ISANG sinaunang epiko ng mga Hindu na sa pagkakataong ito ay nabigyan ng tatak Filipino nang salaminin nito ang pagkakabuklod-buklod ng mag-anak.

Ito ang mahihinuha ng sino mang babasa ng Sibago (UST Publishing House, 2009) ni Abdon Balde Jr., isang inhinyero at kilalang Bikolanong manunulat. Ang Sibago ang ikawalo at pinakabagong aklat na isinulat ni Balde.

Ang nobela ay umiikot sa karakter ni Janu, tsuper ng isang commuter van na kaniyang nabili mula sa paghahanapbuhay sa ibang bansa. Nang maging pasahero niya ang magkasintahang sina Kumar na isang Nepali, at ang Filipinang si Liza, dito na nagsimula ang paglalakbay ng tatlo sa kanilang mala-Ramayanang tadhana.

Ang Ramayana, isang sinaunang epiko ng mga Hindu, ay tungkol sa prinsipe ng kaharian ng Ayodhya na si Rama at sa kaniyang asawang si Sita na dinukot ng halimaw na si Ravana. Sa tulong ng mga diyos na sina Hanuman at Garuda, sinagip ni Rama si Sita at pinatay ang halimaw na si Ravana.

Ang epikong ito ay mistulang naulit sa nobela dahil sa paniniwala ni Kumar na siya ang sinugo upang sagipin ang dinukot na nakababatang kapatid ni Liza na si Sita.

Ang mga tauhan sa kuwento ay inihambing sa mga karakter ng epikong Ramayana, tulad ni Janu bilang Hanuman at si Kumar bilang Rama.

Sinasalamin ng akda ang iba’t ibang katangian ng pamilyang FIlipino— matatag, matibay at nagkakaisa, sa kabila ng isang matinding suliranin. Sa nobela, hindi nag-alinlangang sagipin ni Liza ang kaniyang kapatid na si Sita kahit peligroso ang sitwasyon dala ng kagustuhang pagbuklurin ang pamilyang matagal nang hindi nakapiling.

READ
A new-generation chef-preneur

Nang iniwan si Liza ng kaniyang kasintahang ‘bumbay’ sa Singapore, nakaranas siya ng matinding kasawian. Dahil dito, tiniyak niya na sa pagkakataong ito, muling mabubuo ang kaniyang itinuturing na mag-anak. Hindi man sila tunay na magkadugo ni Sita dahil ito’y kapatid niya lamang sa ama, itinuturing niya ni Sita bilang isang tunay na kapatid.

Ang akda ay nahahati sa marami ngunit maiikling kabanata, bagay na nakatutulong sa malumanay na transisyon ng mga pangyayari. Impormal ang ginamit na wika sa akda na angkop sa kontemporaryong konsepto nito.

Mahusay na naipakita ni Balde sa Sibago ang ilan sa mga suliranin ng mga Filipinong naghahanapbuhay sa ibayong dagat tulad ng pang-aabuso sa mga kababaihan at pagmamalupit ng kanilang mga amo.

Inilarawan sa nobela ang dalawang mukha ng pera— isa ay bilang panustos sa mga pangangailangan ng pamilya at ang isa ay isang bagay na maaaring makasira sa samahan ng mag-anak.

Bagaman madarama ng mambabasa ang tema ng pag-asa at pagmamahal para sa pamilya sa akda, mayroong mga tagpo na maituturing na maselan dahil sa kapusukan ng mga tauhan. Gayunpaman, ang mga tagpong ito ay nagpapatingkad sa katauhan ng mga karakter.

Nailarawan din ni Balde sa nobela ang magagandang tanawin na matatagpuan sa rehiyon ng Bikol, partikular na ang Donsol, Sorsogon. Ang mambabasa ay makadarama ng tila sabay na paglalakbay kasama ang mga tauhan sa akda dahil sa detalyadong paglalarawan sa bawat lugar patungong Donsol.

Ang may-akda ay gumamit ng lengguwaheng Filipino, Ingles, at Bikolano na nakatutulong sa pagpapalalim ng karakter ng tauhan. Ginamit ang Ingles dahil ito ang wikang pang-komunikasyon ng Nepaling si Kumar, Filipino naman ang sa bidang si Janu, samantalang Bikolano naman ang kay Liza.

READ
City Hall officials raid bars near UST Campus

Ngunit ang mga salita at ilang pangungusap na Bikolano ay maaaring maging hadlang sa pag-unawa ng mga mambabasa na hindi bihasa sa wikang ito.

Nakawiwili basahin ang nobelang Sibago dahil sa mga komikong komento ng bida, maaksyong kasukdulan, at mga bagong impormasyong matututunan sa kultura ng bansang Nepal.

Sa kabuuan, naging matagumpay ang Sibago ni Abdon Balde Jr. sa pagsasalaysay ng isang kuwentong Filipinong puno ng pag-asa sa kabila ng mga suliranin. At tulad ng epikong Ramayana, mababatid ang mensaheng may isang Hanuman at Garuda ang handang tumulong sa bawat isa sa atin sa oras ng pangangailangan.

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.