MATAPOS ibasura ng Korte Suprema ang people’s initiative, sumikad ang paa ng Malacañang na isulong ang Charter Change (Cha-cha) sa pamamaraan ng constituent assembly para mapalitan ang kasalukuyang bicameral-presidential na gobyerno sa isang federal-parliamentary.

Pero lumang tugtugin na ang Cha-cha. Maging si dating presidente Fidel Ramos isinusulong na ang Cha-cha noong 1991 pa lang. Ani Dr. Jose Abueva, pangulo ng Constitutional Commission na inatasan ni Presidente Macapagal-Arroyo na gumawa ng blueprint ng bagong konstitusyon, taong 1999 pa lang sinimulan na ng Citizens Movement for a Federal Philippines ang kampanya para baguhin ang sistema ng gobyerno. Ngunit habang papalapit na ang eleksyon sa susunod na taon, mapapansin kung papaano minamadali ni Arroyo ang kampanya ng kanyang administrasyon para sa Cha-cha.

“It’s now or never,” ang tila gustong sabihin ni Arroyo sa mga Pilipino. Kung hindi tayo magbabago ng sistema ng gobyerno, hindi na aangat ang kalidad ng buhay natin at mananatiling subsob ang Pilipino sa kahirapan. Kung ganito ang paniniwala mismo ng ilang mga lider natin, malamang na malayo ang pagkakataon nating umunlad.

Maraming magagandang ipinapangako ang paglipat sa isang parliyamentaryo na sistema ng gobyerno. Ayon sa mga tagapagtaguyod ng Cha-cha, ang ating sistema ng gobyerno ang sanhi ng mga patong-patong na problema ng bansa.

Sa isang forum na dinaluhan ko noong nakaraang Enero sa UST Graduate School, sinabi ni Abueva na walang mapapala ang mga Pilipino sa kasalukuyang sistema ng gobyerno dahil mahina ang kapasidad nito upang mabisang maipatupad ang mga batas.

Tama si Abueva na sabihing isang propesyon din gaya ng Medisina at pagtuturo ang pulitika, at “artipisyal” na pigilan ang isang pulitiko kung gusto nitong tumakbo ulit sa gobyerno. Para sa akin, hindi sapat ang anim na taon sa isang presidente upang masolusyonan ang mga problema ng bansa gaya ng ating mga trilyon na utang sa World Bank. Sinabi rin ni Abueva na mainam na lumipat tayo sa isang unicameral na parliyamento upang mapabilis ang proseso ng pagpapatupad ng ating mga batas dahil walang maliwanag na pagkakahiwalay ng lehislatibo at ehekutibo na sangay ng gobyerno.

READ
The Filipino survivor

Subalit maisasantabi lamang ang mga magagandang punto ni Abueva kung kaakibat nito ang pagsuspinde sa eleksyon sa 2007 upang manatiling nakaupo ang ilang mga tiwaling opisyal ng gobyerno. Sumasayaw lamang sa lumang tugtugin ng pulitika ang mga tagapagtaguyod ng Cha-cha. Kungsabagay, masarap at madaling sabayan nga ang lumang tugtugin, ani nga ng Apo Hiking Society.

Marami pang mga mahahalagang isyu ang dapat unahin ng gobyerno bukod sa Cha-cha kagaya ng kahirapan, kurapsyon at pag-resolba sa mga akusasyon ng pandaraya ni Arroyo sa eleksyon noong 2004.

Sa banner na artikulo ng Philippine Daily Inquirer noong Nob. 1, sinabi sa isang sarbey ng Social Weathers Station na 51 porsiyento ng mga Pilipino ang nagsasabing mahirap sila. Sa kabilang banda, ikatlo naman sa katiwalian ang Pilipinas sa mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations at ika-121 sa 163 bansa na kasama sa taunang Corruption Perceptions Index na inilabas ng Transparency International noong Nob. 6.

Sa katunayan, maraming mga Pilipino pa rin ang nabubuyo sa mga pangako ng mga mapagsamantalang pulitiko at patunay ang mga milyon na Pilipinong pumirma sa people’s initiative kahit hindi malinaw ang hangarin nito. Malamang, ito ‘yong mga Pilipinong naniniwalang gampanin ng mga senador at kongresista na magpagawa ng mga basketball court at maging ninong at ninang sa kanilang mga anak.

Ipinapakita lamang ng people’s initiative na misedukado ang mga Pilipino sa takbo ng pulitika sa bansa, at hindi na gusto nila ng Cha-cha.

Bagaman sang-ayon ako kay Abueva na wala naman talagang angkop na panahon upang baguhin ang ating Konstitusyon, kung titignan pang maigi, tanging mga iilang pulitiko lamang ang makikinabang sa kasalukuyang pagsulong ng Cha-cha, na ipinangangalandakan ng gobyerno na maghahatid sa atin sa kaunlaran.

READ
UST grants teaching degree scholarships

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.