ANG BAWAT bayan ay mayroong kuwentong kababalaghang naibaon na ng makabagong panahon, ngunit sa hindi inaasahang mga pangyayari, muli itong huhukayin upang muling ipaalala ang ating pinagmulan.

Sa kaniyang ikalimang librong “Tatlong Gabi, Tatlong Araw” (Visprint, Inc., 2013), na nagkamit ng unang gantimpala para sa kategoryang “Nobela” sa nakaraang ika-63 Carlos Palanca Memorial Awards, dadalhin ni Eros Atalia ang kaniyang mga mambabasa sa isang mundo puno ng misteryo, kaiba sa mga naunang akdang kaniyang naisulat.

Umiikot ang kuwento sa pagbabalik ni Raymundo “Mong” Mojica, dating horoscope writer na ngayon ay isa nang kilalang mamamahayag, sa Barangay Magapok ng Santa Barbara de Bendita, upang tuparin ang huling hiling ng kaniyang namayapang ina.

Maaaring ang nobela ay isinasalaysay sa ikatlong persona, ngunit hindi ito naging hadlang upang panatilihin ang unti-unting inuungkat na misteryo ni Mong tungkol sa hindi maipaliwanag na pagkawala ng mga alagang hayop at mga mamamayan ng Magapok.

Nagsimula ang unang bahagi ng kuwento sa isang maulang gabi ng Marso nang makarating ang mamamahayag at ang drayber ng sinasakyan niyang habal-habal na si Berto ang Magapok upang ibalita ang tumama sa lugar na super typhoon. Sila ay sinalubong ng kapitan sa pamamagitan sa isang inuman.

Habang nagkakasiyahan ay nabaling ang kuwento tungkol sa “malakat,” isang kilalang kuwento sa bayan tungkol sa isang nilalang na nag-aanyong tao. Sinasabing may tatlo itong uri—ang kumakain ng patay, pumapatay ng malapit nang mamatay at ang basta na lamang pumapatay.

Ngunit dahil siya raw ay “galing Maynila at edukadong tao,” hindi ito pinaniwalaan ni Mong. Isang pagpapahiwatig ng akda kung paano nababago ng lakad ng panahon at agham ang hulma ng pag-iisip ng mga tao. Ngunit sa mga sumunod na mga araw, hindi maipapaliwanag ni Mong ang mangyayari sa kaniya sa lugar kahit ang mga propesor sa Unibersidad na minsan niyang tiningala.

READ
UST hosts Southeast Asian meet on TV programming

Maagang nagsimula ang unang araw ni Mong sa Magapok kung saan abala ang lahat sa paghahanda sa darating na pista. Walang bakas ng malakas na ulan ang nagdaang gabi. Habang payak at masayang naghahanda ang mga mamamayan, natanggap ng kapitan ang balita ng pagkawala ng kanilang mga alagang hayop.

Nagpatuloy pa rin ang paghahanda at pagdaraos ng kapistahan ngunit patuloy din ang unti-unting pagkawala ng mga hayop at ng mga taga-Magapok.

Sa kabila ng mga nangyayaring pagkawala ay ang paghahanap at paggunita ni Mong sa naudlot na pag-iibigan niya at ng kaniyang kababatang si Lumen.

Ngunit hindi na nakita pa ng karamihan sa mga taga-Magapok ang ikalawang araw. Wala nang nagising pa sa mga nagsitulog ng nakaraang gabi. Dala ng mga hagulgol ng mga tao ang kanilang nadaramang lungkot, pagod at pangingilabot.

Hindi maipaliwanag ang sunud-sunod na kahindikhindik na mga pangyayari sa Magapok. Hindi na malaman ng mga tao kung sino o ano ang dapat sisihin.

May anggulo ng pulitika at ilegal na mga gawain sa mga karatig-baranggay. Maaaring ito ang sanhi ng mga pagkawala o kaya naman ay maaaring tinatakot lamang nila ang mga taga-Magapok upang lisanin ang bayang sinasabing napaliligiran ng mineral.

Bukod pa rito, maraming pira-pirasong mga kuwentong nakapaloob sa nobela na pinagtatagpi-tagpi ang katauhan ni Mong bilang taga-Magapok. Sa pamamagitan ng mga pagbabalik-tanaw sa kaniyang nakaraan sa lugar, nabigyan si Mong ng konkretong pagkatao sa nobela.

Hindi biglaang pananakot ang hatid ng “Tatlong Gabi, Tatlong Araw.” Hindi ito tulad ng mga tipikal na kuwentong kababalaghan na patatalunin ang mambabasa sa panandaliang pagkakagitla na saglit na pananakot lamang din ang itinatagal. Pangmatagalang pagkabagabag at pagkalito ang hatid ng nobela ni Atalia. Ito ay isang kuwento ng mga tao sa maliit na bayan ng Magapok at ng isang mamamahayag nagbalik upang muling kilalanin ang kaniyang iniwang tahanan.

READ
Brown University honors Artlets sociology professor

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.