ISANG estudyante ng Graduate School ang ginawaran ng Rector’s Literary Award (RLA) sa ginanap na ika-28 Gawad Ustetika noong ika-9 ng Pebrero sa Plaza Mayor ng Unibersidad.
Si Paul Castillo, 25, mula sa kursong Creative Writing ay nagkamit ng RLA para sa kaniyang tulang “Sa Panahon na Walang Panahon.” Ang RLA ay iginagawad ng Rektor ng Unibersidad sa akdang umangat sa pagpapamalas ng Christian values, mula sa lahat ng mga akdang nagkamit ng unang gantimpala.
“Kahit sinong gustong magsulat at kung alam niya kung paano isusulat, factor na ‘yun… ‘Yung view ng mambabasa wala talaga sa edad [ng manunulat],” ani Castillo.
Tulad ng ilang mga lumahok, hindi ito ang unang pagkakataon ni Castillo na magpasa ng kaniyang akda sa Gawad Ustetika. Katunayan, taong 2007 ang kaniyang unang pagsali sa patimpalak.
Taong 2008, sa unang pagkakataon ay lumahok si Castillo bilang mag-aaral ng Graduate School.
“Sumali ulit ako sa paghahangad ng back-to-back win sa Tula. . . Kaso natalo ako. . . Ngayong taon, hindi na lang ako nag-expect kasi malas yata ako kapag nage-expect,” ani Castillo.
Ayon kay Castillo, ang akdang isinali niya ngayong taon ay naiiba sa mga nauna dahil pinili niyang magsulat ng personal na paksa.
“Sa two previous winning [entries], more on social relevance issue ‘yung nilalagay kong laman. Ngayong taon naglagay ako ng personal, tungkol sa kamatayan,” ani Castillo.
Iba pang nagwagi
Samantala, nakamit ng tulang “Claustrophobic” ni John Cario Pacala, mula sa Faculty of Arts and Letters, ang ikalawang gantimpala at ikatlong gantimpala naman ang nakamtan ng “Pamamahay” ni Rommel Roxas ng Faculty of Engineering.
Para sa kategoryang Poetry, tatlong akdang Artlets ang pinarangalan—para sa unang gantimpala, “One Thousand Burning Suns” ni Joshua Carlo Pile, para sa ikalawang gantimpala, “Slowness” ni Louis Gerard del Rosario, at para sa ikatlong gantimpala, “Stuck at Inertia” ni Mika Patricia Pangilinan.
Para sa kategoryang Katha, muli, tatlong akdang Artlets ang pinarangalan—para sa unang gantimpala, “Tag Team” ni Pacala, para sa ikalawang gantimpala, “Nang Gupitin ni Emily ang Sariling Buhok” ni Marie Giselle Dela Cruz, at para sa ikatlong gantimpala, “Bali-Balita” ni Hope Jael Perez. Nagkamit naman ng karangalang banggit ang mga akdang “Krus” ni Ivan Paulo Salanguit, AMV-College of Accountancy, at “Huling Misteryo” ni Levine Lao na mula sa Graduate School at dating tagapamahalang patnugot ng Varsitarian.
Para sa kategoryang Fiction, walang nagkamit ng una’t ikalawang gantimpala. Nakamit ng akdang “Sky Diver” ni Miguel Luis Galang mula sa College of Science ang ikatlong gantimpala. Pawang honorable mentions naman ang natanggap ng mga akdang “Playtime” ni Roy Stephen Canivel, Artlets, “The Twelve Midnights” ni Paulo Miguel Gabuat, Engineering, at “Weight” ni Adrelle Emil Alfonso, Artlets.
Para sa kategoryang Sanaysay, nagkamit ang “Pagbabalik sa Bukid” ni Lao ng unang gantimpala, “Reply Slip” ni Castillo ng ikalawang gantimpala, at “Hukay” ni John Evan Orias, Artlets, ng ikatlong gantimpala.
Para sa kategoryang Essay, walang nagkamit ng unang gantimpala; ikalawang gantimpala naman ang nakamit ng akdang “Conquering Blue” ni Victoria Noelle Elma at ng akdang “His Face Holds Vestiges of Familiar Comfort” ni Karen Sandoval, samantalang ikatlong gantimpala naman ang nakamit ng akdang “The Water Cycle” ni Mika Patricia Pangilinan, kapuwa Artlets.
Walang nagkamit ng unang gantimpala para sa kategoryang Dulang May Isang Yugto. Tatlong akdang Artlets ang humakot ng iba pang karangalan: “Bus Stop” ni Ma. Kristina Magno, ikalawang gantimpala; “Ang Paglapag ng Eroplanong Papel” ni Sherina Mae Inza-Cruz, ikatlong gantimpala; at “Ang Panginoong Diyos ay Sumasaiyo” ni Renz Lyndon Paguio, karangalang banggit.
Sa taong ito, walang nagpasa ng akdang ilalahok sa kategoryang One Act Play.
“Sa palagay ko, mas maraming mandudulang komportableng magsulat sa ating sariling wika,” ani Jose Victor Torres, isa sa mga hurado ng kategoryang Dula/Play.
Pagpili sa mga nagwagi
Dumaan sa masusing paghatol ang mga akdang nagwagi sa Gawad Ustetika.
Noong ika-2 ng Pebrero ginanap ang deliberation night kung saan nagdiskusiyon ang lupon ng inampalan upang pangalanan ang mga nagwagi.
Ayon kay Jose Wendell Capili, isa sa tatlong hurado ng kategoryang Essay, ang paghatol ng mga nagwagi ay hindi madali lalo kung tatlong hurado ang kailangang magkaisa sa desisyon.
“Mahirap. . . Bagama't premyado ang mga hurado, hindi pa rin nagkakasundo ang mga ito sa puwesto ng mga naggagandahang mga akda sa kadahilanang ang bawat hurado ay may kaniya-kaniyang mga subject-position, political o social persuasion,” ani Capili.
“Ang iba nama'y may partikular na pananaw sa estetika ng malikhaing pagsulat na salungat sa ibang mga hurado,” dagdag pa niya.
Sa listahan ng mga nagwagi, kapansin-pansin na ang ilang kategorya ay walang nagkamit ng unang gantimpala.
Ayon kay Capili, ito ay nangyayari dahil apektado ito ng creative process ng mga lumalahok.
“Karaniwan, dala na rin ng kabataan ng mga sumali, halatang minadali ang mga akdang napakalaki ang potensiyal upang manalo ng unang gantimpala. Nararapat na maging mas mabusisi ang mga sasali sa patimpalak upang maiwasan ang minor grammatical lapses, typographical errors, at iba pang mga pagkakamali na madali sanang maiwasan,” aniya. “Minsan naman [kaya walang nagkakamit ng unang gantimpala ay] walang karaniwan sa short list ng mga hurado o hindi makapag-decide ang mga hurado kung sinu-sino ang dapat gawaran ng [mga] gantimpla,” paliwanag ni Capili.
Samantala, ang paggawad ng karangalang banggit o honorable mention, ayon kay Capili, ay iginagawad sa mga akdang mananalo sana ng mas mataas na puwesto ngunit nagkulang sa antas na pinaninindigan ng mga hurado.
“Nais ng ilang mga hurado na maging ‘encouraging’ sa mga batang manunulat na may potensiyal sa hangaring mas lalo nilang pagbubutihan ang kanilang mga sinusulat sa susunod na mga taon,” ani Capili.
Kabilang sa lupon ng inampalan sina Roberto Añonuevo, direktor-heneral ng Komisyon sa Wikang Filipino, Joselito Delos Reyes, Muningning Miclat award winner, at Victor Emmanuel Carmelo Nadera, Jr., dating punong patnugot ng Varsitarian (Tula); Marne Kilates at Benilda Santos, kapuwa Carlos Palanca Mermorial award winners, at Carlomar Daoana, dating katuwang na patnugot ng Varsitarian (Poetry); Eros Atalia, Carlos Palanca Memorial awardee, Abdon Balde Jr., pinakamatandang first-time winner ng Palanca Memorial Award for Literature, at Jerry Gracio, nagkamit ng 2009 National Book Awardee (Katha); Paolo Enrico Melendez, dating nagkamit ng RLA, Ian Fermin Casocot, NVM Gonzalez Prize awardee, at Dean Francis Alfar, Carlos Palanca Mermorial award winner (Fiction); Beverly Siy, Talaang Ginto runner-up, Romulo Baquiran Jr., nagkamit ng 2003 at 2011 National Book Awards, at Ma. Luz Rebecca Añonuevo, nagkamit ng Gawad Balagtas para sa Panitikan taong 2010 (Sanaysay); Jose Wendell Capili, nagkamit ng parangal mula sa University of Kyoto ng nakaraang taon, Shirley Lua, kaanib ng Manila Critics Circle, at John Jack Wigley, direktor ng UST Publishing House (Essay); Jose Victor Torres, associate director for Drama and History sa Creative Writing Center ng De La Salle University-Manila, Ralph Galan, isang makata, literary critic, tagasalin, at inampalan ng Gawad Buhay! PHILSTAGE Awards for the Performing Arts; at Ricardo Lee, scriptwriter ng Himala, Anak, at Dubai (Dulang May Isang Yugto).
Noon, ngayon, at sa darating na panahon
Ang Ustetika ay mula sa dalawang salita—UST at estetika, o ang sangay ng pilosopiya na nagbubuo ng simulain at pamantayan ng kagandahan sa sining at kalikasan.
Taong 1949, unang itinatag ang patimpalak upang kilalanin ang mga natatanging akdang Tomasino. Makalipas ang sampung taon, ito’y kinilala bilang taunang Rector’s Literary Contest na tumagal hanggang 1970.
Natigil ang patimpalak kasabay ng mga kaganapan sa bansa noong dekada ‘70, kabilang ang pamumuno ng pamahalaang Marcos, at kabi-kabilang pambobomba.
Taong 1984, sa pangunguna ni Nadera, muling pinag-alab ang panitikang Tomasino sa patimpalak na Gawad Ustetika.
Bukod sa mga inilahad ng kategorya, ang Kuwentong Pambata ay unang kasama sa mga kategorya ngunit inalis noong 2002.
Hindi lamang mga Tomasinong mag-aaral ang pinararangalan ng naturang patimpalak. Simula 1997, iginagawad din ng Gawad Ustetika ang Parangal Hagbong bilang pagkilala sa mga batikang manunulat ng bansa.
Ang “Hagbong” ay halaw sa salitang mula sa lalawigan ng Quezon. Ito ang tawag sa sinaunang suot sa ulo ng mga lokal na sumisimbolo sa katayuang panlipunan.
Ngayong 2013, ang Parangal Hagbong ay iginawad kay Rita Gadi, isang batikang makata at beteranang peryodista.
Ilan sa mga gantimpalang nagtatag sa pangalan ni Gadi ay ang Carlos Palanca Memorial Award for English Poetry para “Image of the Dancer” na kaniyang natanggap sa edad na 17, na siyang pinakabatang nagkamit ng naturang parangal. Nakamit din ni Gadi ang National Centennial Poet noong 1998 para sa “The Song of Lakambini” at New York City Poetry Award noong 2010 para sa “Prayers for the Present.”
Si Gadi ay kasalukuyang Managing Director ng GRAF Consulting.