ISANG natatanging pagkilala ang iginawad hindi lamang para sa isang organisasyon, kundi pati sa mga Tomasinong tagapagtaguyod ito.
Kinilala ang Linangan ng Imahen, Retorika at Anyo (Lira) bilang isa sa Ten Accomplished Youth Organizations (Tayo) noong Oktubre 27 sa Heroes Hall ng Malacañang. Ang Lira ay ang pinakamatandang grupo ng mga makatang Filipino at ang kauna-unahang organisasyong pampanitikang napabilang sa naturang patimpalak.
Tinanggap ng pangulo ng Lira na si Philip Kimpo Jr. ang parangal mula kay Pang. Benigno Aquino III dahil sa naipamalas nitong “volunteerism and citizenship” na dala ng kanilang mga proyekto sa kanilang napanghahawakang komunidad, ng pagkamalikhain, pag-unlad at katatagan ng mga proyekto nito, at maging ang mga pinagkukunan nito ng materyal.
Ang pangunahing proyekto ng Lira na tinatawag na “National Literary Education” ay naglalayong magturo ng panitikan sa mga guro, mag-aaral, at sa mga nagnanais na maging manunulat. Nilalayon din nitong turuan ang mga kabataan na makilahok at maging epektibong tagapaghatid ng impormasyon, sa pamamagitan ng pagiging mamamahayag, blogger, nobelista, o makata.
Ayon kay Louie Jon Sanchez, public relations officer ng Lira, hindi maikakailang malaki ang impluwensiya ng mga Tomasino sa naturang organisasyon.
“Dalawa sa mga pundasyon ng Lira—sina Vim Nadera at Gerry Banzon—ay mula sa UST. Ilan sa mga unang kasapi nito ay mga Tomasinong gaya nina Michael Coroza, Roberto Añonuevo, Rebecca Añonuevo, at Teo Antonio, na isa sa aming mga senior member at adviser. Ang kasalakuyang Lira workshop din ay pinamamahalaan ng tatlong Tomasino na sina Ynna Abuan, Debbie Nieto, at ako,” aniya.
Ang Lira ay itinatag ni Virgilio Almario noong 1985 upang paunlarin ang estado ng panulaan sa bansa. Kabilang sa mga unang kasapi ng organisasyon sina Coroza, Ariel Borlongan, Romulo Baquiran Jr., Jim Libiran, at Jerry Gracio.
Para kay Nadera, hindi niya malilimutan ang mga masasayang tagpo kasama si Almario.
“Ang pinakamakasaysayan sa lahat ay ang pag-anyaya sa amin ni G. Almario sa tulong ng kaniyang emisaryo na si G. Mike Bigornia. Pinalad akong maging Makata ng Taon noong 1985 at pagkatapos ng seremonya ng paggagawad, doon ako inimbitahan—kasama ang pumangalawang si Edwin Abayon at pumangatlong si Borlongan—para sa Rio Alma Poetry Clinic,” aniya.
Malaki rin ang naitulong ng Lira sa napiling larangan at personal na buhay ni Nadera, partikular sa kaalaman ukol sa kasaysayang pampanitikan ng bansa. Ayon sa kaniya, mas naging ekstensibo ang kaniyang pagtingin sa mundo ng katutubo, tradisyonal, at modernong pagtula.
“Bago makapagsulat ang isang makata ng isang ‘personal’ o ‘politikal’ na tula, titiyakin ng Lira na ito ay maging isang ganap na tula muna,” ani Nadera. “Oo, ang tuon ng pansin ng Lira ay ang sining ng pagtula. Kung baga, inaayos muna ng Lira ang inyong sisidlan, bago ka nito lagyan nang lagyan ng iba’t ibang laman. Anyo—kabilang ang imahen at retorika—bago ang nilalaman.”
Ginunita naman ng makatang si Rebecca Añonuevo ang kaniyang mga kawili-wiling alaala noong siya ay nasa naturang organisasyon.
“Workshop ang memorable parati para sa mga fellow at nahirang na miyembro. Sa workshop ay umuupo at tumututok si G. Almario at pinagtitiyagaan na basahin ang tula ng mga baguhan, at nagbibigay ng mungkahi. May libre pang lektyur na nagbabalik sa kasaysayan at tradisyon ng pagtula sa Filipino. Malaking tulong para sa mga kabataang gusto talagang matuto ng pagsulat ng tula,” ani Añonuevo.
Ang iba pang nanalo ng Tayo ay ang mga organisasyong Industrial Engineering Council of Cebu Institute of Technology University, Youth Solidarity for Peace-Peace Advocates Zamboanga, Association of Locally-Empowered Youth in Northern Mindanao, Alyansa ng mga Kristiyanong Mag-aaral-Responsable nga Balikatan han mga Kabataan (Akma-Resbak), Indak Kabataan Youth Organization; University of the Cordilleras-Hapiyoh’ Mi Cultural Group, Young Mindanawans Peace Builders, Aklan Catholic College Junior Philippine Institute of Accountants, at Aquinas University of Legazpi’s Stage Sama-samang Tinig ng mga Aktor na Gumagalaw sa Entablado.