NITONG nakaraang linggo lumubog na naman ang ilang bahagi ng Pilipinas dulot ng Habagat na pinalakas ng bagyong Maring. Nakapanghihinayang ang sinapit ng bansa, ‘di lamang isang beses ngunit paulit-ulit pa. Ngunit mas nakapanghihinayang na ang pambili sana ng bayan ng salbabida ay nasa bulsa lamang ng iilan.
Habang ang bahang matagal nang suliranin ay hindi pa rin masolusyunan, patuloy namang yumayaman ang iba gamit ang pera ng bayan. Nasaan ang mga pondo na dapat ipinupundar sa mga proyektong makapagbibigay-solusyon sa walang humpay na baha? Bakit mayroon lamang isang amphibian truck ang Metro Manila na pinahihiram pa sa ibang probinsiya sa kasagsagan ng Habagat? Nasibak ang isa at dalawang direktor na ng Pagasa ang nagbibitiw sa puwesto simula noong 2010, ni hindi makabili ng disenteng mga kagamitan para sa weather forecasting ang pamahalaan. Mistulang scapegoat ang pamunuan ng Pagasa sa mga maraming nasawi at pamilyang nawalan ng bahay at kabuhayan dahil sa bagyo’t kalamidad pero alam nating lahat ang tunay na salarin: Ang gobyernong binubulsa ang salapi ng bayan!
May kilalang kasabihan na nagsasabing “malaki ang inaasahan sa isang taong binibiyayaan.” Ngunit tila hindi maaaring maiangkop ito sa mga kongresista ng Pilipinas. Sa katunayan, mas bagay pang sabihing walang maaasahan sa kanila.
Kamakailan lamang ay naging mainit na usapin na naman ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) na mas kilala sa mapanirang bansag nitong “pork barrel.” Dulot ito ng mga kumakalat na balita ukol sa anomalya sa paggamit ng pork barrel ng ilang mga mambabatas mula sa Senado at Kapulungan ng mga Kinatawan (House of Representatives).
Matagal nang palaisipan kung paano nga ba ang kalakaran at paggamit ng pork barrel ng ilang mga mambabatas. Maraming nagsasabi pinopondohan nila, gamit ang pork barrel, ang mga non-government organizations (NGO) para sa mga proyekto na wala naman talaga, mga ghost project.
Base sa mga ulat, lumalabas na si Janet Lim-Napoles, isang negosyanteng nagmamay-ari ng isang kumpanya at ilang mga “NGO,” ang utak sa likod ng P10-billion pork barrel scam. Ayon ito sa paglalahad ng whistleblower na si Benhur Luy na sinasabing pinadakip ni Napoles mula Disyembre ng nakaraang taon hanggang noong Marso dahil sa balak niyang (Luy) tumulad kay Napoles.
Kasalukyang nagtatago si Napoles matapos maglabas ng warrant of arrest laban sa kaniya ang Makati Regional Trial Court.
Ang negosyo ni Napoles, ani Luy, ay ang pagsila ng mga buwis ng mga Pilipino kasabwat ang ilang mga mambabatas, lalo na sina Jinggoy Estrada, Bong Revilla, Gringo Honasan at Lito Lapid.
Hindi maipagkakaila na ubod nang yaman ang pamilya ni Napoles, at ayon sa mga kritiko, mahirap paniwalaan kung paano ang isang pamilyang dati’y mula sa payak na tahanan ngayo’y nagpapasasa sa mansyon sa Forbes Park at mahigit pang 20 magagarang tirahan sa loob lamang ng dalawang dekada.
Ngunit hindi tama na kay Napoles lamang mapunta ang mga paratang, bintang at galit ng sambayanan. Sa katunayan, higit na mas malala at mas kahiya-hiya ang mga kongresistang winawaldas ang mga pera ng mga Pilipinong araw-araw nagpapakahirap magtrabaho upang mapakain ang kanilang pamilya, mapag-aral ang mga anak, at nagbabayad ng buwis, na marahil hindi na nila pinapangarap na magkaroon ng maginhawang buhay; mabuhay lang sila’t kanilang pamilya, ayos na sa kanila.
Ano na lamang ang iisipin nila nang malaman nila na ang kanilang buwis ay napupunta lamang sa karangyaan ng ilang mga mambabatas at ilang mga tao.
Pinagkakalooban ang mga mambabatas ng pork barrel, langkap sa General Appropriations Act, upang pondohan ang mga proyekto nila para sa kanilang nasasakupan. Ngunit base sa realidad, hindi ito ang nangyayari.
Tama ang bagong pangulo ng Catholic Bishop of the Philippines na si Arsobispo Socrates Villegas sa pagpapahayag na dapat nang buwagin ang “pork barrel” dahil ito ay sanhi ng korupsiyon sa Kongreso.
Ayon kay Villegas, naging sistema na ng padrino ang gobyerono na dapat ay naglilingkod sa publiko.
Dapat din suportahan ang mga mambabatas na nagsusulong na buwagin na nga ang pork barrel, subalit mangilan-ngilan lamang sila. Karamihan sa kanila ay tiyak na nagpapabango lang.
Marahil ay may mabuti ring naidudulot ang pork barrel, lalo na sa pagpopondo ng totoo at henuwinong mga proyekto, ngunit napatunayan nang lamang na lamang ang negatibong epekto nito kaysa sa positibo. Dahil dito, marapat lamang na gawin na lang nila ang trabaho nila nang walang pork barrel sa sapagkat karamihan ng mga mambabatas ay hindi karapat-dapat pagkatiwalaan ng pera.
Nagsiwalat na ng saloobin si Pangulong Noynoy Aquino. Nais niyang alisin ang PDAF at ipasok ang pork barrel sa normal na budget appropriation procedure para iwaksi ang korupsiyon. Nais niyang alisin ang NGO bilang conduit ng mga pondo. Subalit nangangahulugan rin ito na maglalaan pa rin ang pamahalaan ng pondo para sa mga “pet project” ng mga mambabatas.
Isa pa’y maaring isumbat ng mga mambabatas na mismong ang Pangulo ay may sanlaksang “discretionary fund” na nagagamit niya bilang pork barrel. Alalahanin natin na noong kainitan ng salpukan sa Reproductive Health, tinukso ng Pangulo ang mga mambabatas na sumuporta sa panukala sa pamamagitan ng mga pangako na susuportahan niya ang mga proyekto nila. At tulad ng mga baboy na nakaamoy ng kanin-baboy, nagsunuran ang dalawang kapulungan ng Kongreso,
Kung may buwaya sa Kongreso, mayroon naman tayong kabayo sa Malacanang na mahilig sa “horse-trading.” Mapa-lehislatibo o ehekutibo, may asal hayop ang pamahalaan. At lahat sila binababoy ang mga tao. Mistulang animal farm ang ating gobyerno.
Dahil sa pork barrel scam, napag-isip-isip natin: Bakit nga ba bilyon-bilyon ang ibubuhos sa condom at contraceptives dahil sa isang panukala na pinagwawatak-watak tayo? Bakit hindi pondohan ng mga maka-RH na mambabatas ang panukala sa pamamagitan ng kanilang PDAF? Bakit hindi gamitin ng Pangulo ang discretionary fund niya para ilustay sa paborito niyang contraceptive, condom at Playstation?
Pero siyempre pa, salapi rin naman ng bayan iyon. Ang sarap talaga ng buhay ng mga pulitiko’t pinuno ng bayan! Maging korupsiyon o maging kapalpakan nila, suportado sila ng ating pawis at buwis!
Nakapaloob sa Konstitusyon ng bansa: “Public office is a public trust.” Kung hindi alam ito ng mga Kongreso at Malacanang, hindi sila karapat-dapat sa posisyon dahil walang duda na mas marangal pa ang isang baboy kaysa sa kanila.
Tanggalin ang Pork Barrel!…