‘Paigtingin ang pag-aaral ng lokal na kasaysayan’ – mga historyador

0
5467

UPANG mas lumawak ang kaalaman ng mga Filipino sa pambansang kasaysayan, kinakailangang paigtingin ang pananaliksik at pagsusulat sa mga lokal na kasaysayan.

Ito ang mensahe ng ilang mga historyador sa Seminar on Local History na ginanap sa Valenzuela City auditorium noong ika-19 ng Pebrero.

“Hindi mabubuo ang pambansang kasaysayan kung hindi maganda ang lokal na kasaysayan,” wika ni Xiao Chua, kilalang propesor ng kasaysayan.

Dagdag pa niya, mahusay na maituturo ang pambansang kasaysayan sa tulong ng mga nakalap na kuwentong lokal.

Tulad ng Valenzuela, mapagaganda rin ang pangkulturang sangay ng mga lungsod at lalawigan sa bansa kung makatatanggap ang mga ito ng suporta mula sa kani-kanilang mga lokal na pamahalaan, aniya.

Ibinahagi ni Jose Victor Torres, Tomasinong manunulat, ang kaniyang saliksik tungkol sa rehimeng Reinoso-Zarcal o Rei-Zar, na namuno sa isang yunit ng mga gerilya sa Valenzuela noong ikalawang digmaang pandaigdig.

“Ang mga kuwento ng mga henerasyong nauna sa atin ay kailangang makalap, masulat at maalagaan bago ito tuluyang mawala sa mga susunod pang henerasyon,” wika ni Torres.

Sinang-ayunan naman ito ni Joselito de los Reyes, tagapangulo ng Kagawaran ng Panitikan sa Unibersidad. Iminungkahi niyang maging mausisa ang mga guro sa kasaysayan ng mga lugar na kanilang ginagalawan.

“Magandang magmasid-masid sa paligid [dahil] baka mayroon tayong nakakaligtaan [na mga kuwento] diyan,” wika niya.

Ibinahagi ni de los Reyes ang kaniyang saliksik na pinamagatang, “Tatlong Bungo sa Coloong: Mga Kuwento noong Panahon ng Hapon.”

Pinamunuan ng Cultural Affairs and Tourism Development Office ng Valenzuela ang pagtitipon.

 

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.