapasa,” ani Christina Sagum, tagapangulo ng Department of Nutrition and Dietetics.
Aniya, kabilang sa kanilang ginawang paghahanda para sa pagsusulit ang “enhancement program,” kung saan nag-imbita ang College of Education ng mga dalubhasa upang ihanda ang mga mag-aaral bago pa man sila pumasok sa mga review centers.
Dagdag pa ni Sagum, hinahangad pa rin nilang maging top-performing school, kaya balak nilang pagbutihin ang nasabing enhancement program upang makatulong sa mga mag-aaral na walang kakayahang pumasok sa review centers.
Samantala, sumadsad naman ang passing rate ng UST sa physical therapy board exams, sa 86.08 mula 97 porsiyento noong nakaraang taon. Noong isang taon, hinirang ang UST na top-performing school. Ngayong taon, pumangalawa lamang ang UST sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.
“Maganda ang naging resulta ng mga pagsusulit, ngunit medyo hindi kami kuntento sa kinalabasan,” ani Jocelyn Agcaoili, dekana ng College of Rehabilitation Sciences (CRS).
Dagdag pa ni Agcaoili, mas maayos sana kung mas mataas na marka ang nakuha ng Unibersidad sa physical therapy board exams. Ngunit nilinaw niya na ang buong kolehiyo ay nasiyahan sa apat na Tomasinong nakapasok sa top 10.
Ayon kay Karen Ontangco, kalihim ng kolehiyo, walang naging pagkukulang ang CRS sa paghahanda sa mga kumuha ng pagsusulit.
“Holistic ang approach ng edukasyon sa UST. Hindi lamang natin sila inihahanda para sa board exams. Inihanda rin sila para maging full-time practitioners,” ani Ontangco.
Bahagyang tumaas sa 52.16 ang national passing rate sa physical therapy mula sa 47 porsiyento noong nakaraang taon, kung kailan 458 ang pumasa mula sa 878 na kumuha ng pagsusulit.
Nakapasok sa top 10 ang mga Tomasinong sina Romeo Cyril Paguyo Jr. sa ikalawang puwesto (85.45 porsiyento), Joann Teh sa ikalimang puwesto (84.60), Lauren Rivera sa ikaanim (84.25), at Kristina Devora sa ikasiyam (83.80).
Sa kabilang banda, tumaas naman ang passing rate ng UST sa occupational therapy boards sa 58.82 porsyento mula 49 noong nakaraang taon. Ngunit walang pinalad na makapasok sa top 10. Tatlumpu mula sa 51 na Tomasinong kumuha ng exam ang pumasa.
“Kahit nagbago ng board of examiners ang Professional Regulation Commission sa exam, mahigit sa kalahati ng mga pumasa sa occupational therapy sa buong bansa ay mga Tomasino,” ani Agacoili.
Tumaas sa 45.28 porsiyento ang national passing rate sa occupational therapy, kumpara sa 37 porsiyento noong nakaraang taon, kung saan 48 lamang ang pinalad na makapasa mula sa 106 na kumuha ng exam. Reden D. Madrid, Daphne J. Magturo, at Bernadette D. Nicolas