KABILANG ang mga Tomasino noong 1981 sa mga mapalad na nakapanayam ang hinirang na icon ng demokrasiya dahil sa kaniyang di-matatawarang papel sa pagpapabagsak sa diktadura ni Ferdinand Marcos tungkol sa kalagayan ng press sa demokrasya.

Ika-13 ng Agosto 1981 nang magbahagi ng leksiyon si Letty Jimenez-Magsanoc para sa simposyum na pinamagatang “Press Freedom, Myth or Reality” sa audio-visual room ng St. Raymund’s de Peñafort Building.

Sinabi nito na, “kung ibabalik ang malayang pamamahayag, ang mga alagad ng press ay higit na magkakaroon ng pananagutan na ‘di tulad ng press freedom bago magkaroon ng batas-militar, dahil naranasan na nila ang kapaitan ng isang sikil na press.”

“Dahil sa ang press ay kontrolado ng mga malalakas na puwersa, umaasa ito sa suporta ng publiko, at ang publiko rin mismo ang dapat makipaglaban para rito dahil sila rin ang makikinabang sa kaligtasan ng press.”

Para kay Magsanoc, “national security” ang dahilan kaya nagiging sunud-sunuran ang press sa diktadura ng pamahalaan. Paliwanag niya, itinuturing ng mga tagapaglimbag na masama sa kaligtasan ng bansa ang mga sulating makakasama sa larawan ng pamahalaan.

Sa bukas na talakayan, tinanong si Magsanoc ng mga mag-aaral ng Journalism at Mass Communications ukol sa campus journalism at mga hakbang na dapat tahakin ng mga Filipino sa media.

Pinuri rin ni Magsanoc ang campus press dahil tinatalakay nito ang mga mahahalagang isyu ng lipunan habang ang mga pambansang pahayagan pa ang mismong naduduwag na gawin ito.

Sa huli, binigyang-diin niya na isang propesyon at hindi para makatamo ng papuri mula sa lipunan ang pamamahayag, na ito ay para sa makabuluhang paglilingkod sa bayan.

READ
Balikbayan, balik-Pasko

Tomasino Siya

Tatak Tomasino ang taglay na natatanging husay at talino ng premyadong alagad ng batas na si Atty. Enrique Syquia.

Isang abogado at diplomat si Syquia na napabantog sa kaniyang pagsisilbi bilang Ambassador Extraordinary and Plenipotentiary of the Sovereign Military Order of Malta para sa bansa noong 1996.

Itinatag ang Sovereign Military Order of Malta (SMOM) sa paglalayong maprotektahan ang pananampalatayang Katoliko at mapagsilbihan ang mga nangangailangan. Bilang matatag na samahan ng mga Katolikong layko, naitalang nagsimula ang matibay na ugnayan ng SMOM at ng Pilipinas noong administrasiyon ni dating pangulong Diosdado Macapagal.

Taong 1953 nang magtapos si Atty. Syquia ng abogasiya sa Unibersidad bilang magna cum laude at nanguna rin sa bar exam sa parehong taon.

Nakamit naman niya ang kaniyang titulong Doctor of Civil Law sa Unversidad Central de Madrid noong 1955 na may gawad na sobresaliente.

Itinatag niya ang Syquia Law Offices at naging isa sa mga pinakamagaling na abogado sa bansa subalit mas pinili niyang magbigay-serbisyo nang pribado at malimit tanggihan ang mga alok na sumapi sa pamahalaan.

Ginugol niya ang mahabang panahon sa pagbabahagi ng kaniyang kakayahan partikular sa mga pari, seminarista at sa mga nakapiit na biktima ng maling hatol.

Naitatak niya sa isip ng kaniyang mga malalapit na kaibigan ang mga salitang, “The best lawyers are lawyers who seldom go to court to settle their cases” sapagkat naniniwala siyang mas malalim pa roon ang kahulugan ng kanilang trabaho.

Unang araw ng Pebrero 2005 nang sumakabilang-buhay si Syquia sa edad na 74 sanhi ng pagkaatake sa puso.

READ
UST Singers sings OPM in pre-Christmas concert

Sa isang tribute na ipinalathala ng kaniyang asawa at mga anak sa unang anibersaryo ng kaniyang pagpanaw, inalala nila ang tatlong pangunahing pilosopiya ng kanilang haligi: ang pagpapahalaga sa mga kinagisnang turo, ang pagpili sa pamilya bago ang karera at ang pag-iiwan ng magandang pangalan at edukasiyon sa mga anak.

Kabilang sa kaniyang mga parangal ang Grand Cross of Merit noong 1985, Orden de Isabela Catolica mula sa hari ng Espanya, Order of St. Gregory mula sa Simbahan sa pangunguna ni Jaime Cardinal Sin at ang Gusi Peace Prize International for Humanitarianism noong 2003. Maria Koreena M. Eslava at Bernadette A. Pamintuan

Tomasalitaan:

Paragas (png) – pagtawag o pagsundo sa isang tao, lalo na kung may kamag-anak na namatay.

Hal. Ikaw na ang pumaragas sa mga kaanak at kaibigan dahil hindi matigil sa kaiiyak ang iyong kapatid.

Mga Sanggunian:

The Varsitarian: Tomo LIII Blg. 12, Agosto 1981

Tribute para kay Atty. Enrique Syquia. Nakuha mula sa www.philstar.com/opinion/324237/enrique-syquia-family-tribute

LEAVE A REPLY

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.