LIBRENG matrikula para sa ilang guro sa mga pampublikong paaralan ang naging tugon ng Unibersidad sa kakulangan ng tao sa sektor ng Edukasyon ilang dekada matapos ang Rebolusyon.

Taong 1928 nagpatala sa UST upang kumuha ng ilang kurso ang kauna-unahang guro mula sa pampublikong paaralan. Gayumpaman, 1933 na nang ipatupad ng College of Education ang libreng pag-aaral para sa mga public school teacher. Ito ay matapos mapuna ng kolehiyo na mula sa isang guro noong 1928 ay naging 25 na ang enrolment noong 1932 ng mga gurong nagnanais pang mag-aral nang kurso sa Unibersidad.

Sa isang pahayag mula sa kolehiyo na inilathala sa Varsitarian, ang programa ay mula sa misyon ng UST na hubugin ang kalinangan ng mga guro ayon sa mga turo ng Simbahan. Naging matagumpay ang programa at tumaas ang bilang ng mga gurong galing sa mga pampublikong paaralan na nag-aaral sa College of Education.

Sa taon ding iyon, itinatag ang Public School Teachers’ Association of the University of Santo Tomas.

Tomasino siya

Alam n’yo ba na isang Tomasino na doktor ang kauna-unahang Filipino na nakatanggap ng Heritage Hall of Fame Award sa Estados Unidos?

Ginawaran ng International Institute of Metropolitan Detroit si Jose Limjoco Evangelista, nagtapos ng kursong B.S. Pre-Medicine at Zoology sa Unibersidad noong 1963.

Ang parangal ay ibinibigay lamang sa mga taong nagkaroon ng malaking kontribusyon sa mga mamamayan ng Estados Unidos.

Nagtapos si Evangelista na summa cum laude sa kaniyang undergraduate degree at pangulo ng graduating class sa Faculty of Medicine and Surgery noong 1968.

READ
How gene sequencing technology can check rise of sexual diseases

Unang pumasok si Evangelista bilang intern sa Columbus-Cuneo Medical Center, Chicago, Illinois at Sinai Hospital and University of Illinois. Nagtrabaho siya sa iba pang mga ospital sa Amerika tulad ng Wayne County General Hospital at St. Joseph Mercy Hospital sa Michigan.

Dahil sa kaniyang angking galing at dedikasyon sa propesyon, siya ay inihalal bilang pangulo ng iba’t ibang samahang medikal sa loob at labas ng bansa. Naging pinuno rin siya ng mga alumni organization ng Unibersidad, gaya ng University of Santo Tomas Alumni of Michigan noong 1984; University of Santo Tomas Medical Alumni of Midwest sa taong 1986; UST Medical Alumni Association of America noong 1992; at ng UST Medical Alumni Association Foundation simula 1994 hanggang 1996.

Si Evangelista ay nakatanggap din ng iba pang mga parangal tulad ng Gintong Pamana Apolinario Mabini Award for Outstanding Leadership noong 2009 at Asian American Hall of Fame Award in Medicine and Government Service sa parehong taon.

Sa kasalukuyan, si Evangelista ay visiting clinical professor sa Unibersidad at Honorary Consul General of the Philippines sa Michigan. Jonelle V Marcos

Mga Sanggunian:

The Varsitarian: Tomo VI, Blg. 3, Hulyo 17, 1933

The Varsitarian: Tomo VI, Blg. 6, Setyembre 1, 1933

TOTAL Awards 2009 Souvenir Program, 28 Pebrero 2009, UST Plaza Mayor

Giovanelli, Ting Joven. Nakuha Setyembre 11, 2013 mula sahttp://www.megascene.net/?page_id=222

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.